TRAVELBOOK NOW!

Tuesday, July 31, 2012

weird LPA

Marami ang nagulat sa biglaang paghagupit ng malakas na hangin at ulan nitong nakaraang Linggo , July 29 , 2012 , sa buong Kamaynilaan kasama na ang buong Gitnang Luzon at Timog Katagalugan.

Sa news report ng PAGASA bandang alas-sais ng gabi ng araw na iyon ay walang signal warning ng bagyo ang nakataas sa Kamaynilaan at mga karatig probinsya.

Ang bagyong Gener ay kasalukuyan nuong bumabayo ng kaniyang ngitngit at galit sa dulong Hilagang Luzon partikular sa mga lalawigan ng Batanes , Cagayan at Isabela .

Sa mga probinsyang ito nakataas ang typhoon signal warning number 1 hanggang 3.

Dito sa Maynila ay walang signal warning na itinaas dahil malayo ang sirkulasyon at mata ng bagyo dito .

Subalit bandang alas-onse ng gabi hanggang madaling araw kinabukasan ay nagulat ang lahat dahil biglaang bumuhos ang napakalakas na ulan at bumayo ang malalakas na hangin at ipo-ipo na naging sanhi pa ng malawakang brownout sa malaking bahagi ng Luzon .

Nang gabing iyon ay mahimbing akong natutulog  sa aming tindahan at hindi man lang nag-alala sa kung anong mga kaganapan dahil kampante ako sa pahayag ng PAGASA na walang signal warning sa buong Kamaynilaan at karatig probinsya.

Subalit kaginsa-ginsa ay ginising ako at naalimpungatan sa dis-oras ng gabi nung araw na iyon dahil sa malakas na paghampas ng tila ba isang mabigat na bakal sa loob ng aming tindahan .

Pagbangon ko ay tumambad sa akin ang eksenang pagkabuwal na pala ng napakalaking gate na bakal sa aming bakuran na sukat ikabagsak sa  loob ng aming tindahan .

Ganun kalakas ang hangin nuong gabing iyon !

So paanong nangyari na walang signal dito sa Maynila pero ang naranasang lakas ng ulan at hangin ay parang nasa ilalim ka ng isang typhoon signal ?

May paliwanag ang PAGASA tungkol diyan .

Maging ang mga beterenong meteorologist ng PAGASA ay nagulat sa hindi inaasahang pag-develop o pagbuo ng isang LPA sa isang lugar malapit sa Metro Manila .

Ang LPA na ito o low pressure area ay biglaang nabuo at umikot at umusad patungo sa Metro Manila at Rizal at tuluyang nalusaw sa Dagat Pasipiko pagkaraan lamang ng humigit kumulang tatlong oras .

Ang nasabing LPA umano ay may lakas ng hangin at ulan na katulad ng bagyong may signal numero 2.

First time daw itong nangyari sa history ng panahon dito sa Pilipinas.

It is unlikely na  biglaang mamuo ang isang LPA at pagkatapos ay malusaw kaagad sa loob lamang ng ilang oras .

Nakakatakot ito dahil hindi mo mapaghahandaan ang paglusob nito dahil biglaan nga ang pagkakabuo at pagkakakumpleto nito.

Talagang ibang -iba na ang panahon at klima  ngayon sa buong mundo at ang weird lang dahil may mga sumusulpot na ganitong phenomenon na hindi mo inaasahan.

Tunay nga yatang nagwawala na si Mother Earth dahil sa mga kagagahang ginagawa ng tao sa kaniyang kapaligiran .

Malalakas na mga pag-ulan . Pagbaha. Malalakas na hangin at bagyo.

Ipo-ipo. Tsunami. Lindol .

Mapaminsalang tagtuyot.

Sobrang lamig at pag-ulan ng yelo.

Ano pa bang mga kalamidad at mga sakuna ang naghihintay sa mundo sa darating pang mga taon ?

Ayoko nang isipin dahil nanghihilakbot ako sa maaaring mangyari at dumating sa susunod pang mga taon.

Nawa kapag dumating ang araw na tuluyan nang masira ang mundong ito ay matagal na rin akong nakahimlay sa ilalim ng lupa.

At naging alabok at sumanib na sa lupang aking pinagmulan.




No comments:

Post a Comment