TRAVELBOOK NOW!

Thursday, February 17, 2011

Christian Youth

Kasali ako dati sa isang grupo ng mga kabataan na involved sa isang ministry ng isang Born Again Church. Masaya kami nuon. Wala kaming ginawa nuon kundi magbasa ng Bibliya, umawit ng mga Christian hymns, tumugtog ng mga musical instruments, mag-jamming sa mga bagong kanta, mag-share ng mga kakatuwang karanasan about Christian living, mag-kuwentuhan, mag-asaran, magkulitan....magkainlaban.......

As years have passed, ang sarap balikan kung ano na ang nangyari sa grupo namin.

Sa buong grupo, ako ang pinakabago at pinakatahimik at mahiyaing miyembro. Bihirang magsalita, halos mabibilang sa daliri ang words na binibitawan, boring daw kasama, sabi nila.

Subalit , ang hindi nila alam, nandito lang ako nagmamatyag.

Kahit paano masaya ang samahan namin nuon. Kapag may mga Bible Studies ay sama sama at grupo grupo kaming pumupunta sa bahay bahay ng mga kapatiran para magdaos ng pag-aaral ng salita ng Diyos. Habang nasa daan, grabe ang kulitan at asaran ng grupo. Palibhasa, mga bata at wala pang mga hang-ups sa buhay. Mga walang pakialam dahil tila ba umiikot lang ang mundo namin nuon sa Salita ng Diyos. Pagpunta sa Bible Study, pagtapos uuwi, balik sa dating gawi.

Kapag bakasyon na ng klase, ang assignment namin ay magturo sa mga batang lansangan ng Word of God . Sari sari sila. May malilinis , may madudusing. May mga tahimik, marami ang magugulo. May madali mong sawayin, merong mahirap kang patahimikin.

Minsan, out of town bonding. Youth Outing sa resort. Minsan sa mga probinsya. Masarap habang nasa daan. Lalo na at sakay kayo lahat ng isang jeep. At puro kabataan kayo. Grabe, puwedeng tumaob ang jeep dahil sa gulo at riot!

Kapag Sports Fest, dito lumalabas ang tunay na pagkatao ng isang kabataang Kristiyano. Dito nakikita kung may sungay ka pa ba o bali na ito. Dito maraming na di- DA- Disciplinary Action!

Pag Pasko, masaya. Tuwing gabing malamig ang simoy ng hangin, nasa daan kami at nangangaroling sa bahay bahay ng mga kapatiran. Merong may dala ng gitara, tambourine at maracas, habang ang iba ay boses ang ipinaparada. Kapag nasa daan- asaran, kulitan, tuksuhan.

Kapag nasa tapat na ng bahay ng kakarolingan, behaved na parang tupa ang lahat! Nanunuot ang lamig ng boses kapag kumakanta. Na tila ba dinalaw ng Anghel ang nasabing tirahan para hatiran ng munting mensahe : ang pakainin ang mga nagugutom at nauuhaw na koro. At umamot ng konting limos para sa Iglesya.

Ganun lang. Ganun kasimple ang buhay Kristyanong Kabataan.

Ngunit kung babalikan ko at sasariwain ang mga nangyari sa bawat isa, nasaan na kaya sila ngayon?

Yung dalawa, babae at lalaki, pinakamatanda sa amin, magpinsan sila, pinaka-aktibo nuon sa grupo namin at laging nangunguna sa mga gawaing pang-iglesya- hayun nagkadebelopan, nag-asawahan- at ngayon may mga anak na sila- kahit mag-pinsan pa silang buo. Itinakwil sila ng Iglesya at ng kanilang pamilya.

Yung dalawa din, babae rin at lalaki, isang araw di na lang nagpakita yung babae. Umuwi sa probinsya. Sumunod yung lalaki. Nabalitaan na lang namin, nagpakasal na dun yung dalawa, buntis na pala yung babae.

Yung isa, nung ma DA sa aming samahan, bumalik sa dating gawi - adik, istambay, basagulero...ewan kung nasaan na siya ngayon!

Yung isa, pinaka teacher namin at nanay nanayan sa grupo, buti naman , nakapag-asawa ng maayos. Hayun, may isang masaya pa ring pamilya ngayon.

Yung isa, nung magtrabaho sa Makati, nasundot ng isang mayamang executive, hayun nabuntis, naanakan, pero hindi pinakasalan. Hanggang ngayon single parent pa rin siya.

Suwerte nung isa, nakapag-asawa ng seaman at pastor din. Nasa Amerika na siya ngayon, living with her own family. Crush ko siya nuon. Kasi maganda, mahinhin, pino at propesyunal kumilos. Pero wala yun. Kasi iba ang gusto ko pala.

Yung isang lalaki, nagpapalit palit at nagpalipat lipat na sa kung kanino kaninong babae pero hanggang ngayon ay naghahanap pa rin.

Yung isa, wala na akong balita. Di ko alam kung nakapag-asawa na siya o hindi pa. Babae siya. Pihikan din yun sa lalaki. Ang sabi niya nuon, kapag wala daw siyang napiling God's will ay magpapakatandang -dalaga na lang siya. Ganun na kaya siya ngayon.

Yung isa, babakla bakla. Mahinhin kumilos. Daig pa ang babae kung makakendeng at pumilantik ang kamay kapag nagsasalita. Pero isang araw nabalitaan na lang namin na may nabuntis na babae. Hayun, napakasal ng wala sa oras. Ngayon may isa na silang anak.

At yung hinuhulaan ng iba na hindi na daw makakapag-asawa dahil matanda na ay hindi pa rin nagpapaligaw- sa wakas - ikakasal na ngayong taon -pagkatagal tagal man ng prusisyon, sa simbahan din pala ang tuloy.

At ngayon sa aming lahat....ako na lang ang naiwan na hindi nag-aasawa. Kapag nakikita pa rin nga ako ng mga kapatiran, ay sige ang tanong nila kung kailan naman daw mamamantikaan ang labi nila. Lahat may mga sarili nang pamilya. Lahat may mga sarili nang buhay. Maayos man o sirang buhay!

Ako. Nananatiling mag-isa. Tuluyang naging bakla. Nagpakabakla. Di nila alam, nalubog na sa putik. Putik na mahirap umahon. Putik na hihilahin ka para ibaon.

Di bale, iniisip ko na lang lagi. Tulad ng dati. Gaya ng dating iniisip ko.

Mahal ako ng Diyos!

Kahit bakla ako. Kahit ano pa ako!

Namimiss ko sila. Ang dating grupo ng mga Kabataang Pasaway na Kristiyano!!!

1 comment:

  1. bkait mu hinayyan malubog ka sa putikan..ang baboy pag nilinisan mo..magpapakababoy pa din..ang tupa pag nadumihan..pipilitin nitong maalis ang putik sa katawan nya...

    ReplyDelete