TRAVELBOOK NOW!

Tuesday, June 21, 2016

HINDI KITA IBINOTO MAYOR DIGONG !

HINDI KITA IBINOTO MAYOR DIGONG !
( An Open Letter to Incoming Philippine President Rodrigo Duterte )

Nitong nakaraang Mayo 9 ay nagkaruon ako at ang mga kapuwa ko Pilipino ng pagkakataong pumili ng magiging pinuno ng bansang Pilipinas sa loob ng anim na taon.

At isa sa aming pagpipilian ay ang magiging pangulo ng Pilipinas sa susunod na anim na taon.

Aaminin ko na hindi ang pangalang Rodrigo Roa Duterte ang aking binilugan sa balota bilang presidente.

Ito ay sa kadahilanang natakot ako para sa aking sarili at sa maraming mga Pilipino kung ikaw ang mananalo bilang presidente.

Natakot ako na baka marami ang mamatay nang walang kalaban-laban at kakuwenta-kuwenta sa ilalim ng iyong pamumuno.

Nabahala akong baka maging Komunista ang ating bansa kapag ikaw na ang umupo.

Nag-alala ako para sa mga babae na mabastos nang gayun na lamang at maging talamak ang rape sa ating lipunan.

Nangamba akong matutunan ng mga bata at paslit na walang masama sa pagmumura dahil sa paulit-ulit mo itong sinasambit sa telebisyon.

Lahat ng ito ay mga takot at pangambang nadama ko para sa ating bayan na maaaring mangyari oras na ikaw ay maluklok sa trono ng pamumuno ng bansang Pilipinas!

Subalit nagsalita ang mas nakararaming Pilipino sa naganap na eleksyon.

Ikaw ang kanilang ibinoto at inihalal na susunod na maging pangulo ng bansa.

Pinili ka nang mahigit labing-anim na mamamayang Pilipino upang kami ay pamunuan.

Ang sabi nga nila Vox Populi , Vox Dei.

The Voice of the People is the Voice of God.

At sino ako para tumuligsa at lumaban sa boses ng Bayan at boses ng Diyos ?

Walang duda na ikaw ang pinili ng Tao at ng Diyos upang iluklok sa trono.

Wala na akong magagawa laban duon at buong puso kong tinatanggap ang pagpili ng aking mga kababayan sa iyo upang maging lider namin sa susunod na anim na taon.

Marahil ay naniwala sila sa slogan na iyong isinusulong that a  " Change Is Coming "


Pagbabago - iyan ang kaloban at mithiin ng bawat Pilipino , kasama na ako.

Kaya naman marahil ang salitang ito ay malayang umukit sa isipan ng mga Pilipino na magpapabago sa kanilang buhay.

Mistula itong malamig na samyo ng hanging Amihan na dumampi sa kanilang humpak at yayat na pisngi o kaya ay malamig na baso ng tubig na dumaloy sa kanilang nanunuyong lalamunan.

Uhaw na uhaw sa pagbabago ang iyong mga kababayan Mayor Digong Duterte !

At ang salitang iyan na PAGBABAGO ang nagbigay ng pag-asa sa iyong mga kababayan na dahilan upang ikaw ang kanilang iboto.

Sawang sawa na at hirap na hirap na ang bansang Pilipinas sa kanilang nararanasan kaya't anumang uri ng pagbabago ang ihahain sa kanila ay buong puso na nila itong tatanggapin.

At ikaw nga ang nanalo bilang susunod na Presidente namin sa loob ng anim na taon !

Wala akong duda. Wala akong pagkontra.

Ngayon , Mayor Digong , mayruon sana akong mga pakiusap sa iyo bilang aming mahal na Pangulo.

Nais ko sanang ipunto ang mga pagbabago na nais naming maranasan sa ilalim ng iyong pamumuno :

1.) TRAFFIC - sana ay maibsan ang hirap na nararanasan namin sa pang-araw araw na pagko-commute dahil sa malubhang suliranin sa traffic at least dito sa Kalaknang Maynila.
Ang sabi nila ay " Time Is Gold " ngunit hindi iyan ubra sa traffic dito sa Metro Manila. Maraming mamahaling ginto ang nasasayang dahil sa matagal na oras na pagka-stuck sa traffic.
Bakit hind pa pagdugtungin ang MRT station sa North EDSA at ang LRT station naman sa Munoz na isang kilometro lamang ang ang haba ay hindi pa magkita-kita? Iyan ang isang puzzle na gumugulo sa aking isipan. At ang istasyon naman ng LRT 2 sa Divisoria bakit hindi pa ituloy ? Ano ang nagpapatagal sa pag-implementa ng ilan pang mga LRT Lines na may plano na pala pero hindi maisakatuparan ? Ano nga ba ang problema dito : sobrang dami ng tao , sobrang dami ng sasakyan , kitid ng mga lansangan , pasaway at walang disiplinang mga pedestrians , nagkalat na harang sa mga bangketa , korap na mga opisyal sa daan , o naglipanang mga malls ?  O lahat ng iyan ay kontributor sa paglala ng problema sa traffic ?

2.) DROGA AT KRIMEN - ang iyong pangako na sa loob lamang ng anim na buwan ay susugpuin mo ito. Harinawa Mayor. Marami na ang natatakot na gumala sa lansangan dahil sa paglaganap ng krimen. At hindi maikakailang marami ang nasayang na buhay dahil sa droga lalo na ang mga kabataan. Dapat ay sugpuin ang ugat nito walang iba kundi ang kahirapan. At ang mga nagpapatupad ng batas ay maging tapat lamang sa tungkulin ay siguradong wipe-out ang problema sa droga at krimen. Ang problema kasi ay minsan kung sino pa iyong alagad ng batas ay sila pa ang pasimuno sa paglaganap ng krimen . Iyan ay isang mapait na katotohanan.

3.) EDUKASYON - sana ay mas marami ang makatapos ng pag-aaral sa maraming probinsya. Kadalasan kung sino iyong mayaman ay siya lamang nakaka-afford na makapag-aral. Iyong mga walang pera walang tsansa na makapagtapos ng pag-aaral.Sa gayon ding dahilan , mas maliit ang tsansa nila na makahanap ng mas disenteng trabaho. Bakit kailangang may mga estudyante na lalangoy ng ilog o dagat para lamang makapasok sa eskuwela. Hindi ba puwedeng ang paaralan ang ilapit sa mga mag-aaral?

4.) HEALTH - ang haba lagi ng pila sa libreng konsulta at gamot. Karamihan sa mga mahihirap na maysakit ay walang pera pampa-ospital o panggamot.Umaasa lamang sila sa kakarampot na tulong ng mga pulitiko o ng PCSO. Dito sa bansang ito kapag nagkasakit ka ay siguradong ihanda mo na ang paa mo sa hukay. Ihanda mo na ang sarili mong libingan dahil kung wala kang sapat na pera ay siguradong sementeryo ang bagsak mo. Ang ospital ay tatanggihan ka kapag wala kang pang-deposito. Ang mga doktor ay hindi ka papansinin kapag sa charity ward ka lamang naka-confine. Sa mga kanayunan ay ang lalayo ng mga clinics at health centers. Bago ka makarating sa ospital nila ay naghihingalo ka na at malalagutan na ng hininga.

5.) KALSADA AT TULAY - kulang na kulang ang mga kalsada at tulay sa mga kanayunan. Kadalasan ay kailangang maglakad ng kilo-kilometro bago makarating sa paruroonan. Ang sabi nila ay marami tayong sasakyan kaya nagkaka-traffic. Dito lang iyan sa lungsod. Pumunta ka sa probinsya at kahit motorsiklo o bisikleta ay wala kang masakyan dahil sa kahirapan. Ang tanging mode of transportation nila ay kalabaw o kabayo. At sa mga walang tulay ay kailangan kang may bangka para ka makatawid sa ilog. O kaya ay lumangoy.

