TRAVELBOOK NOW!

Sunday, May 16, 2010

ANG TATAY , ANG KANYANG BAKA AT ANG KANYANG ANAK

Heto pa ang isang kwento mula sa aking Lola Simeona na hindi ko malilimutan:















ANG TATAY, ANG KANYANG BAKA AT ANG KANYANG ANAK


May isang ama ng tahanan ang nagdesisyong pumunta sa bayan upang duon ay ipagbili ang kanyang inaning mga paninda. Isinama niya ang kanyang anak na lalaki at ang kanilang nag-iisang baka. Sabay sabay na nagsimula sa paglalakad ang tatlo.

At nagsimula ang kanilang paglalakbay patungo sa bayan.

Nadaanan nila ang isang baryo na may mga taong nagkukulumpunan at sila ang pinaguusapan.

"Ano ba itong mag-amang ito, diyata ay napakahangal. Mayruon naman silang kasamang baka, pero hindi sumakay ang isa sa kanila nang sa gayon ay hindi sila mapagod sa paglalakad"

Nang marinig ito ng mag-ama, ay napag-isip nilang tama ang mga tao sa sinabi nila. Kaya nagdesisyon ang ama na pasakayin ang kanyang anak sa likod ng baka.


At nagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay.

Maya maya ay napadaan na naman sila sa isang baryo na marami ding tao ang nagtitipun- tipon at narinig nilang sila ang pinag-uusapan.

" Ano ba naman itong anak na ito, diyata't napakawalang puso. Hinahayaan niyang maglakad ang kanyang ama gayung matanda na ito habang siya ang nakasakay sa likod ng baka kung saan siya naman ang mas malakas sa kanila."

Nang marinig ito ng mag-ama ay naisip nilang marahil ay tama ang sabi ng mga tao. Malakas pa nga naman ang batang anak kaya ayos lang dito ang maglakad. Samantalang ang ama ay matanda na kaya kailangan ito na lang ang nakaupo sa likod ng baka.


At muli silang nagpatuloy sa paglalakbay.


Isa na namang baryo ang kanilang nadaanan at tulad ng nauna ay maraming tao na naman ang nagbubulung-bulungan tungkol sa kanilang kalagayan.

"Ano ba naman itong amang ito. Walang habag sa kanyang anak. Hindi ba niya naisip na batang bata pa ang kanyang anak ay pinapahirapan na niya sa paglalakad. Samantalang siya na mas matanda at mas banat na ang buto sa mga mabibigat na gawain ay siya pang nakasakay sa likod ng baka at nagpapahinga."

Nang marinig ito ng mag-ama ay naguluhan sila.

"Alam mo anak nalilito na ako. Sa umpisa, na naglalakad tayong tatlo at walang nakasakay sa baka,sabi nila bakit hindi daw natin sakyan yung baka. At nung ikaw na ang sumakay,sabi naman nila wala ka daw awa sa akin dahil malakas ka pa naman at ako ay mahina na. Subalit ngayong ako naman ang nakasakay sa baka, ang sabi na naman nila ay wala daw akong habag dahil pinababayaan kong maglakad ang bata ko pang anak. hindi ko na alam kung saan ako lulugar eh."

"Ama, mayruon po akong naisip"

" O sige anak, ano iyon?"

"Bakit po hindi tayong dalawa ang sumakay sa likod ng baka? Di ba para wala na siguro silang masasabi dahil pareho na tayong hindi mahihirapan sa paglalakad. Di po ba?"

"Aba'y tama ka nga anak. Ganun nga siguro ang pinakamabuti para sa atin. Buweno, halika na at tayo'y yumaon dahil gagabihin na tayo sa ating pagparuon sa bayan."

At sumampa nga ang mag-ama sa likod ng baka.

Nagpatuloy sila sa paglalakbay.

Maya maya pa'y isang baryo muli ang kanilang nadaanan, at narinig ang isa pang komento mula sa mga nag-uumpukang mga tao.


At kanilang narinig" ano ba naman itong mag-amang ito, hindi na naawa sa baka! Aba'y dala-dalawa pa silang pinapasan ng baka. Tingnan mo nga iyong baka at lawit na ang dila sa pagpasan sa kanila.Bakit kaya hindi na lang sila maglakad."

Narindi ang tenga ng ama sa narinig.

" Tama na. Ayoko nang makinig sa inyo. Hindi ko na malaman kung ano ang gusto ninyo."

At nagpatuloy sila sa kanilang paglalakbay.

Maghahapon na nang sila'y makarating sa bayan.

At habang sila'y papasok sa loob ng bayan, naririnig nila ang matinding tawanan at hiyawan ng mga tao sa kanila, at ganito ang sinasabi.....

"Tingnan mo nga naman yung mag-amang tanga. Biruin mo bang pasanin sa kanilang likod ang baka, ha ha ha ha ha ha....."


No comments:

Post a Comment