TRAVELBOOK NOW!

Saturday, February 25, 2012

pagtanda ng isang bakla...

Labis akong naapektuhan ng isang video sa Youtube na una kong nasilayan sa pamamagitan ng blogsite na Manila Gay Guy .

Ito ay ang documentary tungkol sa isang espesyal na bahay sa isang kalye sa Pasay City na may pangalang Home For The Golden Gays

Panuorin ang video sa pamamagitan ng Youtube link na ito   Home For The Golden Gays

Ito ay  isang espesyal na tahanan para sa mga baklang matanda na at patuloy na tumatanda at wala nang nasusulingan at napupuntahan sa lipunang ito dahil wala silang mga kapamilya na nagnanais mag-aruga o kumandili sa kanilang katandaan.

Ito ang nagsisilbi nilang kanlungan sa  takipsilim ng kanilang buhay .

Makukulay ang mga karakter na umookupa dito sa bahay na ito katulad ng 80 years old na si Mama Leony na isang gay prostitute nuong panahon ng Hapon , ang 52 years old na si  Frederica na inabandona ng kaniyang mga magulang dahil sa kaniyang kabaklaan at si Semmy na 58 years old naman at nagtatago sa kaniyang tunay na pagkatao bilang isang bakla .

Pinakasikat  pa ring nanirahan sa bahay na ito ang comfort gay  in the 1940's na si Walter Dempster Jr. better known as Walterina Markova na isinapelikula pa ang buhay na ginampanan ng King of Comedy na si Dolphy sa pelikulang Markova: The Comfort Gay nuong 2000 .Namatay siya  nuong 2005 .

Gayundin ang nagtatag ng tahanang ito na si dating Pasay City Councilor Justo C. Justo.

Madalas din akong lektyuran lalo na ni Father dear tungkol sa aking pagtanda kung hindi daw ako mag-aasawa. Ano daw ang kahihinatnan ng buhay ko kapag ako'y matanda na ?



Kawawa daw ako sa aking pagtanda !

At kadalasan ang sagot  ko ay ngiti lamang  !

Hindi ko sineseryoso ang tanong niyang ito.

Sabi-sabi ko lang  sa aking sarili , hindi naman ako kasi tatanda , dahil maaga akong mamamatay !

Biro para sa akin.

Pero isang masakit at makatotohanang biro !

Dagdag ko pa , kung sakaling hindi naman ako maagang mamatay at  kapag matanda na ako at hindi ko na kaya ang sarili ko  , siguro magbabaril na lang ako sa sintido para matapos na ang lahat .

Sabay ng isang malutong na halakhak.

Ginagawa ko lang minsang katatawanan ang pagtanda ko .

Pero ang katotohanan , natatakot ako !

Takot na lumulukob sa buo kong pagkatao !

Ngayon pa nga lang na nasa kalagitnaan pa lamang ako ng aking buhay ay marami na akong iniindang sakit o karamdaman . Buti na lang at laging nandiyan si Mother dear para umalalay at kumandili sa akin.

Eh paano kung mawala na siya !

Sino pa ang mag-aaruga sa akin?

Ang sabi ng iba , mag-anak daw ako kahit na wala nang asawang babae . Para daw may mag-aalaga sa aking pagtanda .

Ngunit naisip ko lang , bakit ang dami din naman diyan na sangkatutak at sangkaterba ang mga anak , ngunit pagdating  sa dako pa ruon  , ay mag-isa pa rin silang namumuhay !

Walang kumakalinga . Walang  nag-aaruga !

Ang sabi ko ay nasa klase na lang siguro ng pagpapalaki iyan sa mga  anak .

Kung inalagaan at ipinakita mo sa kanila na tunay mo naman silang inalagaan , sa iyong pagtanda naman ay ikaw naman ang kanilang aalagaan. They would just simply return the favor .

Siguro kaya naman may mga anak na hindi nag-aaruga sa kanilang mga magulang sa pagtanda nito , ay marahil hindi rin sila tunay na kinalinga nito nuong sila ay mga bata pa .

But in the first place , paano naman ako mag-aanak sa isang babae gayung wala naman akong kakayahan na gawin ito ?

Bakla ako , hello !

Kapag babae ang pumasok sa kuwarto ko , I'm sure maglalaro lang kami ng Barbie at jackstone. Plus magpapa-manicure at pedicure ako sa kaniya  .

Pero kapag lalaki ang nasok sa aking bedroom , iba ang lalaruin namin .

Barbell at Jack's Stone  .

At maga - Angry Birds din kami for sure .

Iyan ang buong katotohanan !

Solusyon ?

Suggestion ng iba , mag-ampon daw ako .

Parang ang dali lang gawin .

Pero puwede namang subukan.

Iyon nga lang may risk dahil hindi mo rin sigurado  kung ano ang magiging outcome ng Aiza Seguerra( Pagdating Ng Panahon po )  .

Ahhh . Sabi nila mahirap tumandang mag-isa .

Lalo nang mahirap kung mas mahirap ka pa sa dagang bahay .

Mas madali sigurong tumanda kung mayaman ka . Siguro.

Puwede kang mag-hire ng mga taong mag-aalaga sa iyo like a caregiver.

Iyon ay kung siguradong  hindi ka nila bibigyan ng pagkain mo na may sangkap na Racumin !

Ang bigat sa damdamin kung iisipin .

Nakaka-depress lang !

But as for today I want to live one day at a time!

Ayoko na munang problemahin ang bukas !

Saka na lang kapag matandang matanda  na ako.

At nag-iisa.

Tutal may sisilungan naman akong bahay diyan sa Pasay.

Iyon ay kung still open at  nakatayo pa rin ang :

HOME FOR THE GOLDEN GAYS !

Masaklap lang kapag tuluyan na itong nagsara !

Saan ako ngayon pupunta ??!!

No comments:

Post a Comment