TRAVELBOOK NOW!

Saturday, December 3, 2011

Do EAT Cotton Candy

Nais ko lang na muling balikan at  i-share ang naging experience namin ng aking kapatid sa pagpa-franchise ng Do EAT Cotton Candy sa Cubao nuong taong 2008 .

Ako ang unang nakakita ng potential ng nasabing business na ito sa Robinsons Metro East dahil sa dami ng taong nakapila at bumibili ng paninda mula sa stall nito sa 4th floor ng nasabing mall na nasa Marcos Hi-way.

Dahil dito ay naengganyo kami ng aking brother na mag-franchise dito dahil mukhang patok na patok  ikako sa mga kostumer dahil sa haba ng pila ng mga nais bumili dito.

Naghahanap nuon ng manenegosyo si utol na nuon ay kagagaling lamang mula sa pagtatrabaho sa South Korea kaya  ito ang ini-offer ko sa kaniya. Sabi ko at least ay bago dahil wala pa halos nagtitinda nito sa mga malls - ang cotton candy na iba iba ang flavors at colors . Very attractive ikako sa paningin kaya siguro dinudumog.

Nagkasundo kami na magsosyo upang kumita .

Nagpunta kami sa magarang bahay ng mismong may-a ri na si Mr. Eddie A. Tajonera ( EAT )  sa Greenhills , San Juan upang siya ay personal na kausapin .

Duon namin nalaman na Php 250, 000 pala ang one time franchise fee para dito at ang mga supplies ay oorderin din namin mula  sa kaniya .

Nagkasundo kami ni utol at paunang nagbayad ng downpayment at ang balance ay sa mismong araw na lang ng opening ng foodcart ibibigay .

Nakakita kami ng puwesto sa New Farmers Plaza sa Cubao , Quezon  City na nasa 2nd floor malapit sa MRT Station . Nalaman namin na 20,000 .00 pala ang upa dito at kailangan ang 1 month advance at 2 months deposit para sa nasabing puwesto.

Sa madaling salita , naipuwesto namin ang lahat at nakapagbukas kami ng branch  dito nuong 2008 .



Kasama sa franchise ang Foodcart , Cotton Candy-making Machine , Initial Stocks at mga utensils and paraphernalias for the entire operations.

Kumuha kami ng dalawang tao na magpapalitan ng shift , isa sa umaga at isa sa hapon hanggang gabi. Plus kaming dalawa ni utol na magsu-supervise .

Sa unang araw ng operation ay naka - 2,000.00 mahigit lamang kami na benta. At sa sumunod na  mga araw ay lalo pang bumaba ang aming benta .

Akala namin ay magbabago ang trend sa susunod na mga buwan .

Subalit tila yata ganuon pa rin ang aming benta : halos hindi nakakaisang-libo kahit na weekends kung saan mas madaming tao ang namamasyal.

Kung foot traffic ang pag-uusapan , madaming tao ang dumadaan  sa nasabing pasilyo . Subalit dahil karaniwang bata ang target kostumer ng aming tindahan at wala namang masyadong dumadaan dito ay talagang nahihirapan kaming bumenta ng malaki.

Sa aming projections , dapat ay nakaka 5,000.00 to 6,000.00 na benta kami araw araw para mabawi ang aming puhunan , ang mga overheads at daily expenses na ginagastos sa negosyo kasama na ang monthly rentals at ang pasahod sa mga manggagawa namin.

Subalit sa benta na 1,000.00 mahigit lang araw-araw , talagang lugi ang inabot ng nasabing foodcart venture namin ni utol.

At dahil dito nag-desisyon kami na hindi na palawigin pa ang 3 months contract na ipinagkaloob ng Farmers sa amin . Tinapos lamang namin ang nasabing kontrata at hindi na ito ni-renew pa .

Nanlumo kami dahil sa halos kulang kulang 400,000. 00 na perang inilabas namin para simulan ang nasabing negosyo ay wala pa sa kalahati nito ang naibalik sa amin.

Hindi na namin pinursige pa ang ilipat o hanapan ng bagong lokasyon ang nasabing foodcart , bagkus ay napagkasunduan naming ibenta na lamang ito sa halagang 50,000.00 kasama na ang makina .

Kapag nakakakita ako ng foodcart nitong Do EAT Cotton Candy ay hindi ko maiwasang manlumo kagaya nang minsang mapasyal ako sa Megamall at muling makakita ng isang branch nito.

Kayat muling nagbalik ang ala-ala sa akin at naisipan kong isalaysay dito.

At least dahil sa experience na ito ay natuto kaming mamili ng muling papasukang negosyo at hindi iyong basta basta at ura-uradang pagbibitaw ng pera na nasayang lang at walang kinahinatnan.

Okay lang naman dahil naging learning experience namin ito sa muling pagpalaot  sa malawak na dagat ng pagnenegosyo.

At least ngayon ay naging mas maingat na kami sa pagpasok at pagpatol sa maraming mga offers ng negosyo na lumilitaw sa ating kapaligiran.

Dapat busisiing mabuti ang uri ng negosyong papasukin , ang puwestong lulugaran ay siyasatin ng maigi  at kuwentahing mabuti ang mga gagastusin , kikitain , pupuhunanin  at ilalagak na pera bago magsimula ng isang negosyo nang sa gayon ay hindi mabulilyaso at hindi magsisi sa bandang huli.

At least ngayon ay mas marunong na kami.

Ang masasabi ko lang : 

Salamat na lang sa experience na hatid ng Do EAT Cotton Candy !

And as they say , let's charge it to experience !

1 comment:

  1. Isa sa sinisilip kong e negosyo ay mga gnitong foodcart, pero kinabahan me dito sa blog mo...hahaha..marami pang isip ang ggwin ko..LOL Thank you dito.

    ReplyDelete