TRAVELBOOK NOW!

Sunday, August 15, 2010

Speaking In Tongues



Na-experience nyo na ba ito?

Ito yung pagsasalita sa iba't ibang wika na binabanggit sa Bibliya( Acts 2, Acts 10: 46, Acts 19:6, 1 corinthians 12:10, 1 Corintihians 14) na nangyayari o nagaganap sa gitna ng isang extreme worshipping sa loob ng isang simbahan partikular sa mga Evangelical at Pentecostal Church.

Tinatawag din ito na Speaking in Tongues.

Ayon sa Bibliya: isa ito sa mga Spiritual Gifts(Charismata) na binabanggit sa 1 Corintihians chapter 12, verses 4-6 .

Maipagkakapuri kong ibahagi na isa ako sa mga nakaranas ng phenomenon na ito simula nuong early 1990's.



Nagsimula akong umattend sa mga gatherings ng mga Born Again Christians nuong 1990's. I remember it was at Peacemaker's Christian Fellowship in Cubao una akong naka-attend ng mga ganitong pagtitipon. It was a blissful day at masarap sa pakiramdam ang first time kong pag-attend dito. Eventually ay naging Christian ako at tinanggap si Hesus sa aking puso bilang aking Panginoon at Tagapagligtas.

Simula nuon ay regular na akong umaattend ng mga Christian services sa ibat ibang lugar at dako sa Metro Manila. Nuong una pa man ay fascinated na ako sa phenomenon na ito wherein I would astonishingly watch one worshipper speak in tongues followed by another, then another one again , hanggang sa magmistula nang isang buong palengke o concert ng mga rakista ang lugar dahil sa "ingay" at "gulo" na ginagawa ng mga napo-possess na ito ng Banal Na Espiritu!

I remember nung isang beses na naka-attend ako ng isang overnight prayer diyan sa Pasig ay halos mabingi ako sa ingay na pumuno sa buong hall ng kuwartong iyun na binibigkas ng mga
" nagwawala " na hindi ko naman maintindihan. And then talagang riot dahil iyung iba ay may kanya kanya nang moment habang nagwawala: merong umikot ng umikot na akala mo ay turumpo sa bilis, merong umaakyat sa hagdanan at poste nang nakapikit, merong naglulupasay sa sahig habang humihiyaw at pumapalahaw ng iyak, at meron ding nagsasasayaw at tumatawa ng sunod sunod at malalakas ( laughing in the spirit). Ang lahat ng mga aksyong ito ay tinatawag na "being drunken in the Spirit" o lasing sa Espiritu na karaniwang nararanasan ng mga taong in state of ecstatic extreme worshipping whereby ang taong iyon ay sinasabing sinasapian ng Banal Na Espiritu.

Tunay na nakakabighani at nakakatuwa ang ganitong panoorin lalo na sa mga bago at hindi lubusang nakakaunawa sa ganitong praktis. At sa mga novice o baguhan ay hindi mo maiiwasang maging skeptics at mamintas o magtawa kapag nakakita ka nito. Minsan sabi nila ay parang sira-ulo o nababaliw na yata sila. Ganito rin ako nuong una!

Subalit hindi ko sukat akalain na minsan, isang araw, ako rin pala ay bibigyan ng ganitong klaseng regalo mula sa ating Panginoon!

Hindi ko mawari at maintindihan: isang araw habang matindi at intense ang ispiritu ko sa pagsamba isang Linggo sa ating Panginoon; bigla, kaginsa ginsa na lang akong pumalahaw ng iyak--hindi nga iyak iyun eh--kundi atungal-- na narinig sa lahat ng sulok ng bahay sambahang iyun. Malakas at malalim- na kung kanila ngang idescribe sa akin nuon ay para daw akong bakang umiiyak na dadalhin sa katayan!

Bigla iyun at hindi ko inaasahan-hindi ko napigilan, basta na lang nangyari- kaipalay ayoko nga sanang maranasan iyun nuon dahil sa mahiyain pa ako nuon at ni hindi pumasok sa isip ko na magiging center of attraction ako nung araw na iyun dahil sa lakas ng atungal ko.

Iyun daw ang simula ng pagbautismo ng Espiritu sa akin.

Pero nung unang araw na iyon ay wala akong sinambit na anumang salita kundi mga malalalim na paghikbi at pag-atungal sa gitna ng kongregasyon.

