TRAVELBOOK NOW!

Thursday, July 2, 2015

Revisiting La Union Province

Matagal na akong hindi nakakatapak sa lupang sinilangan ng aking ina .

Ang probinsya ng La Union , particular sa bayan ng Balaoan, La Union.



Halos mga lima hanggang anim na oras din ang biyahe mula sa Maynila na mas pinabuti at pinaikli pa ngayon ang  biyahe dahil sa bagong tayong TPLEX o Tarlac , Pangasinan , La Union Expressway na puwedeng madaanan.





Ilang kandirit lamang ito mula sa Baguio at karatig lalawigan ng Ilocos Sur at Pangasinan na nasa Region I o Ilocos Region.

Ang Lungsod ng San Fernando ang provincial capital nito.


Dito isinilang, naging bata , nag-aral at nagdalaga ang aking ina na paglaon ay lumuwas ng Maynila at dito na nakapagtrabaho at nakapag-asawa.

Nuong mga bata pa kami ng aking kapatid ay madalas kaming umuwi dito sa La Union.




Masayang masaya kami nuon kapag alam naming uuwi kami sa bayan ni Mama.

Makikita na naman namin ang aming mga mahal na si lolo Apong  , tiyahin , tiyuhin at mga kapinsanan na giliw na giliw din sa amin nuon bilang mga cute , makukulit at bibong mga bata.

Subalit nang lumaon habang unti-unting  lumilipas ang panahon ay dumalang nang dumalang ang aming pag-uwi sa lugar na ito.

Lalo na nuong time na nagkatrabaho na si Mama sa isang printing press ay halos hindi na nagkaruon ng pagkakataon na kami ay makauwi sa aming beloved hometown province.

Ang natatandaan kong huling uwi namin dito ay nuong bagong kasal ang aking bunsong kapatid at sila ng kaniyang bagong asawa ay nag-honeymoon sa Baguio kung saan kami ay nakasama at kapagdaka ay nag-side trip na rin kami dito sa La Union.

Pagkatapos nuon ay wala na.

Subalit salamat dahil sa isang tawag ng trabaho ay muli akong napadako sa probinsyang ito ng aking ina.

May kaakibat ding lungkot ang aking homecoming dahil kasabay ng aking muling pagbisita ay ang lamay at libing para sa isang kapatid ni Mama na si Uncle Iniong.


Siya ay ikalawa sa  walong magkakapatid .

Bagamat may kaakibat na lungkot ay naging masaya din naman ang aking muling pagsilay sa probinsyang minamahal dahil muli kaming nagkitang mga magpipinsan at ng aking mga kamag-anak dito.



Napakasarap sa pakiramdam na muli mong makadaupang-palad ang iyong mga dating kakilala na ngayon ay may sarili na ding mga pamilya at mga anak.

Samantalang nuong unang panahon ay mga paslit pa kaming tuwang tuwang nagtatampisaw kapag umuulan , nag-uunahan sa pag-akyat at pagpitas sa mga bunga ng puno ng Indian Mango , Kaimito , Sinegwelas , Santol , Chiko at Damortis o Kamatsile.


Gayundin ang paglilibot sa malawak na taniman ng tabako , pagligo sa irigasyon at pangingisda dito , paglipat-lipat sa mga bahay ng mga kamag-anak ko at ang pagkain ng mga kakaibang pagkain katulad ng palaka , arosep o isang klase ng seaweed , tupig , patupat at kinilaw na kambing.

Sa aking pagdako ngayon sa lugar na ito ay marami na ding nagbago.

Wala na ang dating sinaunang bahay ng aking lolo ( na matagal na ring namatay ) na amin nuong tinutuluyan kapag kami ay umuuwi subalit ngayon  ay napalitan na ng isang bato at sementadong bahay na tinitirhan na ngayon ng aking Uncle Junior.


Maging ang ilang mga kabahayan na rumehistro sa aking utak nuon bilang isang paslit ay nagbagong anyo na din ngayon.

Hindi na sila ang dating makaluma at ordinaryong klase ng bahay kundi makabago at moderno na rin ang kanilang disenyo.

Dumami na rin ang mga nakatirik na bahay ngayon sa paligid na nuon ay mangilan-ngilan lamang ang kabahayan at  puro malawak na lupain lamang ang iyong makikita.

Wala ring kuryente nuon kung kaya’t gasera , kandila at Petromax ang gamit nila nuong pailaw kapag pusikit na ang kadiliman.

At kapag gabi ay mga huni ng kuliglig , palaka at mga panggabing ibon tulad ng uwak at paniki ang iyong maririnig. Sobrang dilim at payapa ng kapaligiran na halos matatakot kang lumabas dahil  baka biglang may aswang o multo na lilitaw sa iyong harapan.

Subalit ngayon ay napakaliwanag na ng kapaligiran , maingay na rin dahil sa mga gadgets at appliances na  ginagamit kapag gabi.

Wala na ring mga huni ng kuliglig , ibon at palaka sa paligid.

Nilunod na ng sari-saring ingay ng mga bagay na ginagamitan ng kuryente.

Wala na rin halos ang malawak na sakahan ng tabako ni Apong Ikong.

Napalitan na ng tanim na mais at palay.

Tuyot na rin ang irigasyon na dati ay dinadaluyan ng malinis na tubig para sa bukirin.

Marami na ang nagbago , marami na ang naiba.

Binago nang patuloy na pagdaloy ng modernong panahon kasabay ng kaunlaran sa paligid.

Nakaka-miss lang ang dating panahon.

Parang ang sarap balikan.

Ngunit sa ala-ala na lamang.

Ang hindi lamang nagbago ay ang masarap pa ring lutuin na aking kinagisnan nuong panahon ng aming kabataan.

Mga lutuin at putaheng hindi nakakalimutang ihain ng aking mga mababait na kamag-anak sa La Union.





Katulad ng pinakbet , dinengdeng , dinakdakan , tupig at patupat.

Gayundin ang magiliw na pagtanggap sa akin ng aking mga itinuturing na pangalawang mga pamilya sa dakong ito ng Ilokos.

For sure , babalik ulit ako dito nang madalas .

Dahil alam ko na welcome pa din akong dumalaw sa mahal na bayang sinilangan ni Mama.

Sa Barrio Tal-lipugo, Balaoan, La Union.













No comments:

Post a Comment