TRAVELBOOK NOW!

Friday, July 26, 2013

Babala : Bagong modus ng mga kriminal sa mga sumasakay ng taxi

Mula sa GMA News website ang babalang ito para sa mga commuters na sumasakay sa taxi .

Heto ang kanilang bagong modus operandi .

Mag-ingat !

____________________________________________________________

Arestado ang isang taxi driver at kasabwat nito na nangholdap at nangmolestiya sa isang babaeng pasahero na sumakay sa kanila sa Makati. Ang modus ng mga suspek, magtatago sa trunk ng taxi ang isa at saka lalabas kapag nakakuha ng tiyempo.

Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang mga suspek na sina Eduardo Sarabosig, driver ng taxi na may plakang TXD- 899, at ang kasabwat nito na si Samuel Aumentado.

Unang nadakip ng mga pulis si Sarabosig sa lalawigan ng Quezon kung saan nila dinala ang biktima. Sumunod na naaresto sa Las Pinas ang nagtago sa trunk ng taxi na si Aumentado.

Kapwa inamin ng dalawa ang paratang laban sa kanila pero nagturuan sila kung sino ang nagpasimuno ng kanilang krimen.




Ayon sa ulat, sumakay ang biktima sa taxi ni Sarabosig sa Makati para umuwi ng bahay noong Linggo ng gabi. Pero pagdating sa EDSA, tumigil ang taxi na nagsilbing hudyat kay Aumentado para lumabas ng trunk.

Tinutukan umano ng patalim ang biktima at kinuha ang mga pera at gamit. Hindi pa nasiyahan ang mga suspek, dinala nila ang biktima sa Unisan, Quezon.

Sa loob ng sasakyan habang bumibiyahe, minolestiya umano ni Aumentado ang biktima.

Pagdating sa Quezon, nagpaiwan na si Sarabosig kasama ang biktima. Habang si Aumentado, bumalik na sa Maynila.

Nagawang makatakas ang biktima at makapagsumbong sa pulis nang makatulog si Sarabosig.

Ayon sa pulisya, ito ang nakikita nilang bagong modus ng mga kriminal na gumamit ang taxi. Magtatago ang kasabwat ng driver sa trunk at pagkaraan ay magdadahilan na may problema ang taxi para itigil niya ang sasakyan at bubuksan ang trunk na senyas para sa kasabwat.

Kaya mahigpit na payo ng pulisya sa mga sumasakay ng taxi, laging maging alerto at mas mabuting magkaroon na umano ng suking taxi driver.

Makatutulong din umano kung kunin ang plaka at body number ng taxi at i-text ito sa kakilala o kamag-anak kung sakaling magkaroon ng aberya.

1 comment: