TRAVELBOOK NOW!

Saturday, September 3, 2016

Change The Way I See Friendship


“ NO MAN IS AN ISLAND “


Iyan ang palasak na kasabihan tungkol sa pakikipagkaibigan ng isang tao.

Wala naman sigurong tao na isang isla.

In one way or another , nagkaruon naman siguro tayo ng kahit isang kaibigan sa buong buhay natin.

Malungkot ang maging isang isla.

Wala kang makakasama .

Wala kang makakausap.

Wala kang makakasalamuha.

In my case , nagkaruon ako ng mga kaibigan sa aking buhay .

Admittedly , I am gay .

At sa isang katulad ko mahirap makahanap ng mga totoong kaibigan.

SI JUMBO
Naalala ko pa nuong bata pa ako na binigyan ako ni Papa ng isang aso.

Tuta pa lamang siya nang siya’y ibigay sa akin ni Papa.

Pinangalanan ko siyang Jumbo.


Itinuring ko siyang aking unang kaibigan.

Mas higit pa nga siguro sa kaibigan.

Maliit lamang siyang aso , halos hindi lumalaki.

Bagay sa isang maliit na batang tulad ko.

Ako ang nagpapaligo sa kaniya.

Nagkukuto , nagpapaihi at nagpapatae  , nagsusuklay , nagpupulbos , nagpapakain at nagpapainom.

Katabi ko siyang matulog tuwing gabi . Ginagawa ko siyang unan sa pagitan ng aking mga maliliit na hita.

Lagi ko siyang kasama sa tuwing uutusan akong bumili sa tindahan.

Anupat para ko na siyang anak.

Actually he is both my friend and child in one.

Kapag dumarating ako galing sa eskwela , siya ang unang sumasalubong sa akin , kasabay ang  walang tigil na pagkawag ng kaniyang mahabang buntot.

Isang araw , walang Jumbo na sumalubong sa akin.

Kinabahan ako.

Ang daming tao sa loob ng bahay.

Tinanong ko ang isa kong pinsan kung ano ang nangyayari at nasaan si Jumbo ?

Ang sabi niya , “ hindi mo ba alam na dumating si Tiyo Fred galing Saudi ? “

“ Hindi ko alam eh . Nasaan ba si Jumbo ? Bakit hindi sumalubong sa akin ? Sunod sunod na tanong ko .

“ Hay naku , ipinakatay ng Papa mo kasi humingi ng pulutan si Tiyo at walang ibang naisip na ibigay kundi si Jumbo mo ! “

Nagulat ako sa narinig.

Gusto kong maglupasay pero hindi ko nagawa.

Alam kong pagtatawanan lamang ako kapag ginawa ko iyon.

Sa isang bata na binigyan ng isang  aso na maaalagaan niya at tapos ay biglang babawiin , isa itong trahedya.

That was my first broken friendship.

SI EDDIE

Nuong aking elementary days sa Marikina si Eddie ang aking bestfriend.

Isa rin siyang batang bakla tulad ko.

Simula Grade 3 ako hanggang grumadweyt kami ng Grade 6 ay siya ang best buddy ko.

Kasama sa harutan , laro , paggawa ng assignments , gala , projects at kung anu ano pang walang kuwentang kuwentuhan.

Kilala ko ang mga crushes niyang mga kaklase namin and at the same time alam niya ang mga showbiz crushes ko .

Sa buong apat na taon namin sa elementarya we are inseparable.

Kilala niya ako at ang aking pamilya.

At alam niyang galit ang tatay ko sa mga bakla.

Hindi ko maintindihan dahil kapag ang kasama ko ay mga babae ay nagagalit si Papa.

Katuwiran niya nagagaya ko daw ang mga kilos at galaw ng mga babae kaya lumayo daw ako sa kanila.

Subalit kapag mga lalaki naman ang kalaro ko ay baka daw nakikipaglandian at harutan na ako sa mga lalaking iyon na kalaro ko.

At kapag bakla naman ay lalong ayaw din niya .Dahil magiging bakla rin daw ako.

Kaya ang naging pagkakaibigan namin ni Eddie ay palihim .Sa eskwelahan lamang at sa kalsada.

Dumating ang araw namin ng graduation at iyon na ang huli naming pagkikita.

Matapos iyon ay parang biglang pumihit ang inog ng mundo.

Hindi na kami nagkita at nagkausap.

