TRAVELBOOK NOW!

Saturday, January 14, 2012

Traslacion 2012

Muli ko na namang nasaksihan for the second time around ang taunang Traslacion sa Quiapo , Maynila every January 9 of the year . Ito ay ang pagparada ng imahe ng Poong Itim Na Nazareno sa mga kalsada ng Quiapo mula sa Simbahan at pabalik dito .

Simula nuong 2004 ay taun taon namang nasa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo kaming magbabarkada pero wala kami sa eksena ng prusisyon o parada . Either nasa loob ng bahay lamang kami ng barkada or nasa  ibang lugar malayo sa prusisyon .

Pero last January 09 , 2012 ay nanduon na naman kami sa mismong eksena ng prusisyon .

Una kong naranasan ito nuong 2007 kung saan ay may puwesto ako ng mga pagkain sa loob ng Guzman Institute sa Guzman Street sa Quiapo . Shock ang beauty ko nuong time na iyon  dahil first time kong naranasan ang pistang ito ng Quiapo na kung saan ay nag-uumapaw ang dami at kumpol ng mga tao .Kung hulugan mo ito ng aspile , tiyak tutusok sa bumbunan ng mga tao .

At nitong Lunes ay muli ko na namang nasaksihan ang dagsa , buhos , baha at dagat  ng mga tao na dumayo sa lugar na ito upang tuparin ang kanilang taunang mga panata sa Mahal na Poong Nazareno .

Bata , matanda , lalaki , babae at kahit anong klase at uri ka pa ng tao ay tila ba iisa ang direksyong tinutungo na walang iba kundi sa lugar na ito ng Quiapo. Iisa ang goal nila , walang iba kundi ang mahawakan o mahalikan o madampian man lamang ng kanilang mga dalang tuwalya o pamunas ang imahe ng Poong Nazareno .

Last Monday ay isinara ng 3 giant telcos ang kanilang mga signal sa bisinidad ng daraanan ng prusisyon dahil sa banta diumano ng terorismo na magaganap daw  mismo sa araw ng kapistahan . Dahil dito ay halos walang nakapag-text o nakatawag sa lugar na ito nuong araw na iyon . Kaya naman nag-concentrate na lamang kami sa panunuod ng prusisyon . At least walang mga istorbo .

Dakong alas-10:00 na ng gabi  ay nasa kalye pa lamang ng Carlos Palanca ang imahe at halos hindi umuusad dahil sa kapal  ng mga tao . Naantala pa ang paradang ito dahil sa ilang mga aberya katulad ng pagkasira ng gulong at lubid na humihila sa karosa  pero after lang ng ilang oras matapos makumpuni  ito ay tuloy ang painot-inot na pag-usad nito  .

Nakakabingi ang hiyawan , tilian at  sigawan ng mga tao habang dumaraan ang karosa . Nagwagaywayan ang mga puting panyo at pamunas na itinatapon sa karosa upang ipunas dito at madampian ng mahimalang imahe  nito .

Marami ang nagpupumilit na sumampa sa ibabaw ng karosa upang mahagkan o mahawakan kahit pansumandali ang imahe at ang nakakapangilabot ay kahit mga babae at bata ay nagpupumilit na umakyat para dito .

Hitsurang madapa sila , madulas o mahulog ay wala silang pakialam basta ang gusto nilang mangyari ay makasampa sa ibabaw ng karosa at mahawakan ang imahe .

Nakakabilib ang mga humihila sa lubid dahil sa tatag at tibay na ipinapamalas nila sa paghatak ng nasabing lubid na ubod ng kapal at bigat upang umabante ang karosa .

Patayan ang eksena dito dahil kapag nakamali ka ng galaw sa paghatak ng nasabing napakabigat at napakalaking lubid na humihila sa karosa ay maaari kang madaganan o maapakan ng bang mga humihila dito .
Puwede rin daw na pumulupot ang lubid na ito sa iyong leeg kung hindi mo tantiyado at hindi ka sanay sa  paghatak ng lubid na ito .

Minsang nabalahaw ang karosa ay mas malakas na effort ang kinailangan para hilahin o hatakin ang lubid .

Kung mahina-hina ang resistensya mo ay siguradong lalamunin ka ng mga taong dumagsa upang makahawak sa lubid na ito .Gitgitan , balyahan , tulakan at tadyakan  iyan ang mga pangkaraniwang galaw ng mga taong kasama sa prusisyon  .

Bandang alas tres na ng madaling araw ay nasa kalye pa lamang ng Arlegui ang nasabing parada .Pihadong mahaba-haba pang lakaran at takbuhan ito bago makarating at makabalik sa Simbahan ang imanhe.

Nagpasya na akong umuwi dahil hindi ko na kinaya ang antok at pagod sa pagsunod sa prusisyong ito .

Aaminin ko , hindi ako singlakas at singtibay ng mga namamanata sa Poong Nazareno kaya sumuko agad ako!

Hindi ako sagradong Katoliko .

Ngunit bilib ako , saludo at sampalataya sa ipinakitang debosyon , panata , at pananalig ng mga deboto sa Poong Nazareno  .

And usually , God honors this kind of faith na ipinapamalas ng mga mananampalataya .

Kaya naman hindi nakapagtatakang marami sa kanila ay natutupad ang mga kahilingan dahil sa kanilang ipinapakitang sakripisyo at pananalig.

At dahil dito :

Viva Senor Nazareno .



Sa isang taon , isa lang ang tiyak , muli kaming dadayo dito !

No comments:

Post a Comment