TRAVELBOOK NOW!

Wednesday, February 24, 2010

Goodbye my tsinelas.....

After three long years, sa wakas , napigtal na din ang aking pinakamamahal na tsinelas - a blue World Balance slipper - na nakasama ko sa hirap at ginhawa sa aking buhay.

Actually, gift ito ng aking brother na kagagaling lamang nuon sa South Korea bilang isang OFW. Tuwang tuwa ako nuon dahil nagustuhan ko ang design at kulay ng nasabing tsinelas na asul which is my favorite color.

Kaya naman simula nuon ay naging kasa-kasama ko na siya saan man ako magpunta at lumagi - sa pagrampa, gimik, lakaran, inuman, pamamasyal at maging sa mga iyakan at senti moments ko- ang ever reliable tsinelas ko ang aking yakag-yakag. Siguro kung susumahin ang kilometrong nailakad ko kasama ang aking tsinelas, puwede na akong nakapunta ng Amerika at pabalik, dahil sa tagal ng pinagsamahan namin ni WB. Ilang beses ko na siyang nakasama sa maraming pagkadapa at pagkatalisod at muling pagbangon mula sa pagkakahandusay, ngunit kahit minsan ay never akong iniwan ng aking mahal na tsinelas. Maingat ako sa aking gamit, at hanggang hindi ito nasisira o napupunit ay hinding hindi ko siya ipinagpapalit.

Ang tsinelas o anumang sapin sa paa ay parang kaibigan. Sasamahan ka nito saan ka man dumako at dumoon. Mahalaga ang pagpili ng tsinelas dahil ito ang magsisilbing karamay mo at depensa laban sa mabato, maputik at minsa'y matinik na daan ng buhay. Kung wala kang tsinelas, mahihirapan kang baybayin at tahakin ang lansangang puno ng pagsubok at balakid.

Tulad din ng tao, ang tsinelas ay napapagod din at dahil sa halos araw araw na paggamit ay dumarating ang oras na rumurupok at napupudpod ang ating katawan kaya darating ang panahon na tayo ay "mapipigtal" din sa kalaunan ng ating buhay. Minsan itatapon mo na lang dahil wala nang pakinabang.

May spare akong tsinelas na nabili diyan sa isang department store sa Cubao - isang big ,red Accel na nabili ko ng "SALE", siguro dahil walang pumipili sa kanya dahil sa sobrang laki nito kaya't nilalagpasan lang ng mga kostumer .

Ngunit, hindi siya matibay. Hindi katulad ng "paborito" kong si WB, ilang gamitan ko lang at suot sa pagtakbo , hayun, nakanganga na at kailangan mo nang lagyan ng Rugby para dumikit ulit. Parang gutom na naghihintay ng makakain. Ganyan din ang ibang kaibigan - hindi maaasahan ang tibay, madaling sumuko, madaling masira sa pagtapak sa baku-bakong daan.

Kaya heto , no choice kundi bumili ng bagong tsinelas na makakasama kong muli sa pagtahak sa mabatong landasin ng buhay. Maraming mapagpipilian; magmula sa simple at mumurahing de-sipit na goma na mabibili mo sa halagang sampu hanggang bente pesos diyan sa talipapa, hanggang sa isnabero, hindi madaling mahagilap, at mamahaling sosyalerang Havaianas na sa presyo ay puwede ka nang makabili ng limampung pares ng Spartan na goma. Parang tao din.

Sa wakas nakahanap na ako ng bagong makakapartner ng paa ko sa muling pagtahak sa madawag na landas ng buhay, isang black rubber Duralite na nabili ko sa isang pamilihan dito sa Cogeo.

Sana tulad ng tatak niya, durable sana siya o matibay , at light o magaang kasama ( o puwedeng magsilbing liwanag) bilang partner ko ng maraming taon sa aking mapanghamon na paglalakad at paglalakbay dito sa mundong ibabaw.

Sabi nga ng Yano: " .....O aking tsinelas
Palitan bukas na ang wakas
Kasa-kasamang madalas
Ilang taon ang lumipas
Mahal kita!
O aking tsinelas
Kaya... mang kulas
Pabili na ng tsinelas....."

No comments:

Post a Comment