Wednesday, November 9, 2011

The Round-Up


Isa na namang Nazi atrocities war film ang napanuod ko in The Round-Up ( La Rafle ) na dinirek ni Roselyne Bosche mula sa bansang France.

Kuwento ito ng mga batang naipit sa gulo at hamon ng giyera nuong WW2 kung saan ay libu-libong mga Hudyo ang ipinapatay ni Hitler at ipinadala sa gas chamber upang duon ay lasunin kabilang na ang mga babae , bata at matatanda.

Naging paborito ko ang mga kuwento at pelikula tungkol sa kasamaan nitong walang pusong si Hitler nang una kong mabasa ang libro ng Dutch girl na si Anne Frank entitled The Diary Of A Young Girl.

Tunay na nabagbag ang damdamin ko dahil sa mga pinagdaanang hirap at pasakit ng isang batang babae at pamilya nito sa kanilang pagtatago sa kisame ng bahay ng isang kaibigan upang huwag lamang matunton ng mga sundalo at tauhan ni Hitler upang ipapatay.

Ngunit alam na nating sa katapusan ay natagpuan din sila at naipapatay bago matapos ang giyera .

Simula nuon ay naantig na ang aking damdamin sa mga kuwentong hango sa kalupitan ng Holocaust nuong World War 2.

Sunod kong napanuod ay ang pelikulang The Pianist sa direksyon ni Roman Polanski kung saan ay bida si Adrien Brody bilang pianistang si Władysław Szpilman na naging biktima rin ng kabuktutan nitong si  Adolf Hitler na tunay na walang kasing-sama sa kaniyang mga kasalanan.

Muli ay napaiyak ako ng dramang ito.



At siyempre sino naman ang makakalimot sa obra ni Steven Spielberg na Schindler's List . Academy Award winning movie that will surely touch your heart . Bato ka na lang kapag hindi ka pa naantig ng pelikulang ito. Kahit tatlong oras ang itinakbo  ng pelikula ay hindi ka mababagot panuorin dahi sa kagitingan ng bidang si Mr . Oskar Schindler na nagtago ng libu-libong mga Hudyo sa pamamagitan ng pag-eempleyo sa mga ito  sa kaniyang pabrika upang huwag maipapatay ng demonyong si Hitler.

At dito nga sa The Round-Up , ay muli kong napanuod ang pagpapahirap na ginawa ni Satanas na nagkatawang tao na si Hitler sa buhay ng mga Pranses na Hudyo nuong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Very touching ang mga eksena lalo na nuong pilit na pinaghiwalay ang mga bata sa kanilang mga magulang at ina upang patayin.

Sa huli ay walang nakaligtas sa halos 4,000 mga batang ipinadala sa prison camp at matapos ay sa gas chamber sa Poland at pinaniniwalaang lahat sila ay napatay dito.

Sukdulan ang kasamaan ng mamang si Hitler na kailanman ay hindi na malilimutan ang kaniyang ginawang kasalanan laban sa sangkatauhan na naging biktima niya.

Sana wala na ulit lumabas na panibagong Hitler sa mundong ito nang sa gayon ay hindi na muling maulit  ang malagim na pangyayaring nag-iwan ng bakas ng takot at pighati sa marami nating mga kapwa Hudyo sa Europa.

Sana.

Sana.

No comments:

Post a Comment