TRAVELBOOK NOW!

Monday, December 27, 2010

I will truly miss you Muning....

Dalawang araw bago mag Pasko , ay pumanaw ang aking munting kaibigan.

Si Muning.

Ang aking alagang pusa na itinuring ko hindi lamang bilang isang kaibigan kundi bilang anak ko na din.

Tulad nang naikuwento ko na dito sa aking blog, isa siyang pusakal , pusang kalye.

Amin siyang inampon dahil sa pangangailangang sugpuin ang paglipana ng mga bubuwit sa aming kasa.

At simula nga nuon ay naging parte na siya ng aming buhay.

Simula nga nang amin siyang ariin bilang sariling kapamilya ay naglaho na ang mga nagpapatinterong mga daga sa aming haybol. Tila ba pinalis ng superpower ng pusang ito na mala-Thundercats ang arrive.

We have come to like and love this cat.

Eversince the day one.

Nadisukbre namin na meron siyang manners pagdating sa pagsi-CR.

Di siya basta basta kung saan saan umiipot.

Dun lang siya sa loob ng banyo nag-iiwan ng kaniyang dumi at wiwi na buong tiyaga namang winawalis lalo na ni Mother dear.

Marunong . Di na kailangang i-potty training ang hitad.

At dahil nga nawala na ang mga pesteng bubuwit sa amin , mga maliliit na kulisap na lang ang hinuhuli niya kahit na ang mababait at maaamong mga butiki.

Kapag oras na ng kainan ay nandiyan na siya sa aming tabi at ngiyaw ng ngiyaw.Parang gustong sumalo sa aming plato at makisali sa rambol namin ng mga pagkain. Naniniwala kasi siya sa motto ng Lucky Me na " The family that eats together , stays together "

Lagi siyang present pagdating sa kainan.

Sinusubuan ko pa iyan ng aking nilalantakan na ulam na tuwang tuwa naman niyang isinusubo at nginunguya sa kaniyang maliit na lalamunan.

Pero nitong huling mga dalawang araw ay bigla siyang naging matamlay.

Nawalan nang ganang kumain.

Lagi na lang nakatalungko sa upuan sa isang tabi.

At kahit tawagin mo at suhulan ng paborito niyang pagkain na isda ; ay hindi siya nabibili.

Nang gabing iyon bago ako pumasok sa trabaho , ay napansin ko na talagang nanghihina na siya.

At tila ba dumadaing sa sakit at kirot na dinadamdam niya mula sa loob ng kaniyang katawan.

Nang sipatin ko ang kaniyang katawan ay wala naman akong nakitang sinyales ng anumang uri ng sakit na maaaring ikina-iirita niya.

Dinama ko ang kaniyang leeg kung nilalagnat.

Baka ikako nilalagnat din ang pusa?

Pero wala akong nakitang palatandaan sa kaniyang balat na siya ay nagdurusa na pala nung gabing iyon.

Maliban sa pagiging matamlay at mistulang mga palahaw niya ng pag-iyak.

Tinitigan ko siya sa mata bago tuluyang nagpaalam umalis patungong trabaho.

Nangako na bukas pagdating ko ay dadalhin ko siya sa beterinaryo upang ipa-konsulta.

In the meantime , nang usisain ko ang world wide web tungkol sa maaaring maging sakit ng pusa, nasumpungan ko na maaari pala silang mag-suffer sa isang uri ng bacterial infection sa kanilang tiyan. May recommended na gamot para dito mula sa nasabing website.

Binili ko iyon mula sa isang pet shop. At dala dala ko kinabukasan na ipapainom ko sana kay Muning.

Pero , wala na siya .

Pagdating ko ay inilibing na daw siya ni Papa.

Namatay siya ng umaga nang araw na iyon , 2 araw bago mag-Pasko.

At naramdaman ko na dumalisdis ang luha sa aking pisngi.

Wala nang sasalubong sa akin pagkagaling ko sa trabahao . Ngumingiyaw at kinikiskis ang kaniyang katawan sa aking paa.

Wala nang makikipag-patintero sa aking paglalakad na minsan ay natatapakan ko pa .

Wala nang sasabay sa aming orasyon tuwing kami ay kakain.

Hindi na rin siya makikisabay sa aming pagligo para siya ay maglabas ng sama ng loob.

Mami-miss ko ang mga hilot at masahe niya kapag ako'y pagod at nakahilata sa kama.

Ang pakikipaglaro at pakikipagharutan kapag siya'y natutuwa sa itinapon mong tinik.

Kapag , nakahiga na ako ay bigla siyang sumasampa sa aking tiyan upang duon humimlay.

Akala kasi niya ay nakatagpo siya ng isang malambot na kutson upang higaan.

Wala na lahat iyon.

Dahil si Muning ay nanduon na sa Cat Heaven.

Nang siya ay mapunta sa amin , maraming magagandang bagay ang nangyari sa aming buhay.

Ako ay nagkatrabaho.

Ipinanaganak ang aking panganay na libro.

Si Papa ay na-appoint bilang chairman ng buong baranggay namin.

Nanalo si Mama sa lotto ng halos sampung libo.

At higit sa lahat ay -na-realize namin na ang pagmamahal ay hindi lang pala kayang ibigay ng isang taong matalino daw kuno ; kundi maging ng isang hayop kahit na hindi husto ang pag-iisip at katalinuhan.

Naiinis din ako kay Muning!

Dahil hindi siya naging malakas.

Hindi niya ako nagawang hintayin sa aking dalang gamot para sa kaniya.

Akala ko kasi that cats have nine lives.

Si Medyas nga ay nabuhay pa kahit na halos hindi na makagulapay sa kaniyang pinagdaanang karamdaman.

Pero itong si Muning , minsan lang nagkasakit , ininda agad.

Siguro ipinahiram lang siya sa amin ni Lord upang kami ay turuan.

I will truly miss you Muning!

This is one pet na hindi mahirap mahalin dahil una siyang nag-alay ng kaniyang pagmamahal.

And for that , he truly deserves our honor and respect.

Promise , ito ang unang hayop na iniyakan ko sa buong buhay ko!

At habang isinusulat ko ang entry na ito ay bumabagtas ang luha sa aking mga mata .

Sabi nila , all dogs go to heaven.

But I am very sure that this one cat will certainly be with Him!


No comments:

Post a Comment