TRAVELBOOK NOW!

Saturday, June 30, 2012

Bibit Falls tragedy

Mayruong isang falls o talon na malapit dito sa amin .

Ito ay ang Bibit Falls na nasa Sitio Pagrai , Antipolo City .

Ilang metrong lakaran lamang mula sa amin  ay mararating mo na ang (in)famous falls na ito .

Hindi man ito kasing ganda ng Pagsanjan Falls , o kasing taas ng Angel Falls sa Venezuela o kaya ay kasing-lawak at gara ng Niagara Falls sa Canada - mayruong sariling ganda at panghalina ang talon na ito kung kaya't dinarayo ng maraming tao  lalo na kapag panahon ng tag-init.

Madalas din kami dito nuong aming kabataan.

Kadalasan ay dito na kami nuon naglalaba at naliligo habang dala-dala ang ilang piraso ng pagkain at inumin para sa maghapong " picnic " sa lugar na ito.

Masaya ang bonding namin nuon na magpipinsan sa lugar na ito.

Madaling-araw pa lamang ay nagsisimula na kaming maglakad patungo sa nasabing talon upang duon ay magharutan at magkulitan  kasabay ng pagganap sa aming mga pakay na paglalaba at paliligo.

Subalit simula nang magkaruon ng quarry at paghuhukay sa isang bundok malapit dito ay tila ba humupa na rin ang dalas ng pagpunta namin sa lugar na ito.

Ang dati kasing malinaw at malinis na tubig na umaagos at bumabalisbis dito ay naging kulay tsokolate na sa pagdaan ng panahon .

Ang sabi nga nila ay para na daw Nescafe 3 in 1 o kaya ay Kopiko Brown ang kulay ng ng tubig na bumababa sa  talon .

Hindi na mainam paliguan at paglabahan.

Subalit kataka-taka na marami pa rin ang naeengganyong maligo dito at magtampisaw sa malamig niyang tubig lalo na kapag summer bilang pamatid-init sa sikat ng araw.

At kaakibat ng pagiging kilala ng talong ito bilang sangtuwaryo ng mga batang sabik na maligo sa" bumubuhos na tubig mula sa itaas" ay ang nakapanghihilakbot na mga kuwento tungkol sa mga nalulunod dito

Halos taun-taon , simula nang magisnan namin ang falls na ito , sabi nga ng iba , ay may " kinukuhang kaluluwa  ang mga sirena " na naninirahan dito.

Halos hindi nagmimintis na laging may kinukuhang katawan  ang talon na ito mula sa daigdig ng mga buhay.

Kamakailan lamang , nito lamang katatapos na Mahal na Araw ngayong taon ay may isang bata na namang
"kinuha" ang talong ito .

Karamihan ng mga biktima ay mga bata at kabataan na siyang mas maraming nagpupunta dito.

At nito lamang buwang ito ay ang balitang  gumimbal sa aming lahat kung saan ay isa na namang bata ang nalunod sa nasabing talon.

At ang mas nakakalungkot ay dahil kakilala at kapitbahay namin ang nasabing nalunod na bata.

Karamihan kasi ay hindi taga-sa amin o mula sa ibang lugar ang mga bata na nalulunod dito.

Subalit ngayon ay isang  kapitbahay namin ang naging biktima ng nasabing talon .

Ayon sa kuwento ay napagpasyahan ng tatlong magpipinsang mga babae na sila ay maligo sa talon .

At dahil sa mga biruan at tulakan na naganap sa pagitan ng tatlong magpipinsan  ay aksidenteng nahulog sila sa nasabing ilog .

Sa kabutihang palad ay nailigtas ang dalawa sa mga magpipinsan .

Subalit hindi ganuon kapalad na makuha at sagipin ang kanilang pinsan na si Kianna.

Linggo nang iyon ay mangyari .

Ni walang kalaam-alam ang kaniyang mga magulang na si Kianna pala ay sumamang maligo sa Bibit.

Nagsagawa agad nang puspusang paghahanap upang piliting sagipin pa ang bata.

Subalit lumipas ang mga araw na bigo ang mga rescuer na makita at masagip pa ang katawan ni Kianna.

Hanggang sa sumapit ang Miyerkules , tatlong araw nang siya ay mai-report na nawawala at malunod , nakita ang kaniyang bangkay sa  Floodway sa Taytay Rizal , ilang kilometro ang layo mula sa Bibit Falls.

Isang malungkot na kaganapan  para sa isang tahimik na sitio dito sa Antipoolo.

Aligaga din ang aking ama sa paghahanap at pag-aasikaso sa bata , simula nang ito ay mapabalitang nalunod , hanggang sa araw na marekober ang kaniyang bangkay sa Floodway.

Headline din sa tatlong nangungunang TV Stations ang balitang ito . GMA , ABS-CBN , TV5

At may interview portion si Father bilang Sitio Chairman ng aming lugar .



Sa ngayon ay na-cremate na ang katawan ng batang si  Kianna.

At sigurado ako na siya ay nasa kandungan na ng ating amang si Abraham.

Ang panalangin ko lang sana ay hindi na masundan pa ang "pagkuha ng mga sirena" ng buhay mula sa ating daigdig.

May you rest in peace .

Kianna Obleada

2000 - 2012
 

No comments:

Post a Comment