TRAVELBOOK NOW!

Wednesday, October 19, 2011

Juvenile Justice System

 Ipinapanukala na babaan ang edad ng mga kabataang puwedeng patawan ng parusang pagkabilanggo bunsod na rin ng dumaraming bilang ng mga youth offenders na nasasangkot sa maraming krimen at kaso kabilang  na ang  pagpatay , pagnanakaw , pananakit , panghahalay , harassment at marami pang iba .

Kamakailan lamang ay sunod sunod ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga kabataan na aakalain mong hindi nila magagawa dahil sa kanilang murang kaisipan . Mayruong pumatay ng kaklase , ng kaniyang guro at ng isang  kabarkada ; ang mga tinaguriang Batang Hamog na nambibiktima ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA  sa pamamagitan ng pagnanakaw ; iba't ibang kaso ng panghahalay at gang rape sa mga menor de edad na babae at gayundin ang balita tungkol sa barilang naganap sa SM Pampanga na kinasangkutan ng dalawang teenager na parehong namatay mula sa insidente .

They all have a common denominator : lahat sila below 18 ang edad . Menor de edad kumbaga.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyang Juvenile Justice System sa bansa , hindi puwedeng kasuhan at ikulong ang mga juvenile offenders na ito dahil sa kanilang murang edad. Ito ay dahil sa pinangangalagaan ng estado ang karapatan at kalusugan ng mga bata na sinasabing wala pa sa tamang edad upang makapag-isip at makapagpasya ng tama at husto base sa kanilang kaisipan . Ang maaari lamang na gawin sa kanila upang maparusahan ay ang  dalhin sila sa isang rehabilitation center kung saan ay tutulungan silang maka-recover at magabayan mula sa anumang kaso na kanilang kinasangkutan.

Subalit dahil nga sa mga krimeng kinasasangkutan ngayon ng maraming mga menor de edad na karamihan ay kalalakihan , ipinapanukala nga na gawing as young as 9 years old ang mga bata na puwedeng kasuhan at  i-prosecute sa ilalim ng ating batas . Mangangahulugan ito na puwede na silang makasuhan at makulong sa ating mga pambansang bilangguan at piitan na walang mga prebilehiyo katulad ng nakukuha nila sa mga rehab centers .

Mangangahulugan ito na ituturing silang mga preso katulad ng mga  matatanda kahit na sila ay musmos pa lamang .

Sa ganang akin , dahil nga sa dumaraming bilang ng mga kabataang nasasangkot sa mga masasamang gawain ay makabubuting baguhin na at amyendahan ang batas na nauukol sa pagpaparusa sa mga tiwaling kabataan.

Sapagkat hindi na katulad nuon ang mga kabataan ngayon . Mapusok at punong puno ng hinanakit at galit ang karamihan ngayon sa mga kabataan . At ang nakakabahala , ang ilan sa kanila ay handa nang pumatay o magbuwis mismo ng sariling buhay para lamang sa mga prinsipyong ipinaglalaban nila.

Idagdag pa dito na ang ilan sa kanila ay ginagamit na ng mga sindikato para makapambiktima at makapanlamang sa kanilang kapwa  katulad ng pagnanakaw , pagpupuslit ng ilegal na droga o kaya naman ay pagsasamantala sa mga kababaihan at mahihina .

Hindi maitatatwa na tila ba nawala na ang dating kainosentehan sa mukha ng mga kabataan ngayon . Marahil ito ay resulta na din ng mga pagbabagong nagaganap sa ating lipunan kasama na ang mga panuoring nakikita sa iba't ibang klase ng media na nagiging bahagi sa patuloy na paghubog ng kanilang mga murang kaisipan.

Nakakagulat na as young as 7 years old ngayon ay marunong nang makipagmurahan , makipag-umbagan sa mga kapwa bata  , manghablot ng mga gamit , gumamit ng ipinagbabawal na gamot , magnakaw at maging sa mga makamundong bagay ay bihasa na rin sila .

Ang sabi nga sa Bibliya ay " pasama na nang pasama ang panahon habang lumalaon ."

Nilamon na ng sistema ang dating mga inosente at walang muwang na mga paslit .

Ngayon , sila ay mas mabagsik at mas mabalasik pa kaysa nuong una .

Dito na lamang sa aming lugar sa Antipolo ay talamak ang mga kabataang nakikipag basag -ulo , nagbabanggaan bilang mga miyembro ng gangster , nagpapatayan , nagnanakaw , nagdo-droga at nanloloko sa aming komunidad .

Kaya marahil ay napapanahon na upang pag-aralan kung paano mapaparusahan ng akma sa kanilang edad ang mga kabataang naliligaw ng landas.

Sa kabilang banda , hindi rin naman ako sang-ayon na sila ay parusahan katulad ng kanilang mga adult counterpart.

Bilang mga bata at musmos pa sa maraming bagay na hindi nila nalalaman , kailangang sa pagpaparusa ay may kalakip na rehabilitasyon . Bigyan sila ng karampatang bilangguan na kung saan ay maaalagaan at maibibigay pa rin ng maayos ang kanilang mga pangunahing pangangailangan katulad ng pagkain  , masisilungan , damit at ang makapag-aral .

Dahil sa kabila ng kanilang mga ginawang kamalasaduhan sa buhay, sila ay isa pa ring mga bata na nangangailangan  ng wastong paggabay at paggiya mula sa mga nakatatanda.

Hindi pa rin naman tuluyang naglalaho ang aking paniniwala sa tinuran ni Gat Jose Rizal na " ang kabataan ang pag-asa ng bayan " .

May pag-asa pa ring magbago ang pananaw at pag-iisip ng mga kabataang naliligaw ng landas . Ito ay kung mauuna munang magpakatanda ang mga nasabihang matatanda  na ngunit wala namang pinagkatandaan.

Sapagkat kung ano ang ginagawa ng mga matatanda , ay siya ring gagayahin ng mga bata .

No comments:

Post a Comment