Saturday, July 31, 2010

Jeepney Passenger 101



Natalakay na ni Bob Ong ang klase o mga uri ng jeepney driver dito sa 'Pinas.

Ang tatalakayin ko naman ay ang iba't ibang uri ng mga pasahero ng sikat na jeep dito sa Naspi.



Makulay na parang sampayan ang mga klase ng pasahero ng jeep.

Hindi katulad sa ibang mga uri ng sasakyan, tulad ng bus o FX, mas magandang pagmasdan ang iba't ibang klase ng mananakay ng jeep.

Boring ang mga pasahero ng FX!

Samantalang ang mga pasahero ng bus, magulo!

Matagal na akong sumasakay ng jeep.

Magmula pa nung una akong isama ng aking butihing ina patungo sa palengke, hanggang ngayon, na ako na ang umaalalay sa aking ina patungong pamilihan , suki pa rin ako ng jeep.

Kaya, alam na alam ko na ang karakas ng mga pasahero nito.

Ito ang ilan sa kanila:
1.)Buddha Family- eto yung mga pasahero na karay karay ang buong pamilya sa loob ng jeep. Makikita mo sila kasama ang ama, ang ina, at ang sangkaterbang anak nila; nag-uunahan sa pagsakay sa jeep. Karaniwang linya nila, " sandali lang po, may mga bata" At ang nanay, mayruon pang pinapadedeng sanggol sa dibdib nya.

2.)Promdi- eto naman yung maraming bitbit na bagahe sa loob ng jeep. Karaniwang dala nila ay mga produktong agrikultura kaya para silang kaluluwas lang mula sa probinsya. May dala silang isang bayong na prutas, isang kahong gulay, isang sakong mga saging, at kung minamalas malas ka ay mayruong may dala ng isang bote ng bagoong o isang banyera ng tinapa o tuyo. Hmmm, baho!

3.)Tutulog tulog- eto naman yung mga pasaherong madalas matulog sa loob ng jeep. Mukhang guilty ako dito. Ilang beses na ring nangyari sa akin na nakalampas ako sa bababaan ko dahil nakatulog ako he he he. Pero ang iba, sumisimple lang. Pag may katabing magandang tsiks, kunyari inaantok--at maya maya nakahilig na sa balikat nung katabing babae.Tsansing.

4.) Estudyante Blues- ito yung mga estudyanteng sumasakay kapag labasan na ng klase nila. Kumpol kumpol sila at isang batalyon pag sumakay sa jeep. Kaya kapag sila ang kasabay mo sa pagsakay sa jeep lakasan mo ang pagsabi ng "para" dahil baka ka mailagpas ng driver sa bababaan mo dahil hindi ka narinig nito sa sobrang ingay nila.

5.)Sosi Kolehiyala- eto naman yung mga estudyanteng mga kolehiyala na sobrang iingay din kapag nasa loob ng jeep, tulad ng mga Estudyante Blues. Ang kaibahan nila, minsan nakakairita ang ingay nila dahil may kasama pang mga bungisngis at tili; kapag pinag-uusapan ang mga crush o mga syota at dyowa nila.Kapag sila ang nasa loob ng jeep, imaginin mo na kasakay mo ang sampung Kris Aquino sa jeep. Plus, Pokwang.

6.) Pamasahero- eto naman yung mga pasahero na walang ginawa kundi mag-abot ng pamasahe ng mga kapwa pasahero. Eto yung pwesto na malapit sa driver, at kapag nandito ka, wala kang gagawin kundi mag-abot ng mga pamasahe sa konduktor. Wawa ka naman. Yung iba para makaiwas dito, nagtutulog-tulugan he he he.

7.) Naligaw na Donya- sila yung mga nakaporma at nakabihis mayaman (kuntodo mga alahas sa katawan) na tila ba naligaw sa pagsakay sa jeep. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung bakit sila minsan nakakasakay ko sa jeep. Minsan naiisip ko na baka nasiraan sila ng sasakyan kaya napilitan silang pumara ng jeep. At higit sa lahat, sila ang maaarte pag nakasakay sa jeep. Ayaw nila nang naiipit o napipitpit sa loob nito. At makikilala mo sila,dahil kahit sukling beinte singko ay hinihingi pa nila .

8.) Pokpok- eto naman yung mga kalandian ng driver at konduktor na kadalasan ay nasa harapan ng jeep(minsan pa nga sa kandungan nung konduktor eh) o kaya ay nasa likod ng driver nakaupo. Maiingay din sila. At nakakapanginig ng laman ang mga bihis. Automatic na hinihintuan sila ng driver kapag kumaway na sila sa kalsada. Karamihan sa kanila ay mga bagets na babae. Libre ang pamasahe nila. Kung anong kapalit? Itanong nyo sa buwan.


9.) Senglot- madalas akong makaengkwentro ng ganito sa jeep. Sila yung mga lasing at bangag na nagkakamaling maisakay ng driver sa jeep. Maingay sila at magulo sa loob nito. Kuwento ng kuwento , wala namang kausap. At kung minamalas malas ka pa, masusukahan ka niya sa damit mo. At kung talagang malas ka, kapag napagtripan ka niya, ay bigla ka na lang niya sasapakin......nang walang dahilan.


10.) High Blood- sila naman yung mga masusungit at madaling magalit na mga pasahero ng jeep. Kapag kulang ang sinukli mo, mag-ingat ka dahil umaatikabong ripeke ng bunganga ang maririnig mo mula sa kanila. Kapag malakas ang sounds mo , pahihinaan nila. At kapag gumegewang ka o bumabangking, sisigaw sila ng malakas na "...Paraahhhh....."