Pumasok kasi siya sa ibang paaralan sa high school.

At ako ay naiwan sa kumunoy ng pag-iisa.

Naging loner ako at namuhay na parang isla pagpasok ko ng high school.

Dito sa panahong ito naramdaman ko ang tunay na pagkamuhi ni Papa sa mga bakla.

Kaya mas pinili kong maging mapag-isa at magmukmok sa loob ng aking kuwarto kaysa pumili at makisama sa mga bagong kaibigan.

Tutal wala na si Eddie kaya ngayon ay mag-isa na lamang ako.

I became an island totally.

This is my second friendship failure.

SI MEDYAS


Nuong High School days ko naman ay dumating ang isa pang hayop .

This time ay isa namang pusa.

Isa lamang siyang pusakal o pusang kalye.

Subalit kakaiba sa lalahat ng mga pusang kalye.

Bigla na lamang namin siyang nakita sa loob ng bahay namin at hindi na umalis.

At dahil wala naman kaming alaga nuong hayop inako na namin siyang pet.

May mga ugali si Medyas na kakaiba sa lahat ng mga pusa.

Tumatabi siya sa iyong matulog. At kasabay din namin siyang kumain sa hapag.

At higit sa lahat marunong siyang magmasahe!

Kapag nakita na niyang nakadapa kami o kaya ay nakahiga ay tatalon na iyan sa aming likuran at sisimulang masahehin ng 
kaniyang mga paa ang aming likod kasabay ng pag-ngiyaw.

Para bang sinasabi niya na “ mahal ko kayo at gusto kong ipadama ito sa pamamagitan ng pagmasahe sa inyong mga pagal na katawan “

Anupat hindi lamang ako ang nasisiyahan sa gesture na ito ng pusang si Medyas.

Ang buong pamilya ko na ang natutuwa sa kakaibang pusang ito.

Kaya naman mahal na mahal din namin siya at inaalagaan nang mabuti.

Ngunit isang araw ay nakita namin siyang malungkot at tila nanghihina .

Hindi na siya makapaghilot sa amin.

Subalit ngiyaw pa rin siya ng ngiyaw.

Parang ipinahihiwatig na “ pasensya na kayo at hindi ko kayo mahilot dahil hindi ko kaya dahil maysakit ako “

Isang umaga bago ako umalis papuntang eskwela ay kinausap ko pa siya na hintayin ako pagbalik ko ng hapon dahil dadalhin ko na siya sa isang veterinarian.

Subalit pagbalik ko nang hapong iyon dala dala ang isang gamot na binigay ng isa kong kaklase para ipainom daw ay ….

Wala na si Medyas.

Namatay daw siya nang katanghalian ng araw na iyon.

Sa mismong kama kung saan karaniwang ginagawa niya ang panghihilot sa amin.

That's my third friendship heartache.

JESUS CHRIST


Matuling lumipas ang panahon.

Naka-graduate ako ng high school at nakapag-college .

Subalit masalimuot ang istorya ng aking pagkokolehiyo kaya hindi ako nakatagal na tapusin ito.

Nag-quit ako sa pag-aaral ng kolehiyo at sinubukang magtrabaho.

Kung gaano kabigat ang mag-aral , doble pasakit pala kapag nagtatrabaho ka na.

Madami kang makikilalang katrabaho na madalas umepal at makialam sa buhay mo.

Sa yugtong ito ng aking buhay ko nakilala si Jesus.

Opo , ang ating Panginoong Jesus na Diyos sa Langit.

Sa pang-eengganyo ng isang kakilala ay sumama ako sa kaniya dahil may ipakikilala daw siyang isang magaling at mapagmahal na kaibigan sa akin.

Hindi raw ako iiwanan ng Kaibigang ito at lagi akong sasamahan saanman ako magpunta.

Dahil sa labis na pangangailangan ko ng isang mabuti at tapat na kaibigan ng mga panahong iyon ay naganyak niya akong sumama sa pinupuntahan niya.

Sa isang Born-again Church pala niya ako dadalhin.

At duon ko nakilala si Jesus , ang ating Dakilang Tagapaligtas.

Duon ko nalaman na sa labis Niyang pagmamahal sa atin ay inialay Niya ang Kaniyang sariling buhay sa Krus upang tayo ay iligtas sa kamatayan at hanguin tayo sa mga pighati sa ating buhay.

