TRAVELBOOK NOW!

Tuesday, October 8, 2013

Ang Liham

Para sa aking tahanan ,

               Alam ko pong nag-aalala na kayo tungkol sa aking kalagayan .

               Hayaan po ninyong ilahad ko sa pamamagitan ng liham na ito ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa aking buhay kung paano ako humantong sa ganitong kalagayan.

1.) Bumalikwas ako mula sa mahimbing na pagkakatulog . Dumadaloy ang butil butil na pawis sa buo kong katawan - sa noo , sa leeg , sa dibdib at braso - halos umaagos na parang gripo ang ga-munggong mga pawis sa aking katawan. Nagising ako mula sa isang masamang bangungot . Inaninag ko ang kapaligiran . Wala akong makita. Ang buong paligid ay nababalot ng pusikit na kadiliman. Walang ilaw . Wala rin akong kasama sa aking kuwartong kinaroroonan. Ako'y nag-iisa .

2.) Nangangatog ang aking mga kalamnan . Dali-dali akong bumangon . Tinunton ko ang kinaroroonan ng gripo . Sumalok sa baso ng malamig na tubig . Tinungga ko ang laman niyon . Dumaloy ang  nagyeyelong tubig sa aking lalamunan. Sandali akong nahimasmasan . Inalala ang nagdaang kadiliman. Ngunit wala akong maalala . Ayaw kong alalahanin .

3.) Saglit kong tiningnan ang orasan . Mag-aalas singko ng madaling-araw . Pihadong naghihintay na siya Tuliro kong hinagilap ang palikuran . Naligo pagkatapos. Nagbihis . Nagsuot ng damit pang-eskwela . Gumayak patungo sa eskwelahang aking pinapasukan. Habang naglalakad ako patungo sa sakayang maghahatid sa akin sa eskwela , nanunuot sa aking kalamnan ang  malaming na simoy ng hanging marahang humahampas sa kapaligiran.

4.) Nang makarating ako sa tarangkahan ng eskwelahan , nanduon na siya , naghihintay . Tila ba bagot na bagot sa paghihintay  sa aking pagdatal . " Ano ba , ang tagal tagal mo naman . Kanina pa ako dito ah . Ano ba'ng nangyari sa iyo  ? "  sunod -sunod niyang litanya. " Hinintay ko munang makaalis sila Papa at Mama bago ako pumunta dito . Mahirap na baka mahalata nila ako ."  " Ganuon ba . O sige halika na , alis na tayo dito . Handa ka na ba ? " " Oo naman . Matagal ko na itong pinag-isipan at pinaghandaan . Gusto ko nang sumama sa iyo ." " O tara na . Ano pang tinatayo - tayo mo diyan . Game."

5.) Siya si Eric . Ang aking kasintahan . Ngunit lingid sa inyo . Hindi ko pinaaalam dahil alam kong magagalit kayo kapag nalaman ninyong may boyfriend na ako . Kayat lihim kaming nagkikita . Nagtatagpo sa mga bawal na lugar. Nagniniig sa mga lugar na tanging kami lamang ang nakakaalam.

6.) Sa paglipas ng ilang buwan , nagbunga ang aming pagmamahalan. Isang sanggol na lalaki ang naging supling namin. At pansumandali kaming nagsama sa iisang bubong.

7.) Ngunit habang lumilipas ang panahon , unti unti kong nakilala ang tunay na pagkatao ni Eric . Isa pala siyang tamad at walang silbing lalaki . Halos sa buong maghapon ay ang mga barkada niya ang kaniyang laging kasama. Maghapon silang tumatagay at nagsusunog ng baga. Kapag sumapit ang gabi ay saka lamang niya maiisipang umuwi. At maghahanap ng makakain sa aming hapag. Kapag wala siyang makita , ay sisimulan niya akong saktan . Susuntukin sa sikmura . Tatadyakan sa likod . Sasabunutan habang hinahampas ang ulo sa poste ng upuan. Ginagawa niya ito habang umiiyak ang aming maliit na sanggol . Ganito na lang palagi . Halos araw-araw. Walang patlang .

8.) Wala akong magawa. Tila ba nakakulong ako sa isang hawla . Hawlang kinakalawang . Puro sugat , pasa at paso ng sigarilyo ang buo kong katawan . Nanlilimahid na ako sa dumi  dahil hindi ko na kinakayang linisan  ang sarili kong katawan. At ang aming anak ay laging kinakabag dahil sa maghapong kaiiyak. Hanggang sa hindi ko na matiis ang lahat .  " Lalaban na ako ", sabi ko sa sarili ko . Titigilan ko na ang pang-aaping ginagawa niya sa akin. Tama na . Sobra na . Sagad na ang pagtitimpi ko . Ngayon na ang katapusan niya.

9.) At katulad ng dati , gabi na siya dumating . Naaninag ko ang orasan sa pader , alas - dose ng hatinggabi .  Muli niya akong hinanap . Pasigaw na may pagdadabog . Sumusuray sa sobrang kalasingan. " Isabel , nasaan ka bang hayup ka . Putragis ka , lumabas ka . Wala na namang pagkain , tang - ina mo ka!. Nasaan ka ba ? Magpakita ka , hayup ka !"

10.) At mula sa kadiliman , sinalubong ko siya ng dala kong matalim na kutsilyo. Hindi niya ako nakita mula sa pinagtaguan kong kabinet .Inundayan ko siya ng saksak. Ulos dito , ulos duon . Hindi ko tinigilan . Hindi ko tinantanan . Para akong nagkakatay ng baboy . Nanlilisik ang aking mga mata .  Para akong asong nauulol . Tumutulo pa ang laway ko habang ginagawa ito . At nang makita kong wala na siyang hininga, saka lamang ako tumigil. Ngumisi ako . Natuwa sa aking ginawa. Napagtagumpayan kong katayin ang halimaw. Nakita kong nagkalat ang kaniyang laman-loob sa aming kuwarto. Tibtib ng dugo ang pader ng aming tahanan. Naglipana ang ibat-ibang parte ng katawan ni Eric sa buong silid . At muli akong ngumisi . Ngisi para sa aking kalayaan .

11.) At naalala ko ang aming sanggol. Dali dali ko siyang pinuntahan sa duyan kung saan ko siya iniwanan.  Tahimik na natutulog ang aking anghel . Daglian ko siyang dinakot ng aking duguang kamay . Kinalong sa aking magkabilang palad . Tinitigan ang walang malay na nilalang . Dumako ang aking kamay sa kaniyang leeg. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakasakal ko . Umingit ang bata . Nagpupumiglas . Ngunit wala siyang nagawa sa higpit ng yakap ko . At walang buhay ko siyang idinaiti sa aking dibdib . " Patawad anak ko . Subalit walang kwenta ang mabuhay dito sa mundo nang  wala ako sa piling mo . Patawad " At saka sila dumating .

12.) Naabutan nila ako sa ganuong posisyon  . Binitbit nila ako at kinaladkad. Kitang kita ko ang pagkasuka sa kanilang mga mukha dahil sa naabutang eksena .  Diring diri sila sa krimeng aking ginawa. Ang hindi lang nila alam ay ito ang pinakadakilang obra na nagawa ko sa buong buhay ko . Dapat pa nga ay maging proud sila para sa akin. Ngunit dinala nila ako . Sa isang kuwarto . Sa isang kuwartong may apat na sulok lamang . At may nag-iisang kama sa tagiliran . At ito ang nagsilbing tahanan ko hanggang ngayon.

13.) Nandito ako ngayon sa kuwartong ito . Mag-isa . Nalulungkot at nalulumbay . Walang kasama . Nanghihinayang sa nangyari sa aking buhay. Kung nakinig lamang sana ako sa inyong mga payo sa akin. Para sa aking kabutihan , sabi ninyo . Nunit hindi . Mas sinunod ko ang pita at layaw ng aking laman . Kaya't heto ngayon ang kinahantungan ko . Nagdurusa. Malungkot. Nag-iisa .Umiiyak. Naghihinagpis.

14.) Kung nakinig lamang sana ako sa inyo nuon pa , disin sana'y magkakasama tayo sa iisang bahay . Sa ating nag-iisang tahanan.


PS


Siyanga po pala , mayruong mali sa pagkakasunod-sunod na puntos ng aking liham na ito . Dapat po ang pagbabasa ninyo ay simulan sa number 3 , 4, 5 , 6, 7, 8 , 9 , 10 , 11 , 12 ,13 ,14 tapos ay  1 at 2 . Dapat po ay panghuli ang 1 at 2 .

Dapat po ay ganuon ang pagbabasa ninyo .

Huwag kayong mag-alala , babalik din ako sa ating tahanan.

Nagmamahal ,

Isabel


Ang post na ito ay aking entry para Saranggola Blog Awards 5


Saranggola Blog Awards 2013

No comments:

Post a Comment