TRAVELBOOK NOW!

Saturday, May 1, 2010

Labor Day

Ngayon ang Araw ng mga Dakilang Manggagawa.

Kapiyestahan din ngayon ng patron ng mga trabahador na si San Jose Manggagawa.

Inilaan ang araw na ito upang kilalanin ang kabayanihang iniaalay ng mga manggagawa para sa ating bansa.

Tunay na dahil sa kanila ay lagi nang naisasalba sa tiyak na kapahamakan ang ating bansa. Ito ay dahil sa remittances ng mga manggagawa sa ibang bansa na ipinapadala sa kanilang mga kamag-anak dito sa 'Pinas na siyang nagiging sanhi upang hindi tuluyang bumagsak ang ating ekonomiya sa panahon man ng krisis.

Sila nga ang ating itinuturing na mga Bagong Bayani. Ang mga Overseas Filipino Worker.

Nangamuhan din ako at naging isang obrero dati.

Disi-otso anyos ako nang magsimulang magtrabaho.

Simula nuon kung saan saan na akong kumpanya pumasok at nangamuhan.


Alay ko sa mga manggagawa ang aking entry ngayong araw na ito:

Nagsimula ang lahat, nung time na grumadweyt na ako sa High School. That was way back nuong 18 years old pa lang ako. Of course dahil bata pa at halos wala pang kamuwang muwang sa mundo ng pagtatrabaho, sinamahan ako ng tatay ko sa aking first job application sa Makati. Nakita namin ang hiring sa isang dyaryo. At dahil gusto ko nang magtrabaho nuon dahil sabi ko tila mas maganda kesa magpatuloy na mag-aral, nagpasama ako sa aking first ever job hunting sa aking buhay. Sa may bandang Estrella, Makati ang location ng restaurant kuno na prospect kong aplayan bilang isang waiter o busboy kaya; tutal nakalagay naman sa ads na kahit walang ekspiryens pwede. Gora kami ni father sa Makati. Nung makita namin ang address, hindi naman pala ito yung restaurant mismo, kundi yung bahay nung may-ari daw nung resto. Nang magtanong kami sa boy na sumagot sa aming doorbell kung pwede akong mag-apply, ang sagot niya ay wala daw dun yung amo niya, pero ipaiwan na lang daw namin yung Bio-data ko at kapag qualified daw ako ay tatawagan ako ng amo niya para sa interview. Sa madaling salita, iniwan ko ang Bio-data ko at umuwi na kami ni father. But of course, alam na natin sa mundo ng job hunting, na kapag sinabihan ka na tatawagan ka na lang, wag ka nang umasa dahil 90% nun ay malamang na hindi ka na tawagan dahil yung iniwan mong resume ay ginawa na lang pandakot ng tae nung aso nila o pamunas sa kanilang salamin. At natatandaan ko pa ang sinabi ni Papa nun: " ....o e di nakita mo na kung gaano kahirap maghanap ng trabaho ngayon...."

Dedma lang ako sa sinabing yun ni Father. Di ko alam na mari-realize ko yun later sa aking buhay na tutoo pala ha ha ha ha.

Yun ang first ever rejection na natikman ko sa pag-aapply. Hindi ko sukat akalain na sandamukal pa palang rejections ang matitikman ko sa loob ng darating na mga taon, hayzzzzzzz.

At dahil hindi na ako umasa sa " tawag" na iyon ni " mam" sa akin, at dahil inip na inip na akong makapagtrabaho at kumita ng sarili kong pera, minabuti kong mag-apply muli sa iba. At sa aking pagtunghay muli sa mga pahina ng Classified Ads ay aking nakita ang isang hiring daw sa Ermita ng mga waiter na " wala pang experience".

Pinuntahan ko ito. This time ang kasama ko naman ay ang kapatid ko na gusto na rin daw magtrabaho at mamsukan. Ang pangalan ng company ay Jimmy Valeros Consultancy and Training; tandang tanda ko pa iyan at meron silang opisina dyan sa 2nd floor ng Midland Plaza Hotel dyan sa Ermita. Pag-interview sa amin ay duon namin napag-alaman na ito pala ay isang "training center and placement agency"- ibig sabihin, magbabayad ka ng " a certain fee" sa kanila upang mag-undergo ka ng "two weeks intensive training about waitering and bartending" at pagkatapos kapag pumasa at natapos mo na ang training ay saka ka nila irerecommend sa mga hawak nilang company na may kinalaman sa food business.

