TRAVELBOOK NOW!

Saturday, January 9, 2010

Viva Senor Nazareno


Ngayon ang araw ng Fiesta ng Quiapo o Feast of the Black Nazarene.
Tulad ng inaasahan milyun milyon na naman ang mga debotong dumagsa ngayon sa Quiapo upang i-celebrate ang natatanging araw para sa Itim na Nazareno ng Quiapo. Bagamat taun-taon ay may nagbubuwis ng buhay sa pagdiriwang na ito ( as of last count ay may dalawa daw namatay sa taong ito ) ay patuloy pa rin itong dinarayo ng mga mananalig na nagmula pa sa ibat ibang parte ng Pilipinas.

Bagamat hindi ako nakadalo ngayong taon dahil sa isang gawain, naging piping saksi ako ng kaganapang ito nitong nakaraang taon; and to describe that experience in one word , I would say it was overwhelming!

Nasa Guzman Street ako nuong panahong iyon nang masaksihan ko ang daluyong ng tao para salubungin ang prusisyon ng poon ng Quiapo.

Umaga pa lang nuon ay natanaw ko na ang mga pulutong ng deboto na naglalakad ng nakayapak upang tupdin ang kanilang panata sa poon. Hanggang kinagabihan ay patuloy pa ring humuhugos ang bilang ng laksa laksang tao na may iisang layunin: ang mahalikan o di kaya ay madampian man lamang ng kanilang mga dalang pamunