TRAVELBOOK NOW!

Friday, September 10, 2010

Pinakamadaling Trabaho

Marami na rin akong pinasukang trabaho simula pa nuong bata pa ako.
Sari sari at kung anu-anong trabaho at pagawaan ang pinasukan ko na.
Pero wala na yatang tatalo sa isang pabrikang pinasukan ko na kung saan ay tumagal lamang ako ng humigit kumulang sa 7 oras .... ganito yun....

8:00 am

Masaya at preskong presko akong nagreport sa unang araw ng trabaho ko para sa
isang pabrika ng microwave oven dyan sa Pasig. Mula sa ilang araw na paghahanap ng
mapapasukang trabaho, sa wakas ay nakapasok na rin ako.Nagreport ako sa aking
supervisor at matapos iyon ay sinabi niyang pumunta ako sa isang room at duon ako
magsisimula. Pagdating ko sa nasabing room ay nadatnan ko ang isang tao at ako'y
sinabihan na magsimula sa pamamagitan ng pagpupunas sa mga parts ng oven na
nanduon. Hawak ang isang basahan, pasipol sipol pa akong nagtatrabaho habang
sinasabi sa aking sarili na "madali lang pala ang work dito."

10:00 am

Bigla akong ipinatawag ng aking supervisor na tumulong daw ako sa paghahakot ng
mga microwave oven na lulan ng dalawang truck na kadarating lang galing sa isang delivery.
Sabi ko , okay lang! Magmula sa nakaparadang mga truck na nasa labas ng pabrika
hanggang sa loob ng bodega na may layong halos 300 metro, ay isa isa naming
hahakutin ang nasabing mga oven papasok. May pinasama at pinatulong sa aking
isa ring lalaki na katulad ko ay unang araw din sa nasabing pagawaan. Sa loob loob ko
ay ayos lang naman ito; sabi ko magaan lang naman ang nasabing mga oven at panga-
lawa ay may makakatulong naman ako.

11:00 am

Tila ba nakakailang hakot na kami ng nasabing mga oven ay hindi pa rin maubos -ubos
ang laman ng truck na yun ah. Eh dalawang truck pa ang uubusin namin! Idagdag pa
ang kasama ko. Wala na sanang problema. Masipag siya at makuwento. Pero
namputsa, ang baho ng bunganga ng putah! Literal na mabaho , pweh! Meron siyang
bad breath. At hindi lang simpleng halitosis yun ha. Suspetsa ko nga ay nabubulok na
ang mga laman-loob ng taong yun huh! Pero wala akong magawa .
Madaldal pa ang putah. Andaming kuwento. Gusto pa lalapit sa mukha ko. Dyuskupo,
halos hindi ako humihinga pag kaharap siya. Kung hindi lang ako nangingimi dahil
baguhan pa lang ako ay gusto ko siyang murahin at suntukin para mahimatay na siya.

12:00 pm
Lunch breaktime. lumabas ako at kumain. akolang mag-isa. Di ko na sinama yung bad
breath na yun. Baka mawalan lang ako ng ganang kumain. O kaya ay masuka ako.
Ang inorder ko ay isang kanin at isang order ng munggo.

1:00 pm

Balik sa trabaho. Parang ayaw ko nang bumalik. Hindi dahil sa mabigat na ang trabaho.
Kundi dahil sa kasama kong iyon na super baho ang hininga! Pero wala akong magawa.
Ang ungas pa rin ang kasama ko for the next one hour. Sige pa rin ang hakot namin ng
walanghiyang mga oven na yun! Mula dun sa truck sa labas. Hanggang sa loob ng
bodega. Nakakapagod. Nakakahingal. By this time ay tumatagaktak na ang pawis ko.
Mainit pa sa loob ng bodega. Payat pa ako nuon. Manipis at walang masel ang katawan
ko. Kaya para sa akin ay mabigat na ang kulang kulang 5 kilong oven na yun huh.

2:00 pm

Biglang tinawag ng kung sino ang lalaking kasama ko na mabaho ang hininga! May
ipapagawa daw sa kanyang ibang gawain. Bahala na daw akong maghakot mag-isa.
Kaya ko na daw yun. Magaan lang naman daw ang nasabing mga oven. Namputsa,
magaan sa kanila , dahil malalaking bulas sila. Pero para sa akin na isang patpatin,
parang buhat buhat ko na ang buong mundo! Napakalayo pa ng nilalakad ko. Hindi ko
alam kung matutuwa ako o maiinis sa bagong kaganapang ito. Matutuwa ba ako dahil
wala na akong maaamoy na mabahong hangin at makakahinga na ako ng maluwag?
O mababanas dahil wala naman akong katulong sa pagbubuhat ng mga di maubos
ubos na letseng mga microwave oven na ito? Hindi ko alam ang gagawin ko!

2:30 pm

By this time ay tila mauupos na ang aking hininga. Tila mapuputol na ang aking braso
sa walang tigil na pagbubuhat ng mga karagamentong iyon. Pawis na pawis na ako at
nauuhaw pa sa walang puknat na pagtatrabahong iyon. Tila gusto nang humulagpos ng
aking malay mula sa aking katawan. Tila mawawalan yata ako ng ulirat kapag ipinagpa-
patuloy ko pa ang gawaing ito huh! Namamanhid na ang aking kamay at pinupulikat
ang aking mga tuhod sa pabalik balik na paglalakad paruon at parito mula sa labas
papaloob ng pagawaan. Tila gusto ko nang mag-collapse nung mga oras na iyon!

3:00 pm

Dingggggg! Sa wakas tumunog ang bell ng breaktime! 3:00 break na. Haayyyy,dyusko,
salamat po at hindi pa tuluyang nalagot ang hininga ko bago man lang matapos ang
araw na ito. Saved by the bell ! Dali dali akong lumabas ng gate. Nangangatog pa ang
tuhod ko at tila ba naninigas ang mga kalamnan sa aking mga binti! Nauuhaw, dagli
akong tumungo sa isang nagtitinda ng palamig na buko at bumili ng isang basong juice
nito. Dagli ko itong tinungga na para ba akong galing sa isang paglalakbay sa disyerto.
Habang tinutungga ko ito ay nakatingin ako sa nasabing pabrika at ipinasya ko na di na
lamang ako babalik sa nasabing pabrika na tila ba ako'y kinakawayan pa pabalik.

3:15 pm

Tapos na ang break. Babalik pa ba ako o hindi na? Pinakiramdaman ko ang aking braso.
Masakit pa rin at tila namamnhid ang aking kasukasuan. Namputsa, wag na, ayoko na.
Di na ako babalik. Uuwi na lang ako. Sasabihin ko na lang sa magulang ko na mahirap
ang trabaho. Hindi ko kaya. Maghahanap na lang ulit ako ng ibang trabaho. Ahhhh,
panibagong pagfi-fillup na naman ito ng bio-data. Panibagong pagpila sa mga job
placement agency. Panibagong requirements at mga ID pictures. Panibagong
pagbubuklat ng Manila Bulletin tuwing Linggo.

Ah, basta ayoko nang bumalik dun. At nagsimula akong ihakbang ang aking paa papalayo sa nasabing pabrika.
At duon natapos ang 7 oras ko ng pagtatrabaho sa isang kumpanya. Ang pinakamadali kong naging trabaho!

No comments:

Post a Comment