Mga tatlong beses pa nasundan iyon na pulos pag- atungal at pag-palahaw ang lumalabas sa aking bibig.

Hanggang isang araw, muli na naman kaming nasa gitna ng isang intense na pagpupuri at pagsamba sa Diyos nang walang anu-ano'y biglang nanikip ang aking dibdib at paghinga, tila ba nanginginig ang aking mga kalamnan, nanunuyo ang aking lalamunan at tila ba may mga salitang gustong sambitin ang aking dila--nang malakas at ubod sa kaibuturan ng aking voice box na timbre ng boses na ibinuga ko ang aking kauna-unahang pag-i speaking in tongues nung araw na iyon!

Iyon ang aking kauna-unahang pagbigkas ng mga tunog o maaaring "salita" na hindi mawari kung saan nanggagaling, walang nakakaintindi, sunod sunod, walang patid na pagbigkas nito, na kalimitan ay tumatagal lamang ng ilang minuto- kasabay ng pakiramdam na tila ba naninikip na paghinga, ecstatic na pakiramdam, nanunuyong lalamunan, mabilis na tibok ng puso at pakiramdam na tila ba ikaw ay nasa alapaap at idinuduyan ng mga ulap sa sarap na nararamdaman mo! Walang katulad ang experience na ito na habambuhay kong aalalahanin hanggang sa aking kamatayan.

Dito naalis ang pagiging skeptic ko tungkol sa phenomenon na ito; dahil nuong una akala ko ay isa lamang itong malaking biro o palabas na ginagawa ng mga preacher o mga miyembro ng iglesya para ipakita ang sobra nilang pagkabanal o pagiging Espiritwal. Ngunit nuon ko napatunayan na hindi pala ito ganuon. Sa aking naranasan, masasabi ko na ito ay tunay na isang mahal na regalo mula sa ating Diyos Espirtu.

Hanggang ngayon ay walang makapagpaliwanag kung paano o bakit ito nangyayari sa ilang mga worshipper? O bakit hindi lahat ay nakakaranas nito? O bakit kailangang mangyari ito sa ating kalagitnaan?

Ang sabi ng iba, ang mga "salita " na binibigkas ng mga nagta-tongues ay ang mismong salita daw ng Diyos. Sabi naman daw ng iba , ito raw ay mga "salita" ng ibang nasyon o bansa na hindi natin kabisado o alam--that's why kadalasan ay meron ding isang worshipper naman na binigyan ng Gift of Interpreting naman ( isa rin sa mga Gifts of the Holy Spirit ) na siyang nagpapaliwanag o nagpapaintindi sa kung anuman ang binibigkas ng mga nagta-tongues sa oras ding iyon. Dahil kapag may nag-tongues daw, may mensahe daw ang Diyos para sa buong kongregasyon!

Simula nuon ay madalas ko na itong nararanasan, lalo na sa mga pagtitipon na kung saan ay nagkakaruon ng matinding pagsusumamo para "bumaba" ang Diyos Espiritu sa kanyang mga anak na hinirang at binasbasan. Anu't anuman, hindi ito isang palatandaan na kung ikaw ay nabigyan ng ganitong "regalo", ikaw ay mas banal na kesa sa ibang mga tao o nananambahan sa ating iisang Diyos. Hindi ito para ikaw ay makapagyabang at ariin mo na ikaw ay mas mahal o itinatangi ng Panginoon kaya mo ito natanggap!

Sapagkat marami na rin akong nakita at narinig na tumanggap ng regalong ganito, ngunit pagkatapos ay nahulog pa rin sa kasalanan.

Anu't anuman, isa itong klase ng karanasan na maipagkakapuri kong aking nagawa, at marahil ay ibinigay o ipinagkaloob sa akin ng Diyos na sa aking sariling pag-aanalisa ay marahil paraan Niya upang sabihin sa akin na ako ay Kanyang minamahal, na hindi Niya ako pababayaan at ako ay Kanyang laging gagabayan at papatnubayan anuman ang aking gawin at mangyari sa aking buhay. Patunay lamang na tayong lahat ay pantay pantay sa harap ng Panginoong Diyos, na Kanya tayong minamahal at iniibig, regardless kung anuman tayo bilang isang marupok na tao sa Kanyang dakilang harapan!

Amen! Siya Nawa!

No comments:

Post a Comment