TRAVELBOOK NOW!

Friday, February 5, 2010

Ultra Stampede....... Ano Na?

Inalala ang pang-apat na taong anibersaryo ng Ultra ( Wowowee ) Stampede nitong Huwebes na naganap nuong February 4, 2006.



Hanggang ngayon ay marami pa rin ang naghihintay sa resulta ng imbestigasyon kung sino ang dapat na managot at responsibilidad sa pagkamatay ng 71 katao sa malagim na trahedyang binansagan ng Guinness Book of World Records bilang "greatest death toll in a game show ".



Nanduon ako sa bisinidad ng Ortigas Center nang mangyari ang nasabing insidente. Bagamat nang makarating ako sa eksena ay humupa na ang tensyon mula sa nangyari, naramdaman ko pa rin ang nakapanlulumong eksena na talagang nagpatibag ng aking damdamin. Sari-saring bangkay ang nakahandusay at walang malay na nakahilera sa kalsada, karamihan ay matatandang babae na nangarap lamang na makatikim ng suwerte dahil sa pag-asa at pangakong hindi maingat na binibitawan sa harapan ng telebisyon.


Kung sana'y may pakundangan lamang sa hirap na pinagdadaanan ng mga nanunuod at pumapatnubay sa kanilang mga programa, hindi sana nangyari ang nasabing trahedya.


Patunay din lamang ito na sadyang marami ang mahihirap na mga Pilipinong nagtitiyagang pumila sa ilalim ng init ng araw, makapasok o makasali lamang sa mga palabas na ganito na nagbibigay pag-asa sa kanila na makaamot ng kahit konting barya man lamang bilang pantawid-gutom sa kanilang mga kumakalam na sikmura.



Saksi nga ako nitong isang araw nang matiyaga kaming pumila sa Wowowee para lamang makapanuod ng kanilang programa. Meron akong isang kasunod sa pila na matandang babae na nanggaling pa daw ng Isabela at lumuwas ng Maynila para lamang makapanuod at makipagsapalaran sa programa. May dala dala siyang isang supot na puno ng kanyang mga pagkain at inumin na maaari niyang makain sa loob ng studio habang nanonood. Subalit dahil sa ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang uri ng pagkain sa loob ay kinumpiska at pinaiwan ng mga guwardiya ang supot na dala dala ng pobreng ginang mula sa Isabela. Walang nagawa ang ale kundi ang ipaubaya sa mga " sungit " ang k

anyang dala dahil kung hindi ay hindi rin siya makakapasok.


Ang masaklap , ay wala daw mauuwian ang nasabing ale dito dahil mag-isa lamang siyang lumuwas at ang kanyang dalang mga pagkain ay ang kanyang natitirang baon bilang pamatid-gutom dito sa Maynila.



Ang mga prodyuser ay kumita na ng limpak limpak. Ang mga hosts ay nakapagpapagawa na ng mga mansyon at tore na kanilang titirahan. Ang mga advertiser at sponsor ay kumita na ng milyun milyon dahil sa pagpapatalastas sa programa. Pero ang mga kawawang manonood na pumipila, hayun at nakapila pa rin - nagtitiyaga, pinagpapawisan, nangangalay, nagugutom, naiinip , nagbabaka-sakali na sana naman isang araw sila naman ang ambunan ng grasya mula sa mga nasa itaas!!!!!!

No comments:

Post a Comment