6.) KORAPSYON - kung ang mga ahensya lamang ng pamahalaan at mga namumuno dito ay may katapatan sa paglilingkod pihadong ang daming laman ng kaban ng bayan. Ang problema ang pera ay nauubos lamang sa  bulsa ng iilan. Ang mayaman ay mas lalong yumayaman dahil sa korapsyon . Samantalang ang mahihirap ay hindi malimusan ng piso dahil ang katwiran ay mamimihasa daw ang mga ito sa pagpapalimos. O alibi lamang ito dahil sadyang maramot tayo at gusto natin ay sa ating lahat at ayaw nating magbigay sa iba ?

7.) RED TAPE - ang haba lagi ng pila sa mga ahensya ng pamahalaan kung saan ka kumukuha ng dokumento. Isa pa ring porma ng pagsasayang ng gintong oras. Hindi kayang tapusin sa isang araw ang pagkuha ng isang papeles na minsa'y inaabot ng linggo. O buwan. Ang mahal na nga ng bayad sa mga papeles na ito pahihirapan ka pa sa pagproseso nito. Nasaan ang hustisya dito?

8.) MINOR CURFEW , SMOKING BAN , LIQUOR BAN , VIDEOKE BAN , SHIRTLESS BAN -  ano ang common denominator sa mga alituntuning ito ? Ang lahat ng ito ay matagal nang mga BATAS ! Panahon pa yata ni Magellan ay naipasa na ang mga batas na ito na nagbabawal sa mga menor de edad na gumala sa kalsada sa dis-oras ng gabi , mag-videoke nang nakakabulahaw , mag-inuman to sawa sa kalsada , magtambay na walang damit pang-itaas  at manigarilyo sa pampublikong lugar.  Ang problema ay sa pagpapatupad. Kahit gawa kayo ng gawa ng sangkatutak na batas pero hindi naman naipapatupad ng tama ay balewala rin. At kadalasan ay sa umpisa lamang masigasig sa pagpapatupad nito. Paglipas ng panahon ay balik na naman sa dating gawi. Ningas kugon ikanga. Ngayon ang sisipag nilang manghuli ng mga lumalabag sa batas. Pero tingnan natin sa susunod na mga buwan kung ganiyan pa rin sila kasigasig. Sana hindi lang ito pakitang gilas kay Mayor.

9.) KAPAYAPAAN - Kaakibat ng kapayapaan ay kaginhawahan. Malayong umunlad ang isang bansa kung marami ang nag-aaway at magulo. Ang sabi mo ay ikaw ang Healing President. Sana nga po . Upang dumating na ang kasaganaan sa mga kanayunan lalo na sa Mindanao na batbat ng giyera at hidwaan. Marami nang pamilya duon ang nawalan ng mahal sa buhay katulad ng mga magulang , kapatid o anak dahil sa giyerang iyan na hindi ko maubos maisip kung ano ang pinagmumulan. Iyong iba ay nagpapasarap lang duon sa ibang bansa habang ang mga kawal nila ang nakikipagpatayan sa mga sagupaan. Isa pang uri ng inhustisya sa lipunang ito. Kung talagang naniniwala ka sa ipinaglalaban mo bakit hindi ikaw ang pumagitna sa labanan at nang maranasan mo kung gaano kasakit ang mawalan at makitlan ng mahal sa buhay ? At bilang isinusulong mo na rin lang ang kapayapaan , sana lang ay itigil mo na rin ang pakikipag-away sa Simbahang Katoliko at sa mga miyembro ng Media. Kabalintunaan na isulong mo ang kapayapaan sa isang sektor ng lipunan subalit inaaway mo ang isa namang bahagi din ng lipunan. Pagtutulungan ang susi sa kapayapan at hindi batikusan. Sana ay mapalaya mo na rin ang sarili mo sa mga galit ng nakaraan nang sa ganun ay tunay na makamit mo ang kapayapaan at katahimikang iyong minimithi. Tandaan natin na ang kapayapaan at pagpapatawad ay nagsisimula sa sarili bago sa iba.

