TRAVELBOOK NOW!

Thursday, April 15, 2010

Palito


Pumanaw na ang isa sa pinakapaborito kong slapstick comedian na si Palito ( Reynaldo Hipolito ) sa edad na 75 sa Philippine General Hospital sa sakit sa baga at mga komplikasyon nito.

Natatandaan ko si Palito na madalas ay kasa-kasama sa mga pelikula ni King of Comedy Dolphy bilang side kick o parter nito. Pinakanagustuhan ko siya sa pelikulang Rambuto na tunay namang nakakatuwa ang kanyang karakter bilang isang sundalong sobrang payat at tila ba butong anumang oras ay magkakalasug-lasog.

Sa tootoo lang, siya na yata ang pinakapayat at manipis na artista sa buong Pilipinas kundi man sa buong mundo. Kaya nga nabansagan siyang isang Palito.

Sumikat si Palito sa panahon nuong dekada 70 hanggang 80 kung saan ang mga komedyante ay binabansagan ng mga kakaibang mga pangalan katulad ng Balot, Penoy, Pugo, Tatlong Itlog, Chichay, Aruray, Angge, Dely Atay-Atayan,Matutina, Dabiana, Apeng Daldal, Cachupoy, Babalu, Don Pepot at marami pang iba, na tila ba kaakibat ng kanilang kakatwang mga kaanyuan.
Nakarating si Palito sa rurok ng tagumpay bilang isang artista. Ilang beses din siyang nagbida sa maraming mga pelikula na siguradong nagbigay sa kanya ng maraming pera at kayamanan.

Subalit, kabalintunaan na namatay si Palito nang isang mahirap at halos isang kahig , isang tuka.

Marami ang nahihiwagaan kung ano ang nangyari sa kanyang karangyaang natanggap bilang isang Palito?

Kamakailan lamang, habang kami ay bumabaybay ng aking mga kabarkada sa kahabaan ng Avenida sa Santa Cruz, Manila, ay namataan namin ang isang kakatwang nilalang na nakasalamapak sa sahig at tila ba lasing sa labas ng isang beerhouse. Hindi namin sana ito papansinin, subalit natawag ang aming pansin ng isang taong tumawag sa kanyang pangalan na Palito.

At nang aming sipatin ang nakalugmok na nilalang sa kantong iyon ng Avenida ay si Palito nga ito na halos hindi na namin makilala dahil sa dungis at rusing ng kaniyang anyo.

Awa at habag ang aming naramdaman nang mga sandaling iyon.

Sari-saring tanong ang umukit sa aming isipan dahil sa eksenang iyon na aming nasaksihan.

Ngayon pumanaw na ang isang Palito na nagpasaya at nagbigay aliw sa ating lahat bilang isang komikero.

Nawa, ang kanyang buhay ay magsilbing aral duon sa mga sikat at pamosong artista ngayon na matutong magsikhay at magsinsin nang maayos ng perang kanilang natatanggap nang sa gayun kapag dumating na ang oras ng dapit-hapon ay hindi sila iiwang nakatunganga at nakatulala.

Nawa ang kanyang iniwang mga alaala bilang isang masayahin at masiglang komedya sa ating buhay ay manatili sa ating gunita. At magpatuloy bilang isang tunay na alamat ng sining na arte at pelikula.

Sa iyo , Palito, isang maligayang biyahe tungo sa iyong tunay na paraiso!

1 comment:

  1. bilaranjoey@ymail.comJanuary 29, 2011 at 7:55 PM

    nkaka tuoch nman tnx sa nagsulat'''

    ReplyDelete