TRAVELBOOK NOW!

Thursday, October 16, 2014

Si Eddie

Si Eddie ay aking kababata.

Kami ay unang nagkasama nuong kami ay grade 5 elementary pupil pa lamang sa Barangka Elementary School sa Marikina City.

At simula nuon ay hindi na kami nagkahiwalay hanggang sa kami ay mag-grade 6 at grumadweyt sa elementary.

Naging mag-bestfriend kami nuong mga panahong iyon.

Subalit nang kami ay maghiwalay ng  landas na sa sekondarya dahil magkaibang eskwelahan ang aming mga pinasukan , hindi na kami nagkita simula nuon.

Bukod pa sa lumipat din kami ng ibang lugar kaya't lalo kaming nawalan ng komunikasyon sa isa't isa.

Hindi pa uso nuon ang cellphone at Facebook.

Si Eddie ay isang berdaderong bading nuong kami ay magkasama pa.

Alam na alam ko ang likaw ng bituka niya kapag lalaki ang pinag-uusapan namin na pareho naming paborito.

Hanggang sa magkahiwaly na nga kami ng landas.

At nito lamang taong ito nang maisipan kong i-search sa Facebook ang kaniyang pangalan.

Hindi naman ako nabigo dahil natagpuan ko ang kaniyang profile na may larawan niya.

Hindi pa rin nagbabago ang kaniyang itsura .


Bagamat halatang nagkakaedad na ,  siyang siya pa rin ang larawang naaalala ko nuong kami ay magkasama pa .

Subalit mas lalo akong nagulat nuong aking isa-isang pagmasdan ang mga larawang nakaipon sa kaniyang Facebook albums.

Dahil may larawan ng isang babae at dalawang mga batang babae na nasa album niya.

Tila may naaamoy akong kakaiba dito.

Sinikap ko siyang kontakin upang mapatotohanan ang aking hinala.

At hindi naman ako nabigo dahil nangako siyang magkikita kami sa isang mall sa Cainta.

And after almost 30 years of not seeing my long lost friend, at last nagkita din kami sa wakas.

But this time ibang Eddie na ang nasa harapan ko.

Nakumpirma ang aking hinala.

Pamilyadong tao na ang aking baklang kaibigan na si Eddie.

Mayruon na siyang dalawang anak na babae na kaniyang pinaglalaanan ng kaniyang mga pagsisikap sa buhay.

Sa aming pagkukuwentuhan  ay nalaman ko na marami siyang pinagdaanan sa buhay kung bakit humantong sa ganito ang kaniyang kuwento.

Subalit walang bakas ng pagsisisi ang mababanaag  sa kaniyang mukha kung siya man ay nakapag-asawa at nagkaruon ng mga anak.

Masaya siya sa kaniyang napiling desisyon sa buhay na magpamilya.

Ito ang kaniyang layon sa buhay .

At nang kami ay maghiwalay nang gabing iyon ay saka ko napagtanto na higit na mapalad ang aking kaibigan.

Siya sa  kaniyang pag-uwi ay may mga masayang mukhang sasalubong na asawa at mga anak sa kaniya at hahalik sa kaniyang pisngi at magmamano.

Samantalang ako , sa aking pag-uwi sa bahay , daratnan ko ang aking nag-iisang kama at matutulog nang mag-isa.


1 comment: