TRAVELBOOK NOW!

Monday, April 30, 2012

Damuhan

" Ang mundo ay isang malawak na damuhan! "

Isandaang porsiyentong naniniwala ako sa pangungusap na ito.

Kapag narinig ko ang salitang damo , karaniwang kinakaakibat ng salitang ito ang kawalang kahalagahan , pagiging salot , kalungkutan   at kapangitan .

Nuong una , ang buong hinuha ko , ang mga damo lamang ay iyong mga munting halaman na makikita mo sa maraming sulok at parte ng mundo katulad ng sa mga gilid ng daan , mga bakanteng lote , mga kakahuyan at kagubatan , sa mga parke at liwasan at maging mismo na rin sa bahagi at loob ng isang bahay o gusali ay makikita mo sila .

Kung saan-saan sila nakakalat at naglipana.

Karaniwan din silang pinamamahayan at pinamumugaran ng ibat-ibang klase ng mga kulisap .

Madalas na hindi sila pinapansin.

At karaniwanag dinadaan-daanan lamang at pagkaminsa'y tinatapak-tapakan  .

Walang silbi . Walang halaga .

Para sa marami ay larawan sila ng kawalang - kahalagahan o importansya.

Subalit sa aking pagsasaliksik sa daigdig ng sala-salabat na kawad ng impormasyon , aking napag-alaman na isang malaking grupo pala ang mga damo .

At nagulat ako nang mapag-alaman kong hindi lang pala ang mga damong kilala ko ang damo na  nabubuhay dito sa mundo .

Ang sabi nila ay mayruong dalawang uri  ng damo : Ang Masamang Damo at Ang Mabuting Damo .

Ang mga masasamang damo ay ito daw yung karaniwang alam natin na damo - mga halamang nakakalat lamang sa  tabi-tabi at gilid-gilid ng lupa .

Hindi pinapansin at salot para sa marami .

At ang mabuting damo naman sa kabilang banda ay  ang mga damong hindi natin sukat akalain na damo nga pala .

Dahil nga kaakibat ng salitang damo ang kasamaan , lingid sa ating kaalaman at hindi natin napansin na ang araw-araw nating kasama sa buhay ay mga damo pala .

Kaya nakakagulat malaman na may mga mabubuti palang damo !

Ano ano ang mga iyon ?

Puwes , ipagpatuloy mo ang pagbabasa.

Kung isa kang Asyano , lalo na't ikaw ay isang Pilipino , araw- araw mo siyang kasama at ipinapasok sa iyong sistema . Ni hindi ka nga mabubuhay nang wala ito para sa iyo.

Walang iba kundi ang palay na pinanggagalingan ng bigas na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Matuk mo yun!

Ang palay pala ay isang uri ng totoong damo !

At hindi lang iyan ha .

Baka magulat ka kapag sinabi ko pa sa iyo ang iba pang uri ng mga "mabubuting damo" na lagi mong nakakapiling .

Mahilig ka ba sa matamis ?

Puwes , pasalamat ka sa damong Sugarcane o Tubo dahil diyan nanggagaling ang asukal na ginagamit mo bilang pampatamis sa mga lutuin at pagkain na nginangata mo sa araw-araw .

Just imagine life without sugar ! Anong pait ,  asim at anghang ng buhay natin kung wala ito.

Hindi ko yata kayang mabuhay nang walang katamisanan na dulot ng asukal .

Kaya pasalamat ka sa damong Tubo .

Ayoko namang gumamit ng magic sugar dahil nakakasira ng katawan . Madali ka pang magkaka-kanser sa bituka.

At isa pa , mahilig ka bang kumain ng karneng manok ?

Ng karneng baka ?

O ng karneng kambing kaya o tupa ?

Eh ng karneng kalabaw?

Pasensya na , pero hindi damo ang mga hayop na iyan noh !

Pero pasalamat ka sapagkat  kaya ka nakakakain ng mga masasarap na putahe mula sa mga alagaing hayop na iyan ay dahil sa damo !

Eh mga damo lang naman kasi ang kinakain ng mga hayop na iyan in case hindi mo pa alam.

Ang totoo , kung walang damo ay walang masarap na beef steak , ribs , papaitan , tapa , at hamburger na paborito mo mula sa Jollibee .

Kaya pasalamat ka sa damo !

Ang mga cereal true grass gaya ng wheat , barley , sorghum , millet at rye ay paboritong pagkain ng mga poultry animals tulad ng mga manok at ibon.

Samantalang ang mais o corn ay hindi lamang paborito ng mga manok kundi maging ng mga tao lalo na kapag Japanese Sweet Corn na maramihang ibinebenta  sa kalsada ng Katipunan sa Quezon City.

Ang oats naman ay isa na ring nagiging paboritong breakfast cereals ng mga tao dahil sa sustansyang dulot nito sa katawan .

Samantala , ang paboritong pagkain naman ng mga farm animals gaya ng baka , kambing , kalabaw at tupa ay ang mga tinatawag na " masamang damo" na marami sa kaparangan .

Ngayon , kung hindi ka pa rin nakukumbinsi na mayruong mabuting damo , magbasa ka pa.

Akala mo ba , maliliit lang ang mga damo na kaya mong tapak-tapakan at bunot-bunutin kapag ginusto mo?

Diyan ka nagkakamali , dahil ang higante at pagkataas-taas na puno ng kawayan ay isang uri pa rin po ng damo !

Tama , hindi ka nagkakamali ng pagbabasa - ang kawayan ay isang uri ng damo .

Tumaas nga lamang siya at tumayog na halos abutin ang langit  at kung pagbabasehan ang pisikal niyang kaanyuan at komposisyon ay itinuturing siyang damo ng ating mga siyentipiko.

Kilala sa pagiging mapagpakumbaba ang kawayan , na kahit gaano katayog at kataas ay nananatiling mapagpakumbaba dahil laging nakayuko sa lupang kaniyang pinagmulan .

At hindi matatawaran ang silbi nito sa tao , magmula sa ugat na ginagawang pagkaing labong na masarap lahukan ng isdang piniritong galunggong , hanggang sa mga siit na sanga  nito na ginagawang kasangkapan at gamit sa ating kabahayan gaya ng papag at aparador.

In fact puwede kang makapagpatayo ng bahay , gamit lamang ang katawan ng isang punong kawayan!

Siguro naman ngayon ay kumbinsido ka nang  may mga mabubuting damo.

Sa kabilang banda , mayruon nga bang masasabing  tutoong masamang damo ?

Paanong magiging masama ang isang bagay kung ito ay may pakinabang para sa ibang nilalang ?

Katulad nga ng mga damo sa kaparangan na walang silbi para sa ating mga tao , ngunit masarap at malasang putahe para sa  mga hayop which in turn ay atin namang kinakain ?

Maaaring para sa atin ay mga walang halagang damo lamang sila , subalit para sa mga hayop na ngumangatngat nito , ito ang kanilang buhay at sustansya!

Pero bakit natin sila tinawag  na masamang damo ?

Dahil ba sila ay madaling dumami ?

Kung saan saan tumutubo ?

Pangit tignan ?

Pero huwag ka dahil ang mga damong Carabao Grass at Bermuda Grass  ay pampalamuti at pampaganda ng ating mga hardin at halamanan katulad sa mga parke kung saan masarap magpalipad ng saranggola.

Dahil ba sa hindi sila madaling patayin ?

Kaya nga sabi nila ang masamang damo daw ay matagal mamatay.

But I beg to disagree , dahil iyong kapitbahay naming " masamang damo " na isang pusakal na magnanakaw  sa aming lugar ay ibinuburol na ngayon sa aming lugar -  sa murang edad na beynte uno .

O dibah !

Ang totoo , tao lamang ang nagbabansag kung ano ang " masama " at kung ano ang " mabuti "

Sapagkat ang lahat ay pantay pantay sa paningin ng Poong Maykapal !

Dahil maaaring ang tinatawag mong mabuting damo ay may kasamaan din namang tinataglay !

Ang punong kawayan , hindi ba't ito ang paboritong tirahan ng mga maligno , aswang at engkanto ? Maraming panitikan ang nagkuwento na pinamamahayan daw ito ng sari-saring mga taong - lupa gaya ng mga duwende.

Bukod dito ay matitinik ka pa sa siit ng kadawagan nito .

Ang tubo naman  na nagbibigay ng matamis na asukal ay huwag mong sosobrahan dahil tiyak na Diabetes ang ibibigay na sakit sa iyo.

Samantalang  ang mga palay ay paborito namang tirahan ng mga pesteng hayop na Dahong Palay at Golden Kuhol .

Huwag ring panay-panayin ang pagkain ng kanin dahil tiyak na obesity ang makukuha mo .

Sapat pa bang sabihin na pahirapan  ang pagtatanim , pag-aani hanggang sa pagluluto ng butil ng palay bago maging bigas at kanin ?

Ang sabi nga ng kanta " Magtanim Ay Di Biro "

Huwag lang sanang mangyari na " Ako ang nagbayo at nagsaing , pero iba ang kumain " dahil siguradong mag-aalburuto ako .

Samantala ang sinasabi namang mga " masasamang damo " sa kaparangan ay tila ba may kabutihan din namang tinataglay .

Bukod kasi sa pangunahing pagkain sila ng mga hayop na paborito nating kainin , ang marami sa kanila ay nagpapanatili ng balanse at kaayusan para sa maayos na sirkulasyon ng hangin dito sa sangkalupaan .

At ang mga tuyong dahon ng talahib at kugon ay puwedeng isalansan upang gawing bubong o atip ng ating mga tahanan.

Ang mga tuyong dayami naman ay mainam ding gawing tirahan ng mga alaga nating hayop sa kabukiran.

In short , hindi pa rin naman sila lubusang masama .

Eh bakit mayruon pang mabuti  at masama ?

Ah ewan.

Ang tao lang naman kasi  ang nagbabansag kung ano ang mabuti at  masama .

Dahil ang mga tao ang matatalino at marurunong!

Kaya't karaniwang sila ang nagtatakda kung saan ka dapat ibilang .

Tunay na napakahalaga ng damo sa ating daigdig.

Sa kahalagahan nga nito dapat ay maglunsad o magtatag na rin ng isang Kagawaran Ng Damo ang ating gobyerno !

At ang kagawarang ito ang siyang mangangasiwa sa pangangalaga , pagpaparami , o pagpuksa kaya sa mga tinaguriang " masama " at " mabuting " damo .

At dapat ay magtayo rin ang ating gobyerno ng isang buong silid-aklatan na kung saan ang mga librong mababasa ay panay tungkol lamang sa mga damo .

Tila nga ba ang mga damo ang bagong bayani sa mundo ng mga halaman huh .

Subalit huwag nating kalimutang talakayin ang isang uri ng damo na tunay namang sumisira ng ating pagkatao.

Walang iba kundi ang " mahiwagang damo "  .

Pero , in fairness , may silbi naman daw sa larangan ng medisina at paggagamot ang " mahiwagang damo " na ito.

Iyon nga lang kasi , tao lang ang lumikha  upang abusuhin ang " mahiwagang damong " ito!

Ang totoo  , walang ginawa ang Diyos na masama !

Lahat ay pawang kabutihan !

Ang katotohanan , hindi si Lucifer ang pasimuno ng Kasamaan.

Walang iba kundi ang tao rin mismo ang imbentor nito .

Ngayon , naniniwala ka na ba sa mga katagang sinabi ko sa umpisa pa lamang  ng akdang ito na :

" Ang mundo ay isang malawak na damuhan ! "



Ito ay lahok para sa Bagsik Ng Panitik  pakontes ng Damuhan

 

 

6 comments:

  1. Malawak nga ang damuhan. Maaaring nababalutan ang buong mundo ng damo.

    Maraming impormasyong makukuha dito sa akda mo.

    Masama kapag hindi tuwirang napapakinabangan ng tao pero palagay ko, ekseheradong paglalarawan lamang iyon sa mga damo na mas may kapakinabangan katulad ng palay at kawayan na mas nadiskubre ng mga tao na lamang kesa sa damong tumutubo kung saan.

    Heaven..heaven..ang mahiwagang damo. Dami daw sa Benguet.

    ReplyDelete
  2. nakiraan po at nakibasa! =)

    ReplyDelete
  3. Nagbasa. Humusga. Tumpak! Ang mundo ay malawak na damuhan. Good luck sa entry.

    ReplyDelete
  4. salamat po sa mga nagbasa at nagkomento ... sayang lang at hindi napili at nanalo he he...goodluck na lang sa susunod ... kung may susunod pa he he :)

    ReplyDelete
  5. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirade_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete