TRAVELBOOK NOW!

Wednesday, October 20, 2010

Eat Bulaga game portion



Mga game shows.

Naglipana na yan dito sa Pilipinas. Sa telebisyon. Sa radyo. Sa dyaryo. Sa barangay. At maging sa mga eskwelahan ay may mga game shows.

Natatandaan ko dati na ang "game show" lang sa mga eskwelahan ay yung Spelling Bee.

At sa TV ay sikat nuon yung Spin A Win ni Chiqui Hollman . At sino ang makakalimot sa Kwarta O Kahon ni Pepe Pimentel?

Nuong dekada nubenta ay sumikat din ang Battle of the Brains ni David Celdran.

Pero ngayong ikadalawampung dekada, kabi-kabila na sila.

Original pa rin siyempre ang Game Ka Na Ba? na pinasimulan ni Kris Aquino.

Pero karamihan ay imported na from abroad: Kapamilya Deal Or No Deal? , Kakasa Ka Ba Sa Grade 5?, Family Feud , Wheel Of Fortune , Who Wants To Be A Millionaire?, The Weakest Link, at 1 versus 100.

Hinihintay ko pang mai-franchise din dito sa Pilipinas ang version ng mga immortal game shows sa America na tulad ng Jeopardy ni Alex Trebek at The Price Is Right ni Bob Barker.

Masaya ang manood ng mga ito sa TV. Para kasing napakatalino mo kapag nasasagot mo ang mga tanong ng game masters; lalo na kapag may kalaban kang sumasagot din ng tanong at naglalaban kayo kung sino ang may tamang sagot. Ang mali ang sagot pipitikin sa ilong o sa tenga.

Kapag nasa bahay ka lang at hindi ka involve sa tanungan ay parang napakadali lamang sumagot. Pero iba pala kapag ikaw na mismo ang tinatanong ng game master. Nakakakaba!

Naranasan ko ito nang makailang beses na sa TV!

Unang pagsabak ko ay sa palabas na Eat Bulaga sa channel 7 . Unang exposure ko ito sa TV pramis. Kaya imaginin mo na lang ang kaba ko habang papunta pa lang ako sa studio nila dyan sa may Broadway Centrum sa Quezon City. Parang nakikipag-unahan ang puso ko sa rumaragasang tren ng LRT na may biyaheng Santolan- Recto na sinasakyan ko.

Alas onse ng umaga ang call time.

Pagdating ko ay nadatnan kong madami na ang nakapila para pumasok sa studio. Nang sabihin kong contestant ako para sa isang game portion ay agad na akong pinatuloy sa dressing room.

Marami akong kasabay na contestant. Kung hindi ako nagkakamali ay walo kami lahat lahat. Binigyan na kami ng tag-iisang make-up artist. "Pagagandahin" daw ng konti ang aming mga fez para naman daw presentable kami sa mga viewers oras na lumabas na kami sa TV. Okay lang sabi ko. Tutal foundation lang naman ang nilagay sa mukha ko at kaunting gel sa buhok.

Dumating na ang oras. Alas dose ng tanghali. Oras ng Eat Bulaga.

Pinakilala na sa TV monitor ang Eat Bulaga bilang kasunod na programa. Ilang minuto na lang at magsisimula na kami.

Ni-rehearse na kami kung ano ang aming gagawin oras na tinawag ang aming mga pangalan. Tatakbo kami nang pumapalakpak mula sa backstage, papunta sa ini-assign na slot sa amin sa harap ng stage. This time hindi na tren ng LRT ang hinahabol ng dibdib ko, kundi bullet train na ng Japan.

Nagsimula na ang show: " Mula Aparri hanggang Jolo, saan ka man ay halina kayo, isanlibo't isang tuwa, buong bansa ...Eat Bulaga..."

Lumabas na sina Michael V., Joey De Leon, Janno Gibbs, Anjo Yllana at Ruby Rodriguez ( di ko na matandaan kung sino pa yung iba sa lakas ng kaba ko)

At isa isa nang tinawag ang mga contestant mula sa backstage: Narinig ko..." and now contestant mumber 7, Edgar Portalan , a rice retailer from Antipolo City..."

Labas akong tumatakbo habang pumapalakpak ang kamay sa itaas. Nasilaw yata ako sa mga limelights kaya hindi agad ako nakapunta sa slot na dapat kong puntahan, whew, palpak. Dyahi, kakahiya. O dahil din sa matinding kaba kaya ganun!

Matapos maipakilala ang lahat, nagsimula na rin ang game proper. Bubunot ng number at pag tinawag ay pupunta ka sa gitna ng buzzer box at unahan kayo sa pagsagot ng tanong.

Sabi ni Joey " okay contestant number 7,( ibang pangalan ang tinawag, hindi sa akin)... from ( ibang lugar din ang tinawag hindi ang lugar ko)" sandaling nagkaruon ako ng kalituhan.

Tama ako ang contestant number 7, pero bakit iba yata ang pangalan na tinawag, ako ba ang maglalaro o iyung tinawag na pangalan?

Bago pa man ako makahuma ay nakita ko na lang ang sarili ko na tumatakbo sa gitna dahil tinatawag na nila ang number ko..." number 7 number 7 hoy lumapit ka na sa buzzer box..."

Pero ang isip ko ay nagtatalo pa rin kung ako nga ba ang dapat maglaro o iyung pangalang binanggit ni Joey. Huli na nung mapagtanto ko na nagtatanong na pala si Joey de Leon ng kanyang tanong: " ..magbigay ng 4 na klase ng ulam na karaniwang maraming sahog na gulay.."

Bago pa man ako makapindot sa buzzer ay naunahan na ako ng kalaban kong babae.

" ahmmmm, gulay... ahhhh....chopsuey......ahmmm.....ahhh....sinigang.....ahhhhh...kare-kare.....at ahhhh ....ahhhhh."

Timer is running out: 5....4....3....2....

" ....ahhh pakbet....pakbet po!....."

Tnnnkkk. Buzzer.

"O ano nakahabol ba yung pakbet...ha ?......nakahabol sa buzzer...pasok daw... o pasok.....tama yun .....mga ulam na maraming gulay........chopsuey, sinigang, kare-kare at......pakbet.....tama...pasok ka na......." si Joey.

" Thank you Edgar....." narinig kong sabi ni Joey.

Engkkkk. Tapos ang game show. Itsa pwera na agad ako , round 1 pa lang. Pero kapag nasa bahay lang ako ay nakakaabot ako hanggang final round. Dito umpisa pa lang bokya na agad.

Waaahhhh

Umuwi na akong luhaan. Pero not exactly luhaan naman. Dahil kahit papaano ay may naiuwi akong consolation prize. Binigyan din ako ng pera. Kulang kulang isanglibo din yun( dahil may tax daw) he he he. At least ikako nakita ako sa TV. Pag-uwi ko ,instant celebrity ako wehehehehe.

Hindi pa duon nagtatapos ang lahat.

Sa pangalawang pagkakataon, ay muli akong sumali sa isang game show.

1 versus 100 ni Edu Manzano.

Next time ang kuwento.


No comments:

Post a Comment