TRAVELBOOK NOW!

Sunday, June 2, 2013

" Manila is the Gates of Hell " - Sienna Brooks ( Inferno )

Lumaki na nang lumaki ang isyu tungkol sa pagkakabanggit ng nobelistang si Dan Brown sa lugar na tinawag na  Manila bilang isang " Gates Of Hell "

Nabanggit kasi sa bagong nobela ni Dan Brown ( awtor ng mga kontrobersyal din na mga nobelang The Da Vinci Code at Angels And Demons ) na " INFERNO " sa isang pasada ng pahina  nito ang lugar ng Manila na binisita ng pangunahing karakter nito na si Sienna Brooks bilang " Gates of Hell "

Unang una ang nasabing akda ay isang gawang fiction o kathang isip lamang .

So maaaring ipalagay na ang lugar na binanggit na may pangalang Manila ay fictional din at hindi ang reyalidad na Lungsod ng Maynila.

Subalit sabi nga ni Ralph Waldo Emerson  " Fiction reveals truth that reality obscures.

So maaari din na may bahid ng katotohanan ang mga salitang ginamit ni Dan Brown sa loob ng kaniyang nobela .

Ikanga " the truth hurts " . Kaya may mga  nasugatan sa talim ng katotohanan .

Kung pagmamasdan mo ang Maynila ngayon sa isang perspektibo hindi bilang isang Pilipino na may pagmamahal at malasakit  sa kaniyang bansang sinilangan  , masasabi nating hindi nga masyadong maganda ang makikita nating tanawin kapag nagawi ka sa dakong ito ng Pilipinas .

Pangit mang sabihin ,mistulang may katotohanan ang obserbasyon ng isang dayuhang ni hindi nakatuntong o nakatapak sa bahaging ito ng mundo .

Sa aking palagay , hindi naman siguro maituturing na pagtataksil kung sasabihin natin kung ano ang tunay na kalagayan ng ating mahal na Lungsod ng Maynila.

Ang maruruming mga kalsada na hindi na yata nadadaanan ng walis tingting at dustpan . Ang mga baradong kanal na puwede mo nang taniman ng kamote at kangkong dahil sa mga basurang nakabara . Ang nagkalat na mga gusgusin at may sugat na mga bata at matandang namamalimos sa kalsada na pagkaminsa'y umaakyat sa mga pampasaherong jeep. Ang tambak ng mga ga-bundok na nabubulok  na basura na ang alingasaw ay umaabot at sukat ikabaligtad ng iyong sikmura . Ang nakasusulasok na polusyon at trapik na siyang sinisimulan nang pag-init ng ulo kapwa ng mga pasahero , driver at traffic officer . Ang talamak ngunit patagong bentahan ng por kilong  " laman " ng tao sa mga madidilim na eskinita . Ang mga  pulubing natutulog sa tabi ng magagarang establisimyento na tila kinalimutan na ng DSWD . Ang paglipana ng mga pusakal na snatcher , holdupper , magnanakaw  na may butaw sa mga kotongerong mga pulis . At ano pa ba , marami pang iba .

Subalit ang katotohanan , hindi  lang naman sa Maynila mayruong ganitong mga eksena  .

Kahit saang panig naman ng mundo ay may ganitong mga panuorin.

Ang diperensya ay na-single out ang mahal nating Maynila sa pagkakataong ito .

At umalma na naman ang mga Pilipino . Na napunta pa nga sa pagsulat ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa mismong author ng libro upang pasinungalingan ang mga sinabi nito sa kaniyang nobela . Na hindi totoong Gates of Hell ang Maynila kundi Gates of Heaven daw .

Masyado nga bang balat-sibuyas ang mga Pinoy ? O sadya lang ayaw nating mapapansin ang  kapintasan ng ating bansa kahit na sa reyalidad  ay may pinanggagalingan itong katotohanan. 

Eh ano kung Gates of Hell .

Kung sa pamamagitan naman nang pagdaan mo sa mala-impyernong lugar na ito ay saka mo matututunang tahakin ang daan papuntang paraiso naman !

Tanggapin na natin.

It's not always more fun in the Philippines ! 



TUNGHAYAN AT SUBAYBAYAN ANG AKING COLUMN SA DIYARYONG " THE DAILY SUN " NA LUMALABAS ARAW-ARAW . MARAMING SALAMAT PO ! 

No comments:

Post a Comment