Sa madaling salita, hinimok ko ang aking ama at ina na payagan akong mag-training at bigyan nila ako ng pera para pambayad sa " training fee" at pagkatapos ay saka ako ikako papasok ng mga restaurant na aaplayan ko kapag marunong na ako. Pumayag naman sila. Ang kapatid ko ay hindi na nagpatuloy na mag-apply. Bagkus ay mas pinili niya ang boring na buhay estudyante.
Saka ko lang mari-realize na mas tama pala ang desisyon niyang iyon kesa sa naging desisyon ko na huwag magpatuloy ng pag-aaral hu hu hu hu hu.

Fast forward: natapos ko ang two weeks training. And after that ay nirecommend ako sa isang restaurant sa Shaw Boulevard , Mandaluyong named Marco Polo para mag- undergo pa ng one week on-the-job-training to complete my job placement.


Sa madaling salita, pasok ako ng isang Linggo sa restaurant na iyun. That was my first job na kung saan ay nakatikim ako ng sahod. Actually, training allowance ang tawag nila dun. But yun ang first work ko na nakakuha ako ng pera mula sa may-ari. Kung hindi ako nagkakamali ay 100.00 ang bigay nila sa akin bilang allowance kada araw. So sa loob ng five days na training ko ay naka 500 kiyaw din ako wehehehe.

Natapos ko ang 5 days OJT ko. Balik ako ng JVCT. Ang sabi sa akin ay nakapasa naman daw ako sa OJT ko, at irerefer na daw ako sa isang fastfood bilang isang service crew. Binigyan ako ng endorsement paper. Pero di ko pinuntahan yung address na binigay sa akin para aplayan ko. Ewan ko, nagmarakulyo yata ako o tinamad lang. Saka takot pa ako nun to venture out sa mas mabigat na pagtatrabaho kaya pinalampas ko yun. Pinalipas ko muna ang ilang buwan bago ako nag-apply ulit sa isang kumpanya na nakita ko sa isang ads sa dyaryo.

Ang company ay ang Population Food Developers Incorporation. Apply ako sa office nila sa Ortigas. Sa dating Philcomcen Building pa yata yun dyan sa Ortigas Center. Yan pa lang ang pinakamataas na building nun dyan sa buong Ortigas. Swerte naman tanggap agad. Naassign ako diyan din sa Shaw Boulevard. Sa dating Edsa Central Cinema Complex bilang isang counter crew sa mga snacks counters na nasa loob ng mga sinehan. Ito ang una kong trabaho na kung saan ay nagkaruon ako ng lehitimong sahod with matching payslip pa. Nag-enjoy din naman ako sa work kong ito. Unang una ay hindi naman nakakapagod. Halos kumikilos ka lang kapag labasan na ng mga tao galing sa panunood ng sine. Biglang bigla na lang ay palilibutan ka ng sanlaksang kumpol ng mga tao na sari sari ang inoorder sayo: magmula sa mga softdrinks, juices, in cans hanggang sa mga sitsirya, sandwiches, breads at popcorns. At mag-isa ka lang nun huh sa isang buong counter . Oh well, nice baptism of fire naman para sa isang newbie na katulad ko. At isa pa ay okey naman ang mga taong nakasama ko nuon sa trabaho kong iyon katualad ng mga Bisor ko na sila Josie Ursolino, Teresa Tan, Francis Galvez,Mimi Marinay at George Potenciano. Dito ko rin nakilala sina Jennifer Cawaling, Truman Naidas, Joey Quizan, Joey Pineda, Ricky Oliva, Gilda Galicia, Meredith Labalan, Janeth Obdianelah, Asuncion Compuesto, Ricky Paringgit, Aurora Versoza atbp. ( sila lang natandaan ko he he he)

Tumagal din ako ng I think ay halos mahigit isang taon sa kumpanyang ito. Nadestino rin ako sa dating Manuela Complex branch nila dyan din sa Edsa Mandaluyong before I was transferred sa Broadway branch ng snack popcorn outlet nila. Sadly, nagkaruon ako ng sakit na hindi ako nakapagpaaalam kaya dun nagtapos ang trabaho ko sa kanila . Hindi na ako nagpakita pa eversince kaya AWOL ang status ko dito.

So my work with Population Food ended abruptly. Nung gumaling na ako sa sakit ay saka ko napagtanto na kailangan ko palang magtrabaho ng magtrabaho. At hanggang ngayon pala ay hinahanap ko pa rin ito.

Simula nun ay kung saan saang kumpanya na ako nakapasok, karamihan ang linya ay sa fastfood industry.

Hindi ko na matandaan kung kailan at kung ano ang pagkakasunod sunod, pero nakapagtrabaho na ako sa mga sumusunod na kumpanya:

Joe Kuan Foods Corporation- na ang tanggapan ay nasa Paco, Manila. Inassign ako dito sa branch nila dati malapit sa tulay ng Marikina sa Sto. Nino. Natatandaan ko dito ko nakilala si Dennis Sangumay at isang Marvin na parehong mga badidang he he he.Behaved pa ako nun at hindi halata, kaya hindi nila ako friendship. Anyway tumagal lang ako dito ng siguro kulang kulang dalawang buwan .

Burger Machine Incorporation- under ng Eastern Rizal Foods Corporation na may tanggapan diyan sa New Manila, Quezon City. Pinagtraining ako diyan sa Marikina din. Tapos nun ay na-assign na ako dito sa Cogeo Gate 2 branch nila. Dito ay nakasama ko sina Mario Alayon, Mary Jane Ariate, Cleo Guevarra, si Gary, at Raquel. Nung pumasok ako ay umiinit ang usapin tungkol sa strike. Wala pa halos isang buwan ako nakakapasok ay biglang pumutok ang strike na ikinasa ng mga eskirol. Lahat ng outlet ay pinuntahah nila at sapilitang isinara at binarikadahan. Hindi nakaligtas ang outlet namin sa Gate 2. Hatinggabi ay biglang dumating ang mga welgista at walang kaabug-abog ay ibinalandra ang mga dala nilang pangharang sa aming outlet. May magagawa pa ba kami? At dun nagtapos ang trabaho ko sa BMI/ ERFC.

Giacominos Pizza- na dati ay may tanggapan sa Project 4 ,QC. Maiksi lang ang termino ko sa kumpanyang ito. Siguro mga dalawang buwan iyon. Bago ako kinausap sa isang sulok ng aking amo na tatanggalin daw ako. Dahil daw kailangan nilang magbawas ng tao dahil mahina ang benta. At ako ang napili nilang tanggalin he he he. Ganun lang. At least natuto ako dito kung paano gumawa ng pizza huh.

Select Foods- under London Shell, dito sa Imelda Ave. Cainta, Rizal. Alam nyo bang sumulat pa ako nun sa employer ko , si Mr. John Prias, para lamang tanggapin nya ako? Anyway hindi rin naman ako tumagal sa trabaho kong ito dahil sa---baba ng sahod....yun na! Siguro mga 3 months lang yun. Naging friends ko dito sina Reden Juan, Michael Donasco, Alger Noblefranca, Carina Lumabe, Domingo Remoto, Mitty Domingo, Ernie Romero, si Rey, si Lotlot at si Ate Sarah.

Dunkin Donuts- under ng Golden Tri-block Incorporated. Una akong na-assign sa Ever Ortigas with Ma'm Gina. Kasama ko sina Thelma at Richard sa outlet. And then nalipat sa Ortigas Avenue Extension pa rin malapit sa Singer dyan sa Tikling, Cainta. Minsan ay napupunta rin ako sa mismong factory nila dati dyan sa Junction, Cainta, kung saan nasaksihan ko ang maraming mga "kababalaghan"! Tumagal rin lang ako dito ng humigit kumulang tatlong buwan lamang!

Mister Donut- dito sa Sta. Lucia Cinema branch nila. Pinag training nila ako dito ng halos isang linggo. Tapos after nun ay sinabihan ako na hindi daw ako nakapasa sa evaluation nila. Hayun napatalsik ako sa pool nila, without pay huh. Tandang tanda ko pa ang supervisor ko nun! Si Mam Ann Barrera huh! Nagtrabaho din ako nun ah ,hindi man lang nabayaran huh!

Dynasty Incorporation- isa itong pabrika na nagpi- print sa mga plastic bags and materials. Dito sila sa Araneta Avenue malapit sa Aurora Boulevard QC. Di kinaya ng powers ko ang hirap sa puyatan at kawalang kaalaman sa trabaho ko. Kesa sa magmukha akong mangmang at laging mapagalitan ng Bisor ko, nag AWOL na lang ako. Sa tingin ko isang buwan lang yung tinagal ko sa kumpanyang ito. Tapos goodbye na.

