TRAVELBOOK NOW!

Monday, July 19, 2010

Mano Po

Isa sa magandang kaugalian nating mga Pilipino ay ang pagmamano sa mga matatanda: ito yung pagkuha o pag - abot sa kanilang kamay at ito ay ididikit sa ating noo o kaya ay labi. Ito ay bilang tanda ng paggalang at respeto sa mga taong nakakatanda sa atin, tulad ng ating mga lolo at lola, tiyuhin at tiyahin, o mga nakatatandang kapatid at pinsan.

Subalit unti unti ay tila ba namamatay na ang ganitong kaugalian na ipinamana pa sa atin ng mga Intsik bilang kanilang pagpupugay sa mga matatanda. May respeto kasi ang mga singkit sa kanilang mga matatanda kaya naman ito ay mabilis ding na-adopt ng mga Pilipino na magagalang din naman sa mga nakakatanda sa kanila.

Subalit sa paglipas ng panahon ay tila ba napaglipasan na rin ito ng mga makabagong teknolohiya at modernong pamumuhay ng mga kabataan sa ngayon.

Dagdag pa na hindi na rin ito itinuturo at pinapahalagahan ng mga magulang ngayon sa kanilang mga anak dahil sa paniniwala na para lamang ito sa mga matatanda; na tila ba nakakabawas ng dignidad at ng karisma kapag ikaw ay minamanuhan o may nagbi-bless sa iyo na mga bata.

Ganito ang paniniwala nuon ng aking ama: palibhasa nagmumurang kamatis nuong panahong kami ay nagsisimula pa lang matuto sa buhay kaya hindi niya itinuro at iniaral sa amin ang kahalagahan ng pagmamano o pagbi-bless sa kanila bilang mga magulang, kundi sa amin lang mga lolo at lola. Kaya naman lumaki kami na hindi namin na-acquire ang ganitong tradisyon na ngayon lamang namin na-realize ang kagandahan.

Kaya naman nitong magsimula na rin kaming maging isang matanda (huh?), ay saka lang namin napagtanto na dapat pala habang bata pa kami ay naturuan na kami ng ganitong asal upang sa ngayon ay kami naman ang igagalang at irerespeto ng mga nakababata sa amin.

Nakakainis lang minsan kasi na dadaan daanan ka lang ng mga nakababata sa iyo na parang wala man lang silang napapansin o nakikita na nandiyan ka pa pala at buhay pa. Minsan kasi habang tumatanda ang tao ay lalo siyang naghahanap ng respeto at paggalang, hindi katulad nung bata pa na kahit bastusin mo ay okay lang.

Kaya ngayon, bagamat hindi pa naman huli ang lahat ay nagsisimula na nating i - uphold ang magandang kaugaliang ito sa pamamagitan din ng pagmamano sa mga mas matanda pa rin naman sa atin, tulad ng mga tiyuhin at tiyahin at mga matatandang kapatid o kapinsanan.

Subalit paano kaya ito sa panahon ngayon na nauuso ang mga bagong sakit na posible mong makuha sa pamamagitan lang ng simpleng paghalik sa kamay o palad ng taong maysakit nito, tulad ng Swine Flu ngayon, na dili ba't humatsing ka lang ay mahahawa ka na rin agad.

Kaya nga kahit sa Simbahang Katoliko ngayon ay ipinagbawal na ang pagbebeso beso o ang simpleng paghalik sa pisngi sa mga taong kasama mong nagsisimba kapag nagsa-sign of peace na tayo.

Hindi lang naman kailangan na ang Santo Papa lang at mga artista ang ating hinahalikan at minamanuhan kapag nakikita!

Sana naman ay hindi maapektuhan ng mga modernong sakit na iyan ang magandang kaugalian na pagmamano sa matanda bilang senyales na lang ng paggalang at respeto sa kanilang nalalapit na pagpanaw sa mundong ito!

Mano po!Impo,Ingkong, Lolo , Lola, Tito , Tita, Manong, Manang, Tatang, Nanang, Diko , Ditse, Ate, Kuya atbp.....

No comments:

Post a Comment