Simula nuon ay na-inlove ako sa bago kong kaibigan na si Jesus.

Lagi akong nagsisimba tuwing Linggo, nagtuturo ng Bible sa mga bata , umaattend ng Bile Study tuwing Biyernes , sumasama sa mga misyon sa kanayunan , dumadalo sa mga crusades sa mga plasa ng bayan , umaawit at tumutugtog ng instrumentong pagsamba at marami pang iba.

Anupat halos buong panahon ko ay ginugol ko sa paglilingkod sa Panginoong Jesus.

Naging totoo sa akin ang mga kantang What A Friend We Have In Jesus at Jesus You Are My Bestfriend na lagi kong inaawit.

Subalit kung kailan ka pala malapit sa Panginoong Jesus bilang Kaniyang kaibigan ay duon din magsisimulang dumikit ang isa pang entidad na gusto ring makipagkaibigan sa iyo – ang Diyablo.

Pangunahin pa ring isyu ng buhay ko ay ang aking kabaklaan.

Sa buong panahon na inilagi ko sa ministeryo ng Panginoong Jesus ay hindi rin naresolba ang matagal na isyung ito na gumugulo sa buhay ko.

At ito rin pala ang isyu na gagamitin ng Diyablo para mapalayo ako kay Jesus.

Dahil sa takot ko na ma-overcome ako ng sarili kong diyablo ng kabaklaan ay pumasok ako ng Bible Seminary thinking na sa loob ng paaralang ito ay magagapi ko ang aking inner demon.

Ngunit hindi pala dahil mismo sa loob ng seminaryong ito magaganap ang isang eskandalo na tuluyang magpapalabas sa akin sa institusyong ito.

Ang makipagrelasyon sa isang kapwa Seminaristang lalaki!

Dahil sa laking kahihiyan na inabot ko sa relasyong iyon ay tuluyan akong tumalikod sa pananampalataya at lumabas ng Seminaryo.

Isang pakikipagkaibigan ang muling natapos sa yugtong ito .

And this time ay sa Panginoong Jesus !

Rommel , Fred , Don at Omie


Nang lumabas ako ng Seminaryo , pakiramdam ko ay naging malaya ako.

Nagrebelde ako dahil sa pangyayari.

Ang sabi ko ay siguro talagang ipinanganak akong bakla at hindi ko dapat  sikilin kung ano ang tunay na nararamdaman at pagkatao ko.

Ang pakiramdam ko nuon ay nakakulong ako sa isang selda at gustong gusto kong lumaya.

Parang gusto ko nuong sumabog sa sobrang bigat ng isipan ko.

Sinunod ko ang tawag ng aking laman.

Nagliwaliw ako sa kung saan saan at sumama sa kung kani-kaninong kaibigan at lalaki.

Marami akong nakilalang tao na itinuring kong kaibigan.

Iba’t ibang klase , iba’t ibang anyo , iba’t ibang itsura.

Ang feeling ko ay nag-eexperiment ako kung sino ba ang tunay na kaibigan ko.

Sa dami nang emosyong naghahalo-halo sa utak ko ay umiikot ang ulo ko.

Sadness , loneliness , trauma , stress , depression , low self-confidence , peer pressure , at marami pang iba na nagsasalimbayan sa aking utak.

Parang blender ang aking utak na ginigiling ang bawat emosyong pumapasok sa aking katawan.

Minsan ako’y masaya at tumatawa , madalas lumuluhang mag-isa.

Ang dating isla ay nagpasyang makisama sa ibang mga isla upang bumuo ng isang arkipelago.


Subalit kung may hatid na problema ang pagiging isla , gayundin pala kapag napasama ka sa isang arkipelago.

Sa dami nang mga taong nakilala ko at nakasama ilan lang ang tumatak na masasabi kong tunay na kaibigan .

Sila ay sina Rommel , Don , Fred at Omie .

Kami lagi ang magkakasama sa rampa , tambayan , kainan , adventure , escapade , tawanan , inuman , kalungkutan at saya.

Ngunit hindi pa rin pala ito magtatagal .

Darating din pala ang panahon na isa isa silang mawawala at iiwan ka.

Si Don ay nag-abroad na sa Saudi at duon na nanirahan.

Si Fred ay umuwi sa kanilang probinsya sa Bukidnon para alagaan ang kaniyang mga magulangna matatanda na rin.

