TRAVELBOOK NOW!

Sunday, March 13, 2011

Emote emote muna......

Ire-repost ko ang emote letter kong ito nuong bago mag-bagong taon ng 2009. Nakakatuwang maala ito . Emote emote muna tayo:

_______________________________________________


Ilang taon din na nawalan ako ng tiwala at pananalig sa Diyos.

Talagang itinakwil ko Siya, pramis.

Resulta ng napakadaming pressure, problema, pagsubok, hinanakit, sama ng loob, pagluha, kawalang pag-asa at pagkabigo nitong nakaraang mga taon.

Natatandaan ko. Nuong bata ako malakas ang pananalig ko sa Diyos. Kahit di ko Siya nakikita o naririnig man lang, tiwala ako na tutoo Siya at laging nandiyan sa tabi ko at nakahandang umalalay. Lagi ako sa Kaniyang tumatawag, sumasamba at nananalangin nuon. Pagsapit ng gabi, hindi pwedeng hindi ako luluhod sa Kaniya at magdadasal.

Ganyan katindi ang pananalig ko sa Kaniya nuon.

Dumating pa sa punto na nais ko Siyang mapaglingkuran sa pamamagitan ng pagpasok sa Seminaryo!

Ngunit sadyang darating pala ang panahon na susubukin kung hanggang saan ang pananalig mo sa Diyos!

At dumating ito sa akin nang hindi ko inaasahan.

Sa dami ng "pagsubok" na dumating sa akin upang hamunin ang aking pananampalataya; nakakalungkot maalala na " bumigay" ako sa pagtitiwala ko sa Kaniya.

Talagang masasabi ko na isinuko ko ang pananalig ko sa Maykapal!

At hindi naging magaan ang kapalit nito. Kapalit ng pananalig ko, ay ang halos pagkahubad ng aking pagkatao.

Isang gabi. Nitong Pasko lang. Muli kong isinuko ang buhay ko sa Diyos!

Ang dalangin ko: " Diyos ko po, suko na po ako sa Iyo! Ayoko na pong makipag-away sa Iyo! Patawarin Mo po ako. Sa hindi ko pagtitiwala sa Iyo. At paglapastangan sa Iyong pangalan!
Wala po akong laban sa Iyo. Hindi ako kailanman mananalo sa Iyo. At dahil diyan isinusuko ko na ang pakikipagtunggali ko sa Iyo. Tunay na Ikaw ang Diyos at walang makakatalo sa Iyo.
Patawarin mo po ako. Ikaw pa rin po ang aking makapangyarihang Diyos. Amen"

At lumagaslas ang luha sa aking mga mata.

Sa taong darating, masaya at punong puno ng pag-asa akong haharapin ito. Sa muli kong pagtitiwala at pananalig sa Diyos; I believe this time na malaki ang chance ko na magtagumpay at manalo sa laban dahil alam ko kakampi ko na ulit ang Diyos!

Hindi naman Niya ako talaga iniwan o pinabayaan, kahit nuong time na itinakwil ko na Siya!

Nagpupuri ako at nagpapasalamat sa Diyos dahil muli Niya akong ibinalik sa Kaniyang pagkalinga.

Tunay na walang makakapantay sa dakilang pagmamahal at pag-ibig ng Diyos sa ating mga tao!

Purihin ang ating makapangyarihang Diyos!

Masaganang Bagong Taon ang hatid Niya sa Bawat Isa!

No comments:

Post a Comment