Imarflex- eto yung pabrikang gumagawa ng mga oven dyan sa Pasig City. Naikuwento ko na ito sa entry ko na " Pinakamadaling Trabaho". Pinakamadali--dahil wala pang isang araw ang itinagal ko sa pabrikang ito he he he. Basahin nyo na lang artikulo ko tungkol dito.

BM Plus- eto yung Burger Machine din pero mas class at mas may dating kesa sa mga food cart nila. May branch sila dati dyan sa P. Tuazon Cubao. Iba ang may hawak nito kesa sa dating ERFC na hawak ang buong Rizal Burger Machine. Dito nangyari ang isang eksenang hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko: ang madulas ako at dumausdos sa hagdanan mula sa ikalawang palapag hanggang sa ibaba hawak ang isang tray ng mga plato at kinainan. Kakahiya yun!

Goodah- sa kanilang branch dyan sa Greenhills San Juan. Naging dishwasher ako dyan. Di rin ako tumagal dito . Dahil sa hirap ng trabaho. Biruin mo halos walang tigil ako sa kakahugas ng mga pinagkainan! At hindi na natutuyo ang apron ko dahil laging basa sa kakahugas ng mga plato, pinggan, tasa at baso!

Smokey's - sa franchised branch nila diyan sa Banawe St. Quezon City na isang Intsik ang may-ari. Dito ako muntik mabuntal ng aking among Intsik na sobr ang kasungitan at pagka-high blood. Isang umaga, galit na galit siyang dumating at tila yata mainit ang ulo. Mahina daw ang benta kahapon. Siguro daw kasi ay hindi kami nagtatrabaho ng maayos kaya mahina ang kita. Nagsisisigaw at nagtatatarang siya. Sa katarantahan ko ay naitapon ko ang isang kalderong mantika. Lalong umusok sa galit ang singkit. Antimanong babatuhin ako ng isang bangkito ay inawat siya ng iba kong mga kasamahan. Nag-out ako ng maaga sa trabahong iyon at hindi na pumasok kinabukasan.

Sa isang Collection Office dyan sa Ortigas Pasig-bilang isang Collection Officer ano fah! Isang linggo lang ang itinagal ko dito. Ang trabaho namin ay mangolekta ng pera sa mga tao na may pagkakautang o delingkwenteng account sa mga kumpanyang kliyente namin. Ang siste ay tatawagan namin at sasabihan na sila ay nakademanda na sa aming opisina kapag hindi sila nagbayad ng kanilang mga pagkakautang. Kapag nakasingil kami ay may porsiyento kami duon. Pero usually ay hindi naman natatakot ang aming mga sinisingil at sinasabihan lang kami ng "...e di idemanda nyo....." Kaya ang ending ay wala rin kaming komisyon na nakukuha.

Sa isang Credit Card Outbound Office dyan sa Makati- Outbound Hard Selling through Telephone o Telemarketer (sa mas madaling salita) ng mga credit cards ang tabaho namin. Three days lang ang itinagal ko dito sa kumpanyang ito- mahirap kaya mag-alok ng Credit Card sa mga tao ano. Lalo na sa telepono. Ilang ulit natulili ang tenga ko sa pagbagsak ng receiver nila. Wala rin akong sinahod sa kumpanyang ito. Dahil walang benta.

Bankard- tumagal lang ng three days ang trabaho ko dito. Pakyawan lang ito. Mano manong paglalagay ng mga sulat sa sobre ang aming ginawa sa opisina nila sa Taft Avenue.

FL Steam and Laundry -dito sa Sumulong Highway Antipolo City. Bilang isang staff ng pressing department ng kumpanya. 2 months lang ay wala na ako sa kumpanyang ito. Bukod sa mahirap ang trabaho ay maliit pa ang sweldo. Sabi nga ng Yano .." ang bigat bigat ng trabaho , ang gaan gaan ng sweldo.."

At sa isa pang Garments Factory dyan sa Blueridge Quezon City- sandali rin lang ako dito. Mga isang buwan siguro yun. Bilang tagatastas ng mga damit na narereject. At gagawing basahan in return.