10.) IMAHE SA TELEBISYON - sana ay maitigil mo na rin ang pagmumura o sobrang eskandalsong pananalita sa telebisyon. Hindi mo man aminin , ngunit ito ay maaaring makaimpluwenysa sa mga bata at kabataan. Ang sabi nga ay kung ano ang nakikita at naririnig ng mga bata ay kanilang ginagaya. Huwag mo sanang laging ikatwiran na dahil ganiyan ka o iyan ang pagkatao mo. Once na nag-assume ka ng isang position ay lagi nating tandaan na may kaakibat iyang responsibilidad." With great power comes responsibility " sabi nga ni Spiderman. Nakaatang ngayon sa iyo ang isang mabigat na responsibilidad na maging huwaran at uliran maging sa mga pananalita at pagbibigkas ng mga kataga. Hindi ka sana maging huwaran sa kabastusan lalo na sa mga babae, matatanda at may kapansanan.

Ilan lamang iyan sa mga bagay na nais naming magkaruon ng pagbabago sa ilalim  ng iyong administrasyon.

Marami pang ibang aspeto katulad ng Paglago ng Ekonomiya , Tanim Bala sa NAIA, SSS Pension Hike, Illegal Smuggling sa Customs, K to 12, Iringan sa South China Sea, at marami pang iba.

Nais ko rin sana silang puntuhan . Subalit baka malunod ka sa dami ng problemang ito na nakaatang sa iyong balikat.

Alam naming hindi ka si Superman na kayang lutasin ang lahat ng suliranin sa bansang ito.

Subalit kung mapapasunod mo nang tama ang mga tao at makukuha mo ang pagtitiwala nang sambayanan na tulungan ka sa iyong adhikaing baguhin ang Pilipinas , sigurado akong makakamtan nating lahat ang inaasam asam na pagbabago.

Sana huwag mong biguin ang mahigit 16 na milyong Pilipino na bumoto sa iyo.

At sana pagtapos ng iyong termino ay sasambitin nila na TAMA ang kanilang ginawang pagsulat ng iyong pangalan sa balota.

Hinihiling ko na gawin mong MALI kaming mga hindi bumoto sa iyo !

Na sana kaming mga hindi nagtiwala sa iyo ay masabing mali ang aming ginawa na hindi pagboto sa iyo.

Huwag naman sanang taliwas ang mangyari.

Na ang mga bumoto sa iyo ay magsisi na ikaw ang kanilang ibinoto.

At kami namang mga hindi bumoto sa iyo ay sisihin ang mga bumoto sa iyo kung bakit ikaw ang kanilang ibinoto !

Hindi ko ginawa ang liham na ito upang magpasikat o magpapansin o kung ano pa man. Isa lamang akong simpleng mamamayang Pilipino na nanganagarap ding umasenso sa buhay.

Wala akong mataas na pinag-aralan o maraming pera o maraming koneksyon sa buhay.

Ang lupang kinatitirikan ng aming bahay ay wala pang titulo.

At ang lupang dinaraanan namin na tuwing tag-init ay umaalimbukay sa alikabok at tuwing tag-ulan naman ay mistulang bukid ng palayan.

Sawang sawa na kami sa kahirapan.

Sabi nga TAMA NA at SOBRA NA!

Marami na sa mga kakilala ko , kamag-anak ko , kaibigan ko at kapamilya ko ang umalis ng bansa at nakipagsapalaran sa malayong lugar dahil wala na silang mabanaagan na  pag-asa dito sa bansa.

Nawalan na sila ng kumpiyansa na uunlad pa ang bansang ito na lugmok sa kahirapan.

Minsan ay gayon na din ang nadarama ko .

Subalit nananatili ang pag-asa ko na balang araw ay gaganda rin ang bukas ng bansang ito.

Na sisikat din ang araw at makakamtan ang inaasam na pag-unlad.

Sana nga malapit na .

At sana nga sa pag-upo mo na bilang bagong presidente ng mahal na bansang Pilipinas.

Yun lamang po at maraming salamat.

#MayorDigongDuterte #RodrigoRoaDuterte #MayorDigong #June30Inauguration


No comments:

Post a Comment