TRAVELBOOK NOW!

Sunday, September 26, 2010

Ondoy/Ketsana revisited


It was on this day and month of last year that the most destructive typhoon to enter the Philippines in terms of flooding have strucked and hit the country , particularly Metro Manila and nearby provinces.

Grabe at kalunos lunos ang kalagayan dito sa aming hometown na Marikina after the typhoon Ondoy . Naaalala ko na binisita namin ito kinabukasan ng Linggo ( Sabado iyon nangyari ) at talagang mahahabag at mababagbag ang damdamin mo sa mga tanawing tatambad sa iyo.

Naghalo ang putik, tubig at langis sa bawat kalsadang madadaanan mo. Dito sa may bandang Bayan malapit sa Robinsons Mall ay may nakita pa kaming bangkay ng babae na nakalubog sa ilalim ng trak at halos lumolobo na sa dami ng tubig sa katawan; wala man lang nag-aasikaso.


Ang Mc Donalds, 7 eleven, Mini Stop, Mercury Drug, Greenwich, Chow King at maging ang Jollibee, nagkalat ang mga paninda at pagkain sa labas, lahat puro basa.

Nakatambak sa harap ng Burger King sa Marcos Highway ang libu-libong piraso ng buns, lahat hindi na mapapakinabangan.

Napasok din ang basement ng Robinsons at Santa Lucia Malls sa Marcos Hiway. Gayundin ang Riverbanks Mall na hanggang bubong ang tubig nuong Sabadong iyon.

Mistulang taong putik ang mga bawat nakakasalubong mo. Mahihiya ka kung malinis linis ka at di marumi.

Nahihiya nga kami dahil ang putik namin ay hanggang hita lamang, ang mga nakakasalubong namin mula ulo hanggang paa ay kinulapulan na ng putik sa buong katawan, literally.

Ang eksena dito sa Masinag, pababa ng Marcos Highway, maikukumpara ko sa Exodus ng mga Israelita na tila ba tumatawid sa Dagat na Pula nuong panahon ni Moises, eksena sa The Ten Commandments ni Cecile B. DeMille.

Ang kaibahan lang, ang nilalakaran nuon ng mga Israelita ay tuyong ilog; dito hanggang balikat na tubig ang tinatawid ng mga tao.

Naawa ako sa hipag ko dahil ang buong bahay nila sa Dela Costa Homes sa Montalban ay nilamon ng tubig baha. Mabilis daw umakyat ang tubig, ilang minuto lamang nasa diddib na niya ang tubig na parang ibinuhos sa kanila nang biglaan.

Mabuti na lamang at nabitbit niya ang dalawa pa niyang maliliit na mga anak papalabas ng bahay. Hindi nakaligtas ang ilan nilang kapitbahay; sa kanilang lugar 27 tao daw ang namatay, at maaaring mas mataas pa dito.

Pagbalik nila nung Lunes sa kanilang bahay , wala nang mapapakinabangan sa kanilang gamit, at maging pinto nila ay hindi na maisara dahil napuno na ng putik. Wala silang nadala kundi ang mga damit na suot nila sa kanilang katawan nung sila'y lumikas.

Kalunos lunos ang mga eksenang ito at kinagabihan ay nagpasalamat ako sa Diyos dahil hindi nasama at hindi naranasan ng aking pamilya ang ganitong trahedya.

Subalit kapagdaka ay nahiya ako sa aking sarili. Sapagkat naisip ko: paano kong maaatim na makapagpasalamat gayung alam ko na libu libo ang mga kapwa ko na hindi ito magagawa dahil sa bigat nang kanilang dinadala. Manapa marahil ay sinisisi pa nila ang Diyos dahil sa trahedyang ito.

Ngunit sino tayo para sisihin ang Diyos. Walang ibang dapat sisihin kundi tayo din dahil sa ating pagsalaula sa ating kapaligiran. At hanggat hindi natin itinatapon ng maayos ang ating mga basura, hanggat hindi natin tinatantanan ang mga puno sa pagtumba, at hanggat patuloy tayo sa pagpapatag ng ating mga kabundukan at kagubatan--alam ko mauulit pa ang trahedyang ito--pramis!

Ang tangi na lamang nating maiaalay ay ang panalangin---hindi ng pasasalamat na hindi tayo nakasama at nadamay sa trahedyang ito---kundi nang pasasalamat dahil buhay pa rin tayo at may pag-asang ituwid ang mali, sa gitna man ng kalamidad.

Ang ala- ala ng Ondoy nawa ay hindi mabura sa ating isipan.

Na minsan , dahil sa ating kapabayaan , tayo ay pinarusahan ni Inang Kalikasan!!!!

No comments:

Post a Comment