Sandosenang Halo Incorporation- dito naman sa SM Cubao Foodcourt. Tumagal ako dito ng anim na buwan. Natapos ko ang isang kontrata dito. Dito ako tumaba dahil sa kakakain ng Halo Halo. Pagsama samahin mo ba naman ang isang dosenang sangkap sa isang baso kung hindi ka tumaba ewan na lang. Tapos bubudburan mo pa ng ilang Leche Flan ay solve ka na. Dito ko nakasama si Mam Coney Reyes, Elizabeth Chanco, Rhodora Palmario, Annalyn Reglos, Magdalena Lagumbay at si Alfredo.

Prime Management Solutions Inc.- sa kanilang opisina dyan sa Kamias Quezon City. 4 days lang yata ang itinagal ko dito. Ang trabaho? Outbound calling sa USA sa mga Filam dun para mag- avail ng unlimited call from Canada and the US to the Philippines. Joskooo ang susungit ng mga kababayan natin na nasa Amerika huh. Wala na daw silang tinatawagan dito sa Pilipinas he he he he he.

Kowloon West Inc.- under Glenn Oaks Foods of Mam Lorna Rana. Dito ako tumagal ng mahigit tatlong taon. Wala naman kasi akong masasabing masama tungkol sa kumpanyang ito dahil mababait naman ang naging mga amo ko dito. At wala ring problema sa trabaho dahil papetiks petiks lang naman.

Synovate Incorporation - ito naman ay isang survey company na nagre-research sa ilang mga kumpanya na kanilang kliyente. Na-assign ako sa Pizza Hut bilang kanilang Mystery Shopper. Exciting ang trabaho ko dito, dahil sawa kami sa pagkain ng Pizza Hut at kung saan saan pa kami nakakarating na lugar kung saan may branch ang Pizza Hut. Humigit kumulang naka 5 buwan din ako sa kumpanyang ito.

Pilipinas Teleserv Incorporation - isang Call Center diyan sa puso ng Quiapo, Manila. Here, we receive calls coming from Talk And Text subscribers coming from all over the country. Dito ako nakatanggap ng mga malulutong na mura at panlalait early in the morning pa lang ng shift ko. Grabe maging prank caller ang mga Pinoy, walang magawa sa buhay! From the average of 100 calls na natatanggap namin araw araw, 70 dito ay bubuwisitin ka lang. More or less 4 months ang itinagal ko sa kumpanyang ito.

Pan Pacific Info Solution - isang investment company na may kinalaman sa foreign currency trading diyan sa Makati. All day ay nagda-dial kami ng mga prospective clients enticing them to join and invest a large sum of money to our company para mag-profit sa isang currency trading. Cold calling ito kaya mahirap din makahanap ng kliyente na maipapasok mo sa kumpanya. At least 1 month ako dito.

Metis Apax - isang call center sa Pasig. Three days lang ako tumagal dito, dahil bumagsak ako sa training he he he.

NCO - another call center located in Fort Bonifacio Taguig City. For almost two months, we receive calls coming from international clients ,particularly UK, and facilitate questions and queries regarding their package the caller had placed in the website Amazon.com. Masarap na mahirap ang magtrabaho sa call center. Kalaban mo ang puyat at stress sa bawat pagsagot mo ng mga tawag mula sa mga dayuhang kliyente. Lalo na kapag irate caller ang matatanggap mo. Siguradong babagsak ka sa iyong metrics hah!

Ito ang naging huling trabaho ko bago ako nag-decide na mag -resign at mag venture into business.


And from then on ay panibagong adventure at pakikipagsapalaran naman ang pinasok ko. Ibang kuwento na naman yan.

Sari-saring kumpanya. Iba-ibang klase ng mga tao ang nakilala ko sa halos labinlimang taon ng paninilbihan at pangangamuhan. May trabahong pangmatagalan. Meron namang panandalian lamang. May nakakasawang trabaho. Mayruon namang exciting . Depende sa mga amo mo, mga kasamahan mo sa trabaho, klase ng trabaho at lugar ng trabaho mo.

At diyan nagtatapos ang roll call sa mga kumpanya at pabrikang pinagtrabahuhan ko.


Dedicated ko ito para sa mga taong eternally ay naghahanap ng trabaho.

At sa mga may trabaho ngunit natatanggal agad agad.

At ganun din sa mga matagal nang nagtatrabaho, pero wala pa ring asenso.

At sa mga nagtrabahong umasenso rin kahit papaano!

Mabuhay ang Manggagawang Pilipino!

No comments:

Post a Comment