TRAVELBOOK NOW!

Wednesday, May 19, 2010

Palipat-lipat...Papalit-palit

Ilang beses na rin akong nagpalipat-lipat ng bahay at ng lugar simula pa nuong bata ako. At sa bawat bagong bahay o lugar na aking nililipatan, panibagong pakikisama o pakikibagay sa mga bagong kakilala at kapitbahay sa mga bagong pook na iyong kinaroroonan.

Ayon sa isang medical research; kapag paiba iba daw ang lugar na kinalalakihan ng isang bata, nagiging mahiyain daw ito at kimi sa kanyang paglaki dahil sa paiba iba rin ang kanyang taong nakakasalamuha at nakakahalubilo sa bawat lugar na nililipatan ng kanyang pamilya.

Kaya pala lumaki ako ng ganito: Mahiyain , ha ha ha ha.

Nang tanungin ko ang Mama ko kung saan niya ako ipinanganak, ang sabi niya ay sa Fabella Hospital daw, dyan daw yun sa may UST sa Maynila. Kaya I'm proud to be an original Manileno he he he.

And then nang mailabas ako sa ospital ay diretso na daw agad ako sa maliit na kuwartong inuupahan nila sa Grace Park, Caloocan City( C pa nuon ang spelling nito)

Nuong mga dalawang taon daw ako ay nagkaruon ng trabaho ang aking butihing ina. At dahil may trabaho din ang aking ama nuon, wala silang naging choice kundi ang dalhin ako sa probinsya ng aking ama sa Bicol , sa Sipocot Camarines Sur, sa bahay ng aking lolo at lola at duon ako pansamantalang iniwanan habang pareho silang nagtatrabaho para sa aking future! Naging Bikolano naman ako ngayon he he.

May kuwento nga ang lolo ko tungkol sa halos isang taong pag stay ko sa kanila:

Isang beses daw ay kinuha ko yung isang kuting at inilagay sa isang tapayan na puno ng asin. Nang hinahanap na daw nila yung pusa para pakainin, at hindi makita ay tinanong daw nila ako. Painosente ko daw na itinuro ang tapayan. At nang buksan nila ang tapayan; nandun ang pusa, nakalubog sa asin .

At isang beses naman daw ay sinindihan ko ng sulo yung isang nakakulong na manok. At dahil sa nasusunog na ang manok at nagliliyab ay nagpilit itong umalpas mula sa kanyang kulungan. Eh nawasak ang kulungan sa pag-alpas ng manok, lumipad at dumapo sa bubungan ng aming kubo na gawa sa dayami. Lumiyab ang aming atip. Buti na lang at nakita agad ng aking lolo at agad binuhusan ng tubig,kung hindi daw ay wala na kaming matitirhang kubo nung araw na iyon.Hindi nya daw ako pinalo nuon, kasi ang liit liit ko pa daw nun at ang cute cute kahit ang kulit kulit he he he he.

Kapag ikinukuwento ito ng aking lolo sa akin ay halos naniningkit ang kanyang mga mata sa katatawa at kakahagikhik. Bibo daw ako nuon at listo, at super mega to the max sa kakulitan.

Nang malay-off sa trabaho ang aking ina halos isang taon magmula nang iwanan niya ako sa Bicol, ay muli niya akong kinuha at ibinalik sa kuwarto namin sa Caloocan.

Dumating ang time na maging ang ama ko ay nawalan na rin ng trabaho. At dahil sa hindi na makayanan ang upa sa bahay na aming tinutuluyan, ay nagpasya silang pauwiiin muna ang aking ina kasama ako, sa probinsya nito sa La Union. Habang hindi pa nakakahanap ng trabaho ang aking ama dito sa Maynila ay pansamantala daw muna itong tumuloy sa isang kaibigan, at nangakong kukunin daw agad kami kapag nagkapera.

Kaya't wala kaming nagawa kundi umuwi ng aking ina sa bayan nitong sinilangan sa Balaoan La Union at pansamantalang nanuluyan sa bahay ng aking Lolo( patay na nuon ang aking Lola). This time, naging Ilokano naman ako, north and south apart .

Naganap daw ito nuong ako ay tatlong taong gulang pa lamang. At makalipas lamang ang mga tatlong buwan ay muli kaming sinundo ng aking ama upang isama muli dito sa Maynila: nakahanap na daw siya ng isang magandang trabaho.

Pagdating namin dito ay tumuloy na kami sa Barangka Marikina at nanirahan sa isang paupahang apartment na pag-aari din ng kumpanyang napasukan ni Papa. Bagung bagong gawa pa lang ang nasabing apartment nang una namin itong tirhan. Dito ako unang nagkaisip, at dito ako may natatandaan sa aking pagkatao simula nang isilang ako. Dito ako unang tumuntong sa eskwelahan. Sa Barangka Elementary School. Hindi pa uso nuon ang kindergarten at preparatory kaya diretso agad ako sa Grade One. Natatandaan ko pa, iyak ako ng iyak nuon ng una kong pasok sa eskwelahan. Ayaw kong paalisin si Mama sa aking tabi. Ang feeling ko ay kakainin ako ng buhay ng aking mga kaklase at guro kapag iniwanan ako ni Mama. Samantalang seven years old na ako nung time na yun!

Ang alam ko, natapos ko ang grade one ko sa nasabing eskwelahan. Pero hindi na pala ako maggi-grade two dito sa susunod na pasukan. Dahil nakatakda na naman kaming lumipat nung sunod na taong iyon. May bubuksan na isang bagong branch ng company sa Caloocan ang amo ni Papa, at duon daw siya ilalagay nito. Partnership ito sa isa pang Intsik na kaibigan ng amo ni Papa. Kaya, no choice, kundi lipat bahay at impake na naman. Kung kailan hindi na ako takot sa mga bago kong kaklase, may mga bagong kaklase na naman akong katatakutan!

Balik kami sa dating lugar na inupahan namin nung una. Malapit kasi ito duon sa pabrika na papasukan ni Papa, kaya dito na rin namin piniling mangupahan ulit.

This time sa pagpasok ko sa eskwela ay grade two naman ako; sa A.C. Herrera Elementary School sa Tondo( wala na ito ngayon). Dito ako nakatapos ng grade two -- at halos makatapos ng grade three!

Dahil, pagkatapos ng halos dalawang taon ay lilipat na naman kami!

Nag-away ang amo ni Papa at ang kanyang kasosyo sa negosyo kaya nagpasya silang maghiwalay na lamang ng landas. At dahil binawi na niya ang kanyang sapi sa negosyo niya sa Caloocan ay ang nasa Marikina na lang ang natira niyang pinagkakakitaan. Kasama niyang pinabalik dito ang aking ama.

In short, balik Barangka, Marikina kami. Pero hindi na dun sa dating apartment na inupahan namin. Sa isang maliit na barung barong sa loob ng nasabing compound. Tumagal kami dito ng humigit kumulang dalawang taon.


Balik Barangka Elementary School din ako. Nagtransfer ako ng grade 3 dahil hindi pa tapos ang school year nuon nang lumipat kami. Dito ko na natapos ang grade 3.....hanggang grade 6.

Dito ako grumaduate ng Primary School.

Samantala, nakatagpo ng isang lupa na may rights si Papa dito pa rin sa Barangka, Marikina. Wala pa itong titulo, kaya mura ang pagkakabenta. Kinagat ni Papa. Ang ending, bago ako mag grade 6 ay umalis kami sa barung barong na kinatitirikan namin patungo sa isang bagong gawang bahay na sakop ng isang lupang walang kasiguruhan ang papeles, duon din mismo sa Barangka Marikina, isang kilometro lang ang layo mula sa isat isa.

Kumbaga, lipat bahay lang kami, pero in the same Barangay pa rin at Bayan. Dito kami nagtagal. Dito na kami mula nang mag-grade 6 ako hanggang sa mahinto ako sa pag-aaral ko nang High School.

Dito sa lugar na ito maraming memories akong naipon.

Dito ko naranasan ang maglayas. Ang magbulakbol sa klase. Ang maging loner at mapag -isa. Nang magkaruon ako ng unang trabaho, dito kami nakatira. Dito laging may giyera. Nandito kami nung maganap ang Original Edsa. Dito ko namasdan ang grabeng pag-aaway ng aking mga magulang. Dito ako nag- debut. Dito kami nakatira nang una kong marating ang Baguio. Nandito kami nang unang mag-abroad si Papa. Dito ako nadampian ng aking first kiss! Dito ako unang nain-love!

Kaya ganun kamemorable ang bahay namin nuon diyan sa Barangka Marikina.

Dumating ang time. Na elect si Bayani Fernando bilang mayor ng Marikina. Ang kanyang unang inayos, ang linisin ang Marikina sa mga squatter!

And since wala naman talagang kaukulang titulo ang lupang kinatitirikan ng aming bahay at ayon sa Munisipyo ang lupang ito ay pag-aari ng Gobyerno, napaalis kami sa lupang iyon na matagal naming inalagaan. Ito raw ay sakop pa ng DPWH dahil malapit kami sa Highway nakatira.In short kami raw ay squatter.

Wala na kaming nagawa, nang isang araw ay akyatin ng sangkaterbang house wrecker ang aming bubong at sinimulang tigpas tigpasin ang aming yero at masuhin ang aming pader. Kahit nanduon pa kami sa loob ng bahay. At wala kaming pansamantalang malilipatan. Ganun sila kalupit nuon. Isa iyon sa mga araw na hindi ko malilimutan sa buong buhay ko!

Tulirong tuliro ang mama ko nuon sa nagaganap na pagwasak sa aming two storey house nuon sa Marikina. Galing ito sa katas ng pagsa-Saudi ng Papa ko. Halos mahigit sa walong taon ang ginugol ng aking ama sa ibang bansa para lang maipaayos at maipatayo ang nasabing bahay na magsisilbi sana naming kanlungan sa mahabang panahon. Hindi ko nais itama ang isang mali. Ang magpagawa ng isang malaking bahay sa loob ng isang lupang wala namang kasiguruhang mapapasaamin. O ang okupahin ang isang lupaing hindi naman namin pag-aari!

Ang hindi ko lang lubos maisip at hindi ko matanggap hanggang ngayon ay ito: ang sapilitang pagpapaalis sa amin ng walang kaukulang abiso o pasabi man lang. Pakiramdam ko nuon ay para ba kaming isang langgam na matapos makapagtayo ng isang matayog at malahiganteng anthill, ay bigla na lang dumating ang isang bulldozer at agad inararo ang ang aming Punso!

Hindi naman kami mga langgam! Mas malaki kami sa mga langgam noh!

Kaya kinagabihan nuon ay wala kaming nagawa kundi ang matulog na ang bubong ay ulap at magkaruon ng lampshade na mga Buwan at Bituin.

Mabuti na lang at may kamag-anak na nag-alok upang pansamantala kaming tumira sa kanilang resthouse sa may bandang Antipolo.

At sa awa muli ng ating Diyos, muli kaming nakakuha ng isang lupa na pwedeng muling pagsimulan ng buhay dito naman sa Antipolo City.

Ngunit, tulad pa rin ng dati -- hindi pa rin namin tunay na pag-aari ang lupaing ito na kinatitirikan ng aming munting bahay ngayon. Ipinaglalaban pa rin namin hanggang sa ngayon ang lupang ito na mapasaamin na....sa wakas! Laban sa mga maraming Alta Sosyedad na nag-aangkin sa lupang aming kinakalinga at inaalagaan.

Ang hirap lang dito, nuong ang nasabing lugar ay puno pa ng talahib at puro damo ay walang nag-aangkin at nagsasabing sa kanila ito. At ngayong naging malinis na ito, umunlad at nakita ang potensyal na lumago ang nasabing lugar ay saka lumabas ang maraming gustong makuha ang pagmamay-ari nito!

Ang tao nga naman oo.

At diyan nagtatapos ang aking adventures sa pagpapalipat lipat ng bahay. Sa bawat paglipat mo ng lugar at bahay na titirhan mo, sari saring tao rin ang makakasalamuha mo. Sari saring buhay at pagkatao ang iyong makakaengkuwentro. Na siya ring huhubog sa klase ng buhay na itatakbo mo sa mundong ito. Kung naging ano man ako ngayon; marahil ay may malaking kinalaman ang paglipat lipat at pagpapalit-palit ko ng lugar sa kinalabasan ng pagkatao ko ngayon.

Sa ngayon ay kuntento na ako sa lugar na kinaroroonan ko - kahit walang kasiguraduhan kung hanggang kailan kami rito tatagal.

Kailan ako lilipat ulit ng lugar? Siguro kapag kaya ko nang bumili ng house and lot sa isang subdivison o kaya'y isang unit sa isang condominium sa Makati City.

O eh bakit , libre lang naman ang mangarap ah.

No comments:

Post a Comment