TRAVELBOOK NOW!

Wednesday, February 27, 2013

Field Trip tragedies 2013

Sunod sunod ang mga trahedyang naganap kamakailan lamang na may kinalaman sa taunang mga field trips na ginaganap ng ibat - ibang mga eskwelahan sa buong bansa.

Una ay ang pagkamatay ng dalawang estudyante sa Tanay , Rizal dahil sa biglaang pag-dausdos pababa ng tourist bus na sinakyan nila kahit nakahinto at nakaparada na ito . Nagulungan ng bus ang kawawang mga estudyante na sumama lamang dahil sa field trip na taunang pakulo ng kanilang eskwelahan .

At pangalawa ay itong pagkamatay ng 7 katao at pagkasugat ng marami , mga estudyante at mga guro , sa Baguio City kaugnay pa rin ng isang field trip na ginagawa ng kanilang eskwelahan .

Kaya nga dahil dito ay may mga nag-iimbestiga ngayon kung talagang kinakailangan pa ang mga field trips na ito na tila yata kasama na sa kurikulum ng mga estudyante taun-taon.

Obligado kang sumama dahil kung hindi ay tiyak na babagsak ka sa mga grado at marka mo sa eskwelahan.

Sa ganang akin , may pros and cons ang pagsasagawa ng mga field trips ng mga eskwelahang ito sa ating bansa.

Ang benepisyong makukuha dito ay ang  marami kang impormasyon at kaalamang matututunan at mapupulot mula sa nasabing mga  field trips bukod pa sa nakakapasyal ka sa sarili mong bansa at nakakatulong sa turismo natin.

Sa kabilang banda ang hindi naman kagandahang epekto nito ay ang dagdag na pasanin ng mga magulang para sa kabayaran sa taunang ekspedisyong ito  na minsan ay kaakibat ang ganitong mga trahedya na hindi inaasahang dumarating , aksidenteng maituturing ngunit ang iba ay dahil na rin sa kapabayaan ng mga kinontratang tourist agency at ng eskwelahan na rin mismo .

Anu't anuman ay naniniwala akong may responsibilidad dito ang eskwelahang nag-organisa ng ganitong mga events dahil responsibilidad nila na tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyanteng sumasama sa nasabing field trips.

Naalala ko tuloy ang field trip na akin ding sinamahan nuong ako ay nasa high school kung saan ay inabot kami ng bagyo sa daan sa may bandang Laguna .

Mabuti na lang at walang disgrasya at aberyang nangyari sa pagkakataong iyon at ligtas kaming nakauwi sa aming mga tahanan.

 Dahil nga sa pangyayaring ito ay dapat na nating pag-aralan at pagtuunan ng pansin kung paano mas mapapabuti ang kalakarang ito para sa ikauunlad hindi lang ng mga paaralang nag-oorganisa nito  kundi lalo na ng mga estudyanteng sumasama sa mga ganitong aktibidades  .

Nakikiramay po ang espasyong ito sa mga naulila dulot ng nasabing mga trahedya .

Dito ang mga balita :













1 comment:

  1. Grabe ang balitang ganyan! Nakakatakot kasi mga batang bumubuo pa lang ng pangarap ang nagiging biktima :(

    ReplyDelete