TRAVELBOOK NOW!

Thursday, March 10, 2011

Goodbye Deo

Ginulantang ako isang gabi nang isang text message ang matanggap ko mula sa isang dating katrabaho.

Sabi sa text : " Patay na si Deo "

Nag-reply ako : " Huh hindi ka ba nagbibiro ? Totoo ba talaga , patay na si Deo ? Bata pa yun ah ! Ano naman daw ang ikinamatay niya? " sunod sunod na tanong ko.

Sumagot siya : " Lumaki daw ang puso . Tapos napuno ng tubig ang baga! "

Biglang nilukuban ng magkahalong kilabot at kalungkutan ang buo kong pagkato nung mga sandaling iyon.

Siya si Disodado Palabay , isang dati kong nakatrabaho nuon sa Pilipinas Teleserv Incorporation na may tanggapan diyan sa Quiapo , Manila.



Natatandaan ko pa , parang kailan lang nitong taong 2009 lamang na magkakasama kami at masayang gumagawa bilang mga Customer Care Officer sa nasabing kumpanya.

Masayahin , palabiro , bibo at punong puno ng enerhiya sa katawan si Deo ( palayaw niya )

Nung pinagawa kami ng skit ng aming mentor na sina Mam Rhea at Sir Chris para sa aming training ay si Deo ang nag-isip ng isang madramang tagpo na kaniyang ginawa para sa kanilang grupo.

Para sa akin iyon ang pinakamasaya at nakakaaliw na eksena sa lahat ng mga performance nung araw na iyon lalo na at napagbihis babae pa niya ang astig na katrabaho naming si Richard.

Masaya ang atmosphere kapag nandiyan si Deo dahil likas siyang masayahin at palatawa. Dahil dito ay maraming kaibigan ang kaniyang nakapalagayang - loob kabilang na ako.

Nang magkahiwa-hiwalay na kami sa nasabing kumpanya dahil tapos na ang aming kontrata ( endo ) , matagal bago kami muling nagkita- kita.

At nang mag-birthday ang isa naming dating katrabaho ay huling nakasama namin siya ni Toneth na pumunta sa party at nakipagsaya sa pagdiriwang ng kaarawan ng aming dating katrabaho.

Iyon ang huli naming pagsasama sama.

Simula nuon ay wala na akong narinig mula sa kaniya.

Ang huli kong narinig ay nakapagtrabaho daw siya sa isang telecom company diyan sa may bandang Pasig.

Hanggang sa ginulantang na nga lang ako ng text message galing sa aming common friend na si Herbie.

Hayy , sadyang kay hiwaga ng buhay.

Merong para sa iba ay tila ba kay haba ng buhay kung kayat kanila itong winawakasan upang maagang matapos .

Subalit meron namang para sa iba ay sadyang kay-iksi nito para sa isang makabuluhang buhay na punong puno pa mandin ng pag-asa!

Saan ka man naruruon Deo , alam kong masaya ka na sa kalagayan mo ngayon.

May you eternally rest in peace my friend.

At alam mong hindi ka malilimutan ng iyong mga naging kaibigan na patuloy na nagmamahal sa iyo dito sa mundong ibabaw.

Paalam , kaibigan ko!



No comments:

Post a Comment