TRAVELBOOK NOW!

Saturday, October 22, 2011

Sooo Pinoy True Blogger : Asado Lomo and Halo - Halo

Dalawang bagay lang ang pinupuntahan naming magkakaibigan sa Tondo , Maynila .

Boys and Food .

Sa mga boys , given na iyan . Dahil kami ay isang grupo ng mga baklang naghahanap ng mga boys na magmamahal sa amin at amin din namang mamahalin  in return hi hi hi .

At marami niyan dito sa Tondo .

Ang isa pang dahilan kung bakit lagi naming dinadayo ang Tondo ay dahil sa pagkain . Literal na pagkain kung saan kami mahilig .

Buhay na buhay ang kalakalan at komersyo sa Tondo . Anumang oras ng araw , mula umaga hanggang hating- gabi at madaling araw ay buhay at gising pa rin ang mga tao dito na mistulang hindi na natutulog . Literal na magulo , maingay , matao at masarap ang lugar ng Tondo sa bawat araw na ginawa ng Diyos .

Bagamat negatibo ang imaheng nilikha ng Tondo sa ilang mga tao , kaming magbabarkada ang makapagsasabi na mali ang impresyong iyon sa dakong ito ng Pilipinas  . Kami ang buhay na patunay na masarap bumisita sa Tondo .

Maraming makakainan dito sa Tondo . Nagkalat iyan sa bahaging ito ng Maynila .

Magmula sa maliliit na karinderya at turo turo hanggang sa malalaking restaurant , fastfood at kahit fine dining resto ay meron din dito sa Tondo .

Subalit para sa aming magbabarkada , dalawang kainan lamang ang aming laging pinupuntahan sa lugar na ito .
Ito ay ang Aling Edith's Asado Carinderia at ang Aling Consuelo's Halo - Halo sa Ugbo  .

First stop namin ay ang maliit na carinderia ni Aling Edith na matatagpuan sa kanto ng Varona Street at Romana Steet dito sa Tondo , Manila .

Maliit lang ang puwesto ni Aling Edith subalit palaging dinudumog ito ng mga tao.

Hindi pa kami nakapunta sa tindahang ito na walang taong kumakain . Laging puno at blockbuster ang iilang lamesang nakalatag dito ng mga kostumer na sarap na sarap sa mga putaheng ibinebenta ni Aling Edith .

Ang kaniyang mga putaheng inihahain sa mga nagugutom na kaluluwang dumadayo sa kaniyang puwesto  ay ang Asado Lomo , Lechon Kawali at ang Camto na talagang sobrang linamnam at sarap  .




 Idagdag pa ang manamis-namis na sauce para sa mga ito at ang  atsara na gawa mismo ni Aling Edith.

Maging ang sabaw o soup na kasabay na ihahain sa iyo kasama ng kanin at mga putaheng ito ay paniguradong malasa at masarap na tila ba nag-aanyaya sa lahat na tikman ang kanilang mga putaheng iniaalok para sa mga bisita.

Maging ang mga taong nakapaligid  sa kaniya ay mga buhay na testigo nang masarap na pagkakaluto niya sa  kaniyang mga ulam.

Matapos naming mabusog sa mga putaheng inihain ni Aling Edith sa kaniyang karinderya ay diretso naman kami sa panghimagas .

At para sa aming dessert , wala kaming ibang pinatutunguhan kundi ang Halo - Halo ni Aling Consuelo sa kanto ng Varona at Ugbo Street dito pa rin sa Tondo , Maynila .

Halos tumagal na ng 5 dekada ang tindahang ito ni Aling Consuelo . Patunay na talagang tinatangkilik ang inilalakong Halo - Halo sa Ugbo ni Aling Consuelo.

Halo -halo ang panghimagas na Pinoy na Pinoy ang mga sangkap na inihahalo katulad ng saging , munggo , beans , nata de coco , ube , leche flan , macapuno , pinipig at ang masarap na chocolate syrup na inihahalo dito upang lalong sumarap ang timplada ng popular Filipino dessert na ito.






Idagdag mo pa ang malamig na yelong humahagod sa iyong lalamunan lalo na kapag panahon ng tag - init ay sapat na upang maibsan ang gutom at uhaw na iyong nararamdaman mula sa maghapong pagtataguyod sa ating mga buhay .

Ang nakapagtataka , kahit na malamig na ang ihip ng hangin sa kapaligiran at nanginginig ang iyong laman sa ginaw , marami pa rin ang pumipila at dumadayo sa Halo - Halo ni Aling Consuelo .

Patunay na anytime of the year ay patok at panalo ang dessert na ito ni Aling Consuelo.

Matapos ang pagkain na ito sa dalawang nabanggit na kainan ay solve na kaming magbabarkada at handa na namang muling harapin ang mga hamon ng buhay na busog ang sikmura at maganda ang pakiramdam.

Hindi kami magsasawang balik - balikan ang masarap na mga recipeng Pinoy na ito na patuloy na umuukit ng kasaysayan para sa ating bansa .

Tunay na world class at de -kalibre ang pagkaing mga Pinoy na puwedeng maihanay sa alinmang pinakamasasarap na pagkain sa buong mundo .

At patunay diyan ang mga pagkain sa karinderya ni Aling Edith at ang Halo- Halo ni Aling Consuelo sa Ugbo.

Pagkaing Pinoy , Pagkaing world -class !

Tunay na malasa , masarap at malinamnam!

Truly , Sooo Pinoy !

No comments:

Post a Comment