TRAVELBOOK NOW!

Friday, October 22, 2010

1 Versus 100

Tuloy ang kuwento ng mga game shows.

Tulad din ng sa Eat Bulaga , makakasali ka sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono dito sa 1 Versus 100 na franchise din sa Amerika. Kapag masuwerte ka daw na napili ng computer sa kanilang random selection, pasok ka sa kanilang show.

Ilang beses ako tumawag para siguradong mapipili ako ng " computer" na yan. At hindi libre yan ha, ang alam ko may bayad iyan kada tatawag na "aspirant" sa telepono nila huh.

Ngunit anak ng bakang dalaga, lumipas na ang ilang buwan ay hindi pa rin ako tinatawagan. Baka ikako hindi ako "naseselect" ng lintik na computer na yan.

To make a long story short, after almost four months to be exact, ay tinawagan din ako ng Endemol para sabihang may audition daw para sa 1 versus 100. Tuwang tuwang ibinalita iyon sa akin ng aking hipag, isang gabing galing ako sa paglalakwatsa he he.

Dumating ang araw ng audition. Sinabihan kami na maglalaro na daw kami next week at iyon daw ay taping day para sa nasabing game show. Nalaman ko din na ang makakalaban namin bilang "one" ay si Chin Chin Gutierrez.

Samakatwid, dumating ang araw na inaabangan nang lahat ng kasali sa show. Maaga kaming pinapunta sa set ng ABS CBN compound diyan sa Mother Ignacia. Minsan daw ay halos nagtatagal ng lima hanggang pitong oras ang taping dahil sa dami ng ginagawa.

Rehearsal ng lahat ng gagawin. Binigyan kami ng number kung saan kami uupo bilang isa sa mga 100. Ang dami namin. Isangdaan laban sa isa.

Nagsimula na ang taping. Ipinakilala si Edu Manzano. Nagkaruon ng konting mga palabok. May nag-showdown pang dalawang bakla, bago nagsimula ang game proper.

Pinapasok na ang "one". Si Chin Chin Gutierrez.

Nagsimula ang tanungan. 1st question madali lang. Easy ikanga .Pang grade one. 2nd. 3rd. 4th question, madadali ang mga tanong. Walang natatanggal sa mga " Mob".

Maisingit ko lang, kasali nga pala nuon bilang "mob" ang mga miyembro ng Mocha, at ang mga writers na sina Eugene Asis, Nene Riego at si Ricky Lo.

5th question. Eto na. Umaalingawngaw ang boses ni Edu sa buong studio.

" Ano ang tawag mo sa anak ng isang buwaya?"

"A. Crockid"

"B. Crockling"

"C. Crocklet"

Whew, mukhang mahirap yun ah. Lahat kaming mga contestant ay nagtitinginan sa isa't isa na tila ba nagtatanungan kung ano ang tamang sagot.

Puta, mukhang hindi ko pa na-eencounter ang salitang yan ah. Malay ko ba namang kailangan ko pa palang iresearch kung ano ang tawag sa anak ng buwaya? Hindi kaya yan ang Her Excellency__________he he he he.

Pero hindi puwede wala siya sa choices eh. Anak ng buwaya talaga.

Teka , isa-isahin natin.

Crockid. Pwede. Kasi parang kid, anak ng kambing at ng tao di ba?

Crockling. Pwede rin. Kasi may fingerling at duckling at nestling di ba?

Crocklet. Hmmmm. Pwede rin. Kasi merong piglet at eaglet at owlet eh.

Timer is running out. Enghhkkkk. 1 minute lang kaya.

Pinindot ko ang B for bahala na ; Crockling.

At muling umalingawngaw ang boses ni Edu sa buong studio; lahat ay kinakabahan, suspense, daig pa ang panonood mo ng Texas Chainsaw Massacre o kaya ng Night Of The Living Dead.

Halos walang humihinga sa lahat ng mga Mobs.

" and the correct answer is..... letter........C....crocklet...."

Hiyawan. Dumagundong ang musika. Nagsayaw na parang baliw si Chin Chin.

Habang ang The Mob, natigalgal.......sa asar....

Ilan ang nabawas sa The Mob. Mahigit sa kalahati ng Mob ay na-eliminate sa isang round na iyon ng mga set of questions. Kasama ang Mocha, at ang tatlong writers. Imagine si Ricky Lo, di rin alam ang anak ng buwaya?

Ang alam ko, simula nun, marami sa aming mga Mob ang sumumpa sa mga buwaya. Sabi nung isa, hindi na daw siya magsusuot ng mga gamit na gawa sa buwaya bwaha ha ha ha (tawa ni Joaquin " Buwaya" Fajardo.)

Eh mabuti kung pinauwi na kami agad. Ang kaso dusa ang inabot namin sa loob halos ng ilang oras pa.

Dahil kahit itsa pwera ka na sa Mob, ay hindi ka pa rin pwedeng umalis dahil may mga natira pang ilang Mobs na nakipagtagisan kay Chin Chin.

Kaya't pinagtiyagaan namin ang ilang "kaeklayan" at " kapraningan" ni Chin Chin.

Dusa, gutom at pagod ang naramdaman ko nung mga oras na yun. Parang gusto ko nang mag-walkout.

Nang matapos din sa wakas ang taping, ay pinapunta kami sa likod ng stage at binigyan ng tag-iisang waffle at juice. Yun lang. Tapos ang maliligayang araw.

Tama ang sabi ni Edu.

We go home with nothing, wahhhhhh!!!!!

Pero hanggang ngayon, umaasa pa rin ako.

Kaya naman nakailang try pa ako ng mga auditions sa iba pang mga game shows.

More stories next time.

No comments:

Post a Comment