Si Omie na simula nang mapasok sa isang call center company ay piniling mas makipag-sosyalan sa kaniyang mga bagong sosyal na officemate.

At si Rommel naman ay naging busy sa kaniyang mga negosyo na unti-unting lumalago.

Naiwan na naman akong mag-isa .

Walang kaibigan , walang karamay.

CHANGE THE WAY I SEE FRIENDSHIP

Sa parteng ito ng buhay ko ngayon marami akong na-realize .

Sa buhay nating ito totoong kailangan natin ng mga kaibigan.

Mga taong makakasama at aalalay sa ating pagtahak sa mundong ito.

Datapwat hindi naman kailangan na laging tao ang pwede mong makasama .

Puwede mo ring ituring na kaibigan mo ang mga hayop katulad nila Jumbo at Medyas.

I have realized also that friends do come and go .

Minsan nandiyan sila , minsan mawawala na lang bigla.

Sa huling check ko ng Facebook page ni Eddie nalaman ko na may sarili na pala siyang pamilya at dalawang anak.

In the course of time I have changed the way I see Friendship.

Kung dati ay gusto ko lang magkaruon ng kahit sinong kaibigan , ngayon mas pinipili ko na kung sino ang pakikisamahan ko at ituturing na kaibigan.

Sa paglipas ng panahon na marami akong naging kaibigan ay  nakalimutan ko na ang mismong pamilya ko pala ay puwede kong ituring na siyang tunay na kaibigan ko.


Sila ang laging nandiyan at nakaalalay sa akin at hindi nang-iwan at hindi bumitaw kahit na minsan ay ako ang mismong lumayo sa kanila dahil sa pagrerebelde.

Ang aking pamilya pala ang aking mga tunay na kaibigang hindi mang-iiwan anuman ang maging sitwasyon ng iyong buhay.

In the end ay wala ka pa ring ibang matatakbuhan at handang kumupkop at umaruga sa iyo sa kabila ng lahat.

At sa paglipas ng panahon ay naghihilom ang mga sugat na likha ng mga masasakit na salita.

Muli kong binalikan ang unang pag-ibig at pakikipagkaibigan ko sa Panginoong Jesus .

Muli ko siyang ginawang kaibigan na totoong nagmamahal at umiibig sa isang tulad ko na naligaw ng landas.

Naisip kong ako lamang ang lumayo sa Kaniya bilang kaibigan subalit ang Panginoong Jesus ay hindi ako nilubayan hanggang hindi ako namumulat sa katotohanan ng relasyon ko sa Kaniya.


Sa ngayon ay may mga bago akong munting mga kaibigan.

Sila ang mga kasama ko sa aking patuloy na pakikipagsapalaran sa buhay.

Walang iba kundi ang aking mga mahal na Teddy Bears.


Sila ang katabi ko sa pagtulog.

Sa palagay ko ay sila ang mga bantay ko kapag ako ay nag-iisa.

Bagamat walang buhay ay ibayong ligaya ang ibinibigay nila sa akin sa tuwing makikita ko sila.

Minsan ay hindi naman kailangang may buhay ang mga kaibigan na pipiliin mong makasama.

Kadalasan ay mas mabuti pa ang mga walang buhay dahil naiintindihan ka nila.

Hindi mo kailangang mag-pretend kapag kaharap mo sila.

Kung sino at ano ka ay tanggap ka nila bilang kaibigan.

At higit sa lahat ay hinding hindi ka nila iiwanan.

Mas mauuna ka pa ngang umalis at mang-iwan subalit sila ay nandiyan pa rin.

Matagal ka  nang lumisan sa mundong ibabaw ngunit sila ay nananatili .

Mananatiling buhay ang iyong gunita at ala-ala sa kanilang mga butones na mata , sinulid , tela at bulak ng kanilang himaymay.

At nakamasid sa susunod na magmamay-ari sa kanila.



 Note: Some of the photos are taken with the help of  Huawei P9’s camera which is co-engineered with Leica. It has dual lenses that produces high quality photos and allow users to take amazing monochrome, slo-mo, colored, light painting photos among others.

#HuaweiP9, #OO  #ChangeTheWayYouSeeHappiness/ #ChangeTheWayYouSeeLove/ #ChangeTheWayYouSeeFriendship/ #ChangeTheWayYouSeeBeauty/ #ChangeTheWayYouSeeAdventure

No comments:

Post a Comment