11.) Magsyota- sila yung mga magsing-irog na maiinggit ka sa sobrang kaswitan. Talagang Public Display of Affection to the highest level. Feeling nila nasa kuwarto sila ng Sogo. Necking and petting nagagawa nila sa loob ng jeep. At minsan kahit French Kiss pwede he he he.

12.) Senior Citizen-sila naman yung mga damatan sa loob ng jeep. Mabagal silang kumilos. Talagang slow motion to the max. Bawal din sa kanila ang maiingay at mabibilis o patok na jeep.Kapag sasakay at bababa na sa jeep, inaabot sila ng sampung minuto bago makatapos. Tanong ko lang bakit pa sila pinababayaang magbiyahe ng mga kapamilya nila.....nang mag-isa.


13.) Kakilala o Kamag-anak- eto yung mga pasaherong libre sa pamasahe. Nakikiangkas hanggat maaari,para makalibre he he. Nakikipagkwentuhan sila sa driver kahit malayo ang distansya nila sa isa't isa; sigawan kung sigawan ang effect sa kwentuhan. At sa kwentuhan nila, maisusulat mo na ang Biography ng driver at ng nakiangkas na kakilala.


14.) Sampa Kids- hindi naman sila literal na pasahero ng jeep. Dahil hindi sila nagbabayad. Sila yung mga bulilit na bigla na lang pumapasok sa loob ng jeep at manghihingi ng limos. Minsan ay may dala silang sobre na nagsasabing tulong daw sa kanilang pag-aaral. At kapag nagulat ka na parang tila ba may nagnanakaw ng sapatos mo o tsinelas , sila yun, pinupunasan lang nila ang pantapak mo para sa kaunting barya. O bigay na.

15.) and lastly...eto yung mga pasahero na ayaw na ayaw mong makakasabay at hindi mo pinangarap na makasakay sa isang pampasaherong jeep. Sila ay ang mga.....................



Holdaper!!!!

Ano pang ginagawa mo?...takbo na............

Friday, July 30, 2010

No To Public Smoking


Hayy, salamat naman at sa wakas ay meron ng drive ang Department Of Health para mabawasan kung hindi man mawala ang public smoking dito sa Pilipinas.

Ito ay sa pamamagitan ng campaign na NOSI o No To Yosi by simply texting "NOSI" to 2256.

Ang mga publiko ay inaanyayahang mag text o magpadala ng SMS messages sa 2256 kung meron silang makita o mapagmasdan na mga pangyayari o kaganapan kung saan ang isang personalidad ay humihithit ng sigarilyo sa mga pampublikong lugar katulad ng mga malls, eskwelahan, simbahan , sa loob ng mga public vehicle tulad ng jeep at tricycle, o maging sa mga opisina na kung saan ay maaaring maapektuhan ang maraming tao na hindi nagsisigarilyo katulad ko.

Matagal na akong imbyerna sa mga nagyoyosing ito na humihithit ng kanilang mga sunog-baga sa harap ng ibang tao .
Mabuti kung diretso lahat sa baga nila ang nakamamatay na usok ng kanilang mga yosi.

Eh kaso, mas marami pa yata ang nahihithit ko na secondhand smoke kapag kaharap ko sila eh .

Kaya dapat talaga sa mga ito ay i-report para matigil na sila.

Oh, ano pang hinihintay n'yo, i-report na iyang mga abusadong public smokers na iyan huh.

Huwag lang si P-Noy. Kasi nagi-smoke naman siya in the privacy and comfort of his home, dabah. At least siya lang ang nakakahitit ng mga usok ng yosi niya he he he.

No To Public Smoking.

Report those who smoke in public. Text "NOSI" to 2256. This mobile service is open to Globe, Smart and Sun network subscribers.

The public can also report smoking ban violators by calling 661-3747 or logging on to www.nosi.com.ph.

Republic Act 9211 or the Tobacco Regulation Act prohibits “smoking in public places like hospitals and clinics, schools, elevators and stairwells, public facilities including airports and train stations, and food preparation areas."

Thursday, July 29, 2010

Paalam, Redford White

Isa na namang batikang Pilipino ang inagaw sa ating kalagitnaan ni Kamatayan sa katauhan ng komedyanteng si Redford White na Cipriano Cermeno II sa tunay na buhay sa edad na 54 dahil sa brain cancer.

Isa sa mga paborito ko si Redford simula pa nuong aking kabataan dahil tunay namang nakakaaliw at hindi matatawaran ang kanyang mga hirit at galing sa pagpapatawa.

Sila ni Babalu ang paborito ko nuon dahil talaga namang riot kapag sila'y nagsama sa isang pelikula ( Haba-Baba-Doo! Puti-Puti-Poo!)

Nauna nang kinuha ni Lord si Babalu.

At ngayon naman ay si Redford White.

Ang Sol ni Buddy ay wala na .

Si Hee-Man:Master Of None , tayo ay iniwan.

Ang halakhak ay pinalitan ng panangis,

Subalit alam kong saglit lamang ang hinagpis,

Dahil pihadong duon sa Libis,

Si Redford, ay finally at peace!

The song " Gone Too Soon" is lovingly dedicated to you Redford White.

Rest In Peace with the Lord , our funnyman!

Wednesday, July 28, 2010

Philippine National Symbols

Related sa topic ng ating blog kahapon, review tayo ng ating mga Pambansang Simbolo o Sagisag dahil yung iba ay pinalitan na. Kaya for the sake of those na medyo huli sa balita , tulad ko , the roll call starts here:

Pambansang Awit: Lupang Hinirang (Land of the Morning) na ang akala ng iba ay "Bayang Magiliw" ang pamagat ha ha ha. Buti naman at hindi binabago ang lyrics nito huh.

Pambansang Ibon: Philippine Eagle (Pithecophaga jefferyi) na dati ay Maya ito. Na-extinct na kasi sila sa katitirador ng mga bata.

Pambansang Hayop: Kalabaw (Bubalus bubalis) , ang alam ko naman dito dati ay Tamaraw ng Mindoro. Extinct na rin ba ito?

Pambansang Isda: Bangus (Chanos chanos), ay paborito ko iyan, lalo na yung galing Dagupan.


Pambansang Pagkain: Litson (roasted pig) , lalo na ito, sarap kapag masebo at makolesterol ang malutong na balat he he he.


Pambansang Tirahan: Bahay Kubo( Nipa Hut ) , type ko ring tumira dito , malamig kasi dito. Eh di ba may kasabihan nga na " mabuti pa ang kubo na ang nakatira ay tao,kesa sa bato na ang nakatira ay kuwago"

Pambansang Sayaw: Cariñosa na ang alam ko dati ay Tinikling. Mahirap daw kasing sayawin, nang-iipit ng mga paa.

Pambansang Kasuotan Para sa Mga Lalaki: Barong Tagalog na karaniwang isinusuot lang kapag ikakasal, kapag may Santakrusan at kapag ibuburol na .

Pambansang Kasuotan Para sa Mga Babae: Baro at Saya na si Ginang Imelda Romualdez Marcos ang naaalala ko kapag binabanggit ito.

Pambansang Laro: Arnis na dati'y Sipa. Kasi ang dami na daw ngayong naninipa kaya inalis na ito.


Pambansang Bayani: Dr. Jose Rizal, meron pa bang iba. Aba, may mga nagsa-suggest na ipalit si Cory Aquino. Look na lang ako sa sky.


Pambansang Bulaklak: Sampaguita (Jasminum sambac) na ang bango lalo na kapag araw ng graduation at iyong mga nakasabit sa mga poon.


Pambansang Puno: Narra (Pterocarpus indicus) na kapag tag-lagas ay ang daming dahong nakakalat.


Pambansang Prutas: Mangga (Mangifera indica) hmmmm ,my favorite, walang makakatalo. ito lang ang prutas na puwede mong kainin ng hilaw man o hinog he he he he.

Pambansang Dahon: Anahaw (Livistona rotundifolia) na puwede ring pambansang pamaypay ha ha ha.


Pambansang Sasakyan: Kalesa na di pa ako nakasakay dito.

Oh, well informed na ba kayo?

Tuesday, July 27, 2010

Arnis-Philippine National Sport

Iba na pala ang National Sport o pambansang laro ng Pilipinas ngayon.

Lumaki kasi ako na Sipa ang alam kong pambansang laro natin.

Subalit nagulat ako nang tanungin ako ng aking pamangkin na si Christian kung ano daw ang ating pambansang laro at nang sinagot ko na "Sipa" , ay isang tumataginting na "Mali" ang narinig ko mula sa kanya. Arnis na daw ngayon.

May I research ngayon ang lolah mo sa internet.

At tama nga ang very bright kong nephew. Whew!
Iyan ay dahil sa pinirmahang Republic Act. No. 9850 nitong 2009 ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagdedeklarang Arnis na ang ating pambansang laro.

At ayon sa Wikipedia , ang arnis pala ay isang pure Filipino martial arts na unang pinasimulan ni Remy Presas bilang isang self-defense system na hindi naman nakakapatay dahil sa paggamit lamang ng yantok na stick bilang armas.

Isasali na din daw ito sa bawat Palarong Pambansa bilang isang official na sports sa nasabing paligsahan.

Buti naman at na-update tayo ng ating pamangkin dahil kung hindi ay Sipa pa rin ang ating nalalamang national sports kung magkagayon.

Nakagisnan ko rin na ang ating pambansang ibon nuon ay ang Maya; ngayon Philippine Eagle na pala ito.

At ang pambansang sayaw nuon na Tinikling ; ngayon ay Carinosa na daw ito.

Hayyzzz, sige palit kayo ng palit. Pati mga pangalan ng kalsada , ang dadali ninyong palitan.

Kaya naman nuong isang araw ay nalito ako dahil ang alam kong Morayta Street sa Quiapo ay Nicanor Reyes Street na pala ngayon huh!

Ayyy, meron pala tayong Pambasang Bading!

Walang iba kundi si Diego Llorica ng Bubble Gang.

Ha ha ha ha ,yun na!

Monday, July 26, 2010

Ang SONA ni P-NOY


Ngayon ang kauna-unahang State Of The Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino kaya't tiyak na inabangan ito ng maraming mga Filipno na umaasa sa pagbabago.

Sa kanyang kauna-unahang SONA, marami tayong natuklasang katiwalian at pang-aabuso sa sambayanan. Nakakapag-ngitngit ito at nakakapagtiim- ng bagang,lalo na't alam mo na maraming mga Pilipino ang naghihirap, subalit grabe ang paglulustay sa kaban ng yaman ng bansa.

May kunsensya pa kaya ang mga taong gumawa nito na namuno sa ating bansa?

Sinasabi ko sa inyo, ngayon pa lang , sinusunog na ang kaluluwa ninyo sa impyerno!

At kahit si Satanas, mahihiya sa walang katulad na kasamaang ginagawa ninyo sa Pilipinas.

Bagamat matagal na natin itong alam, subalit ang masakit, tila wala tayong magawa.

Tila ba naging alipin at sunod-sunuran tayo sa bawat dikta ng maling pamamalakad ng ating gobyerno.

Subalit hindi pa huli ang lahat. May panahon pa para sa pagbabago.

At dapat na itong simulan ngayon na.

Marami na naman ang pangako at pag-asang ibinabandila.

Subalit, nakakadala lang minsan,hanggang puro pangako na lamang ang nangyayari sa taun-taong SONA ng mga pulitiko.

Ang katuparan ay mukhang malayong marating at matupad.

Sana ang bagong administrasyong ito ay hindi lamang puro pangako at panata.

Ang kailangan ng sambayanan ay mabilisang aksyon at pagkilos.

Ipatupad ang lahat ng kinakailangang reporma at pagbabago.

Magsimula sa Pangulo , pababa hanggang sa pinakamababang ranggo ng paglilingkod sa sambayanan.

Samantala ,inaasahan natin ang pakikipagtulungan ng sambayanan.

Hindi puwedeng puro lamang tayo reklamo at angal.

Subalit , wala naman tayong ginagawa para makatulong sa minimithing pagbabago.

Pinaka-gusto ko ang parteng ito ng kanyang SONA:

"Tungkulin po ng bawat Pilipino na tutukan ang mga pinunong tayo rin naman ang nagluklok sa puwesto. Humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok. Dahil ang nakikialam, walang-hanggan ang reklamo. Ang nakikilahok, nakikibahagi sa solusyon."

Tunay nga naman.

Ang mga magandang pananalitang ito ang kauna-unaang SONA ni P-Noy ay mawawalang halaga kung hindi maipapatupad sa lalong madaling panahon.

Para lang itong alikabok na inihip ng hangin at ipinadpad sa kung saan.

Walang pakinabang!

Walang silbi ang mabulaklak na pananalita kung hindi hahaluan ng gawa.

Walk your talk, ikanga.

Isa pa: " Napakatagal na pong namamayani ang pananaw na ang susi sa asenso ay ang intindihin ang sarili kaysa intindihin ang kapwa. Malinaw po sa akin: paano tayo aasenso habang nilalamangan ang kapwa?"

May tama ka diyan , P-Noy!

Subalit kailangan ay hindi tayo puro pangarap na lamang.

Dahil baka mamaya ay puro na lang tayo nangangarap nang hindi naman nagkakaruon ng katuparan.

Kilos , sambayanang Pilipino.

Makiisa sa Pangulo tungo sa pagbabago.

Magtulungan tayong lahat upang makamit natin ang ating pinapangarap na pag-asenso.

Nang makamit na natin ang pagsulong tungo sa bagong milenyo.

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Sunday, July 25, 2010

RIP , Joey Velasco


Pumanaw na ang isa sa paborito kong Filipino artist na si Joey Velasco nitong July 20, 2010 dahil sa atake sa puso sa murang edad na 43.

I was fascinated by his paintings which feature mostly streetchildren being in the company of our Lord Jesus Christ.

Karamihan sa mga obra na nagawa niya ay nagpi-feature sa mga batang palaboy at lansangan na karaniwang kasama ang ating Panginoong Hesus, na ang ibig ipahiwatig ay ang walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa mga bata, and vice versa, na mahal din ng mga bata ang ating Panginoong Hesus.

Karaniwan silang makikita na kasama si Hesus sa pagkain :

( Hapag Ng Pag-asa )



( Hapag Ng Pag-Ibig )



sa isang klinika :

( My Heart Beats For You)



sa isang basketball court :

( Inner Strength )

,

sa isang choir practice :

( Be The Voice )



at sa mga kalsada o tabing-daan :

( Cast All Your Cares Upon Me )

,

( He Is My King )



Maging sa loob ng bilangguan ay nanduon Siya at kasama mo at hindi ka iiwanan.

( Hilumin Mo )


Nakakaantig din ng puso ang kanyang mga paintings na tulad ng :

( That We May Live )



( That We May Be One )

,

( Pagkakasubsob )



( Kaalagad )

,

( Hele )

,

( Sugat )

,

( That I May See )



at marami pang iba na tunay na titimo sa iyong damdamin

I know that he is already in the bosom of Father Abraham.

Thank you for imparting on us the love for children, especially those who are impoverished and neglected. Thank you for inspiring us that we may love the children of the world, like Christ Jesus who loves them so much.

As what God had said, " I tell you the truth, unless you change and become like little children, you will never enter the kingdom of heaven " ( Matthew 18:3 NIV )

Truly, Joey Velasco had entered the Kingdom of Heaven.

Amen.

Saturday, July 24, 2010

Showtime Grand Finals

It's been a year at sa wakas ay tinanghal na rin ang first grand champion para sa programang Showtime ng channel 2.

Ginanap ito sa Ynares Center dito sa aming hometown ng Antipolo . Hmm, mukhang nagiging favorite venue ang coliseum naming ito dito sa Antipolo ng iba't ibang malalaking events and concerts huh. Bukod naman kasi sa malaki, malinis at maganda ang aming arena ay mura pa ito kung ikukumpara saibang mga centers diyan huh.

Naglaban-laban ang labing-isang finalists na pinangungunahan ng:

1.) KASIBULAN - na nakakaantig ng damdamin ang kanilang mother and daughter concept.



2.) PERLAS NG SILANGAN - na very captivating ang kanilang Spiderman theme.



3.) MORTAL COMBAT AND THE SHOWGAYS - sa kanilang makapigil-hininga at makabali-
butong "itsa " at " hagis " factor.



4.) BEATGUYS - na very unique naman ang kanilang basketball theme.



5.) SENSEI - sa kanilang frightening and pulse-pounding aswang concept straight from the
Capiz, har har har.



6.) SAVANNAH KIDS BALLROOM DANCERS - with their complicated and awe-inspiring
ballroom number. Sila ang pambato ng Antipolo hometown ko.



7.) PHILIPPINE ISLANDS ASSASSIN - with it's pure energy and intensity style of blending
dance movements and acrobatics.



8.) ENLIGHTEN BLACK THEATER GROUP - na dazzling and enthralling ang visuals ng
kanilang makabayang performance.




9.) E - CREW - sa kanilang assorted and mixed talent performance.



10.) BOYZ UNLIMITED - with their synchronized moves , jives and tactics.
This is a wild card entry.



11.) XB GENSAN - another wildcard entry , a pride of Mindanao, nagpakitang ng kanilang angas,
tikas at " paghihigante " sa pagsasayaw.



In the end ay idineklarang panalo ang XB Gensan group mula sa Mindanao bilang siyang first grand champion na humamig ng isang milyong pisong papremyo mula sa show.

To be honest, bagamat hindi ako pabor sa pagkakapanalo ng nasabing grupo bilang champion, dahil bet kong manalo ang crowd favorite na either Philippine Islands Assassin o Boys Unlimited, nevertheless, ay congratulations pa din sa lahat because they all deserve the accolades and praises for all the efforts that hey have put forward in presenting their talents and skills for millions of Filipinos around the world.

Kudos to everyone!

Friday, July 23, 2010

Tubiggggg....!!!!!!



Hay naku , may water crisis na daw sa buong Metro Manila dahil sa kawalan ng tubig!

Dapat nga daw ay magdeklara na ng State of Calamity si P-Noy dahil dito.

Dyusko, pila - balde sa maraming gripo at poso ang drama sa buong Kamaynilaan huh.

Andaming hindi na naliligo kahit papasok sa trabaho at sa eskwela.

Hmmp, nangangamoy imburnal na sila.

Andaming ginagalis at binubulutong dahil walang goli goli.

Ang iba nagkakadisinterya at iti at nagtatae dahil walang tubig na malinis na mainom.

At diyan natin nahihinuha ang kahalagahan ng tubig.

Na dati ay itinatapon tapon lang natin at pinababayaang mag-leak sa gripo kahit walang gumagamit.

Aba, parang kailan lang eh , umaapaw tayo sa dami ng tubig dahil kay Ondoy. Na mala - Noah's Days ang Marikina , Pasig , Cainta at marami pang lugar dahil sa baha.


Eh ngayon, naman natutuyo na daw ang mga dam , partikular ang Angat Dam , na hindi umaangat angat ang tubig.

Buti na lang dito sa amin sa Antipolo ay hindi apektado ng krisis sa tubig dahil madami kaming imbak na agua.

Andami kayang balon dito sa amin.

At ang tangke namin ng tubig ay puwedeng mag-stock ng tubig galing sa ulan. Kaya , whether La Nina man o El Nino, sawa kami sa tubig dito, literally speaking he he he.

O ano, lipat na kasi kayo dito sa Antipolo.

Marami nang tubig, ligtas pa sa baha at tsunami. Malamig pag tag-lamig. Mainit kapag tag-init .

Huwag lang lumindol he he he he.

"Tayo na sa Antipolo
At duo'y maligo tayo
Sa batis na kung tawagin
Ay Hinulugang Taktak"

Thursday, July 22, 2010

Charice Botox operation


Gumawa ng ingay sa internet ang ginawa umanong pagpapa-botox ng personal favorite ko at international singing sensation na si Charice Pempengco kay Doktora Vicky Belo.

Ang daming nag-react dahil pinapakialaman pa daw ang mukha ni Charice na hindi naman kailangan.

Mas bagay pa daw ang natural na looks ni Charice at huwag na itong pakialaman pa.

Mas marami ang nagkagusto sa kanya dahil sa bilugan niyang mukha na ngayon ay medyo pinababawasan niya.

Sa ganang akin naman ay personal na kagustuhan na ni Charice kung ano man ang gusto niyang ipabago o ipaayos sa kanyang katawan. Tutal pera naman niya ang ibabayad dito at hindi sa atin debah.

Kung feeling naman niya ay mukha siyang siopao sa laki ng mukha niya at gusto niyang gawing hopia ang mukha niya ay ano naman ang paki natin debah?

At saka ito ay ginawa naman niya para hindi naman siya magmukhang ewan sa bagong show na sasalihan niya , walang iba kundi ang Glee na number one show ngayon sa buong Amerika.

Ako nga eh, kung may pera lang ipapabago ko rin ang mukha ko. Gusto ko mas maganda at mas bilugan naman ang aking fez na pahaba dahil nagmumukha akong talong . Ganito sana ang gusto kong itsura he he he he. Dyusko, maiin-love ako nito sa sarili ko ha ha ha ha.

Makabago na ang siyensya ngayon noh. Ang mga maiksi ay napapahaba at ang mga mahaba ay napapaiksi. Ang mga pangit ay napapaganda. At ang mga magaganda na ay lalo pang napapaganda.



Being natural is good.

Pero kung puwede namang i-enhance ang anumang natural na iyan di ba, lalo na kung makakatulong pa ito sa iyong overall appearance and packaging at makakadagdag sa iyo to exude confidence in yourself, bakit hindi debah?

Eh paano pala iyong mga may cleft palate o lips na " natural " ang pagkaka-deform nila, hindi na ba puwedeng isaayos?

Eh ang natural ang pagkahaba ng baba like Babalu at Ai Ai Delas Alas, eh puwede mo namang patapyasan at ipatabas, masama ba iyon?

Hay naku , we live in an age of beauty and good looks kaya nga buhay na buhay ang mga beauty clinics and salons ngayon sa buong mundo na nagki-cater sa mga taong nais mapaganda ng agham at teknolohiya.

Di ba , Doktora Vicky Belo y Kho?

Kaya nga, ang masasabi ko lang , " Salamat Po Dok ! , utang ko sa iyo ang kagandahan ko"

Aprub!

Wednesday, July 21, 2010

passenger seats

Nakasakay ako sa isang bus, papuntang Makati. Maya maya may sumakay na isang matandang babae. Uugod ugod na siya at halatang mahina na sa kanyang paglalakad.

Kapagdaka, ay biglang tumayo ang isang lalaking nakaupo at inialay ang kanyang upuan sa matandang babae.

"Lola , dito na po kayo o" , at inalalayan pa ang matanda para makaupo ng maayos.

Masarap pa rin namang mamasdan ang ganitong mga eksena sa ating panahon ngayon.
Pero bihira na ito. Konti na nga lang ba ang mga gentleman sa panahon ngayon?

O sadyang pagod na din ang mga kalalakihan sa maghapong pagtatrabho kaya hindi na nila maialay ang kanilang upuan para sa mga babaeng nakatayo?

Minsan ganun nga siguro ang sitwayson.

Hindi lang naman kasi babae ang napapagod eh di ba?Kadalasan nga ay mas stressed pa ang lalaki keysa sa babae pagdating sa pagtatrabaho. Kaya pagdating ng uwian,konting ginhawa na para sa kanila ang makaupo sa masikip na bus habang unti unting gumagalaw at umaalagwa sa mahigpit na trapik ang sinasakyan.

Ang eksena minsan, nagtutulog tulugan ang lalaki at isinasandal ang ulo sa barandilya ng upuan para kunyari ay tulog. Nang sa ganun ay hindi mapilitang ipasa ang minimithing kutson sa babaeng nakatayo na kanina pa iinda-indayog sa saliw ng pagragasa ng bus sa mga kapwa sasakyang nag-uunahang makapik-ap ng pasahero.

Habang ang kaawa-awang babae ay tinatakpan din ang kanyang dibdib ng kanyang tangan na kuwaderno upang hindi masagi ng mga lalaki ang kanyang iniingatang bundok, ay naglalaway na sa pag-idlip ang lalaking nakaupo sa kanyang tabi, sa loob ng isang masikip at nanlilimahid na bus.

Minsan, nag-alok na din ako sa isang babae na siyang maupo sa aking "naagaw" na silya minsan sa aking pag-uwi galing sa nakakahapong pagtatrabaho. Naawa kasi ako sa kanya dahil bukod sa may bitbit na siyang isang pagkalaki-laking bag, ay may dala pang dalawang supot ng plastic bags na may lamang mga grocery. At isa pa ay hindi noya maabot ang tatangnan sa itaas dahil medyo may kaliitan siya.

Ang siste, hindi pa man ako nakakatayo ay nakipag-unahan na sa aking maupo ang babae na tila ba naglalaro kami ng Trip to Jerusalem. Pagkatapos maitabi ang kanyang bitbit na mga bags ay sumandal na ito sa kanyang likod at naidlip. Ni hindi man lang ako nilingon. Ni wala man lang thank you. Isip siguro niya ay " hoy mama, akin itong upuan na ito ano, pinareserve ko na ito kanina pa, naunahan mo lang ako, kaya wala akong utang na loob sa iyo ano huh"

Tangna. Sabi ko , mabuti pa hindi ko na ito inalok ng upuan eh. Naidlip na lang sana ako.

Kaya ngayon hindi na ako nag-aalok ng upuan ko sa mga babae. Mga ungrateful eh. Hindi man lang marunong magpasalamat. Kahit simpleng thank you pwede na sana. Namimili na lang ako ng pinauupo.

Kung yung mga matatanda na at tipong matutumba na sa konting "bangking" ng bus, ay puwede ko sigurong mapagbigyan. At yung mga buntis. At yung may kasama at bitbit na sandosenang anak. Huwag na yung may dalang mga grocery items. Dapat sa kanila mag-taxi he he he.

Ayaw ko ring pinauupo yung mga maiingay at sosing college girl. Minsan ang aarte nila. Aalukin mo na ng upuan, ayaw pa. Better na tumayo na lang daw sila. Kesa makatabi ang isang amoy rugby at hindi nag-aahit na mama sa upuan. "Yuck, so kadiri naman yan", sabi nila.

Naaaliw naman ako minsan. Sa jeep nakikipag-unahan pa ang mga lalaki sa pagsampa sa jeep para makaupo. Kesehodang sikuhin ang aleng katabi huwag lang masingitan sa upuan. Puwede naman kasing sumabit ang lalaki sa jeep eh. Ang babae puwede rin kaya? Matatawa siguro ako kapag nakakita ako ng babaeng nakasabit sa jeep. Kasabay ng paggewang ng jeep (lalo na yung mga biyaheng Montalban) ay humahampas din at sumasayaw ang buhok at palda ng babae.

Sabi ng isang barker ng jeep: " huwag lang pong mag-unahan sa pagsakay ng jeep, marami pong upuan. Paunahin ang mga lalaki, dahil mahihina iyang mga iyan. Huli ang mga babae at buntis dahil puwede iyang sumabit." Kapag nakipag-unahan ka pa nga naman , ewan kung gaano kakapal ang mukha mo.

Wala kayo sa eksenang nakita ko sa bus isang hapon: magkatabing nakaupo sa two seater ang isang lalaki at isang baklang puno ng tagihawat ang mukha. Idlip kuno ang drama ng bakla. At habang tumatakbo ang bus ay napapasandig ito sa balikat ng katabing lalaki dahil sa pagkaantok kuno. Naaasiwa na yata ang lalaki dahil hindi alam kung pipilipitin ang ulo ng bading para hindi na ito sumandig sa kanyang balikat. Maya maya umakyat ang isang matandang babae.

Sambit niya , "manang dito na po kayo maupo. Tabihan ninyo na po ang hayup na ito at baka masiko ko lang iyang mukhang rambutan na iyan eh"

Talbog........ha ha ha ha.......

Tuesday, July 20, 2010

Stage Fright or Glossophobia

Ano ba ito?

Ayon sa Wikipedia-"Stage fright or performance anxiety is the anxiety, fear, or persistent phobia which may be aroused in an individual by the requirement to perform in front of an audience, whether actually or potentially (for example, when performing before a camera). In the context of public speaking, this fear is termed glossophobia, one of the most common of phobias. Such anxiety may precede or accompany participation in any activity involving public self-presentation."

Meron ako nito. At hindi lang basta fright huh, kundi phobia.

Grabe ang kaba ko at takot kapag nasa akin na ang limelight or when I'm on the spot.

Kapag alam kong nakatutok na ang lahat ng mata at tenga ng maraming tao sa akin ay sobra na ang kabog ng aking dibdib.

Sabi nila, may pinanggalingan daw ito. Of course naman, lahat naman ng bagay may pinagmulan at hindi naman basta nagiging ganito na lang na nanginginig sa harap ng mga tao. Siyempre may pinanggalingan ito.

Ang natatandaan ko, back in my High School days, naalala ko na there's this one time na pinag-report ako sa unahan ng klase and then ay talagang pinagtawanan ako ng buong klase dahil sa mga kamalian ko sa report ko nuon. And ever since then ay nagkaruon na ako ng phobia o trauma sa pagtayo sa harapan ng maraming tao.

Isa rin siguro sa nagsilbing trigger factor sa akin para makaramdam ng kaba o hiya sa harap ng maraming tao, lalo na yung mga hindi ko kilala, ay ang naranasan kong humiliation and belittling sa akin nuong kabataan ko pa concerning my homosexuality!

Nandiyan yung mga salita na wala akong kwentang tao, nakakahiya ako sa harap ng ibang tao, yung iparamdam sa iyo na nakakahiya ka at nakapandidiri ang iyong pagkatao, na sabihin sa iyong walang tao na hahanga at pupuri sa akin kung bakla ako, na sabihin sa iyong kahiya hiya ang maging bakla, kaya heto nga, tunay na naging mahiyain ako sa pakikisama ko sa iba. Nawalan ako ng tiwala at respeto sa sarili ko bilang isang tao at bakla!Ang iukilkil sa iyong utak na you're inferior than other people dahil sa iyong kabaklaan. Hayun, Inferiority Complex nga ang lumabas!

Kapag dumarating na yung time na kailangan kong magpakilala o magsalita sa harap ng maraming tao, ay nandiyan na ang mga senyales ng phobiang ito:" fluttering or pounding heart, tremor in the hands and legs, diarrhea, facial nerve tics, dry mouth and excessive perspiration."

Grabe ito at ,minsan talagang nakakaapekto na sa iyong buong pagkatao at buhay.

Naalala ko nga minsan na inaya akong sumali ng aming youth choir sa special presentation ng isang kanta sa harap ng maraming worshipper sa aming simbahan ay todo ang panginginig at pagsikdo ng aking dibdib sa kaba considering na nasa likod na ako ng mga kagrupo ko at halos hindi na nga makita sa harapan.

Mind you ,hindi lang isang beses nangyari na hindi ko itinuloy ang pagpunta sa isang promising job o career, dahil sa kaba ko na humarap o mag-present sa harap ng maraming tao.

Naaalala ko na lumiban ako ng isang araw sa Scriptwriting Workshop Training na inisponsor ng GMA 7 para sa may mga talent magsulat dahil lang sa alam ko na may schedule sa araw na iyon na kung saan ay patatayuin kami isa isa at magrereport tungkol sa mga nagawa naming scripts bilang assignment. Bumagsak ako sa training na iyon dahil nga sa aking absent.

One time ay nag-enroll ako sa isang Call Center Training class. Hindi ako umattend sa first day of class dahil patatayuin kami sa harap for the introduction of ourselves plus do some talent show. Hayun, kinabukasan na ako umattend hoping na di na ako pagpe-performin sa harap, but pinagawa pa rin sa akin and I ended up doing the Otso Otso of Bayani Agbayani ha ha ha ha.

Minsan din na hindi ako tumuloy sa isang very promising job offer diyan sa isang Call Center sa Marikina dahil lang sa fear na patayuin ako in front of the whole class trainee and introduce ourselves in English in which I am not that fluent and confident ha ha ha ha.

Sa isang Call Center introductory speech, super ngatog at nginig ako habang iniintroduce ang aking sarili in front of the class.

At lately sa isang Call Center training pa rin, I have to sit down muna for a while because talagang nanginginig na ang buo kong katawan sa nerbyos na tila ba hihimatayin na ako anumang oras ha ha ha ha.

Grabe ano?

Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko kapag naiisip ko kung bakit ganito ako, pero wala din akong magawa.

I try to overcome this by performing in front of other people at magkaruon ng enough confidence sa sarili ko. And lately ay nagkakaruon na rin naman ako ng improvement by mixing and socializing with different kinds of people.

Mahirap din talaga kapag lumaki ka sa isang environment na masyadong na-repressed ang iyong pagkatao at pinalaki ka na maraming kinatatakutan at pinangangambahan.

Balang araw ay dadalhin mo talaga ito hanggang sa iyong paglaki at pagtanda.

Kaya sana sa ibang taong makakabasa ng blog na ito please refrain from saying words na masyadong makakapagpababa sa pagkatao ng inyong kapwa.

Instead, speak of encouragement at mga words na makakapag-uplift at makakapag-build ng kanyang confidence sa sarili ang inyong i-impart sa kanila.

Minsan mas gusto ko na lang na maging mas mayabang at overconfident ako sa sarili ko dahil at least sila may sobrang tiwala sa sarili, samantalang ako, kulang na kulang.

Salamat na lang dahil sa tulong ng aking mga "support group" ay unti unti kong na-oovercome ang disability kong ito na masasabi kong nagpa-inutil at nagpa-imbalido sa akin upang humarap ng matapang sa buhay.

Well, sabi nga ni Robin Padilla , " huwag kang aayaw..think positive..think positive....."

Tama naman debah??!!!!

Monday, July 19, 2010

Mano Po

Isa sa magandang kaugalian nating mga Pilipino ay ang pagmamano sa mga matatanda: ito yung pagkuha o pag - abot sa kanilang kamay at ito ay ididikit sa ating noo o kaya ay labi. Ito ay bilang tanda ng paggalang at respeto sa mga taong nakakatanda sa atin, tulad ng ating mga lolo at lola, tiyuhin at tiyahin, o mga nakatatandang kapatid at pinsan.

Subalit unti unti ay tila ba namamatay na ang ganitong kaugalian na ipinamana pa sa atin ng mga Intsik bilang kanilang pagpupugay sa mga matatanda. May respeto kasi ang mga singkit sa kanilang mga matatanda kaya naman ito ay mabilis ding na-adopt ng mga Pilipino na magagalang din naman sa mga nakakatanda sa kanila.

Subalit sa paglipas ng panahon ay tila ba napaglipasan na rin ito ng mga makabagong teknolohiya at modernong pamumuhay ng mga kabataan sa ngayon.

Dagdag pa na hindi na rin ito itinuturo at pinapahalagahan ng mga magulang ngayon sa kanilang mga anak dahil sa paniniwala na para lamang ito sa mga matatanda; na tila ba nakakabawas ng dignidad at ng karisma kapag ikaw ay minamanuhan o may nagbi-bless sa iyo na mga bata.

Ganito ang paniniwala nuon ng aking ama: palibhasa nagmumurang kamatis nuong panahong kami ay nagsisimula pa lang matuto sa buhay kaya hindi niya itinuro at iniaral sa amin ang kahalagahan ng pagmamano o pagbi-bless sa kanila bilang mga magulang, kundi sa amin lang mga lolo at lola. Kaya naman lumaki kami na hindi namin na-acquire ang ganitong tradisyon na ngayon lamang namin na-realize ang kagandahan.

Kaya naman nitong magsimula na rin kaming maging isang matanda (huh?), ay saka lang namin napagtanto na dapat pala habang bata pa kami ay naturuan na kami ng ganitong asal upang sa ngayon ay kami naman ang igagalang at irerespeto ng mga nakababata sa amin.

Nakakainis lang minsan kasi na dadaan daanan ka lang ng mga nakababata sa iyo na parang wala man lang silang napapansin o nakikita na nandiyan ka pa pala at buhay pa. Minsan kasi habang tumatanda ang tao ay lalo siyang naghahanap ng respeto at paggalang, hindi katulad nung bata pa na kahit bastusin mo ay okay lang.

Kaya ngayon, bagamat hindi pa naman huli ang lahat ay nagsisimula na nating i - uphold ang magandang kaugaliang ito sa pamamagitan din ng pagmamano sa mga mas matanda pa rin naman sa atin, tulad ng mga tiyuhin at tiyahin at mga matatandang kapatid o kapinsanan.

Subalit paano kaya ito sa panahon ngayon na nauuso ang mga bagong sakit na posible mong makuha sa pamamagitan lang ng simpleng paghalik sa kamay o palad ng taong maysakit nito, tulad ng Swine Flu ngayon, na dili ba't humatsing ka lang ay mahahawa ka na rin agad.

Kaya nga kahit sa Simbahang Katoliko ngayon ay ipinagbawal na ang pagbebeso beso o ang simpleng paghalik sa pisngi sa mga taong kasama mong nagsisimba kapag nagsa-sign of peace na tayo.

Hindi lang naman kailangan na ang Santo Papa lang at mga artista ang ating hinahalikan at minamanuhan kapag nakikita!

Sana naman ay hindi maapektuhan ng mga modernong sakit na iyan ang magandang kaugalian na pagmamano sa matanda bilang senyales na lang ng paggalang at respeto sa kanilang nalalapit na pagpanaw sa mundong ito!

Mano po!Impo,Ingkong, Lolo , Lola, Tito , Tita, Manong, Manang, Tatang, Nanang, Diko , Ditse, Ate, Kuya atbp.....