Thursday, October 6, 2011

Nasaan ka Pnoy ?

Sa wakas at dumalaw na rin sa mga binahang lugar sa Central Luzon ang ating mahal na pangulong si Noynoy Aquino III huh!

Ito ay matapos pulaan at batikusin ang tila pagiging missing in action ni Pnoy sa gitna ng trahedya  na naranasan ng Gitnang Luzon na malawakang pagbaha dulot na rin  ng kambal na bagyong sina  Pedring at Quiel.

Ang nakapagtataka ay kung bakit naman  mismong sa anibersaryo ng Bagyong Ondoy dumating din at puminsala ang magkasunod na bagyong ito.

At ang mas lalong nakapagtataka ay kung bakit umaaraw na at matindi ang init sa balat ng Haring Araw ngunit baha pa rin sa malaking bahagi ng Gitnang Luzon kasama na ang mga  probinsya ng Pampanga , Bulacan Tarlac at Nueva Ecija .

Dahil daw ito sa ginawang pagpapakawala ng tubig ng mga malalaking dam sa Luzon.

Okay lang sana kahit na malalim ang baha basta sa loob lang sana ng ilang oras ay agad agad na huhupa.

Pero itong bahang ito ay terible dahil bukod sa napakalalim na ay araw na ang binibilang ay hindi pa rin humuhupa o bumababa !

Babala nga ng PAGASA ay mas lalala pa ang klima sa ating bansa bunsod na rin ng Global Warming na umiikot sa buong mundo .

Mas magiging basa at maulan ang tag-ulan , at mas magiging mainit naman at tuyo ang tag-araw !

Sa kabilang banda , usap- usapan ang pagiging MIA ni Pnoy sa gitna ng unos .

At kung hindi pa binatikos at pinulaaan ng mga tao sa mundo ng blogelya at panulat ay hindi pa lalantad at magpapakita. Parang pako na kailangan mo munang pukpukin bago bumaon !

Bakit ganiyan ka Pangulong Pnoy ?

Nuong hostage taking sa Maynila ay wala ka rin at nasa iyong diumano'y war room sa Malacanang ?

Nang humupa na ang tensyon at drama ay saka ka rin lang nagpakita .

Akala ko ba ay kami ang boss mo ?

Pero lagi kang wala kung kailan kailangan ka namin !

Hindi rason ang sinasabi mong hindi ka mahilig magpaphoto - ops o magpa -presscon at umeksena kapag ganitong may kalamidad .

Ang aming kailangan ay ang presensya mo bilang pampalakas at pampalubag ng aming loob .

Kailangang makita ka namin upang magbigay ng pag-asa at lakas sa aming nanlulupaypay na katawan.

Tulad ng isang amang handang sumagip at sumaklolo sa nagugutom at nanginginig niyang mga inakay !

Huwag kang magmukmok at mag-sitting pretty lamang sa loob ng air-conditioned na kuwarto mo sa Malacanang .

Mas maigi na ikaw ay maging papansin pero hands - on at on the job na presidente . Kaysa naman mapagbintangang natutulog sa pansitan dahil hindi ka namin naaaninag sa aming kalagitnaan !

Hindi kinakailangang magpa-photo ops ka kung sasaklolo sa iyong mga kababayang minalas na anurin ng baha at delubyo.

Ang makita ka lamang nila at malamang  kadamay mo sila sa kanilang pighati at paghihirap ay sapat na upang maibsan ang hinanakit sa buhay at magpatuloy na lumaban sa hilahil ng trahedyang ulan .

Ngayon at higit sa lahat mo ipakita na kami ang iyong boss !

Hindi ba't ang boss ay laging inaalalayan at sinasaklolohan ora mismo sa oras ng pangangailangan?

Lumabas ka at makihalubilo !

Huwag kang mag-alala , hindi ka dudumugin at babatuhin ng kamatis ng iyong mga kababayan .




Iyon ay kapag makita at maramdaman nila na ikaw nga ang kanilang PANGULO !

No comments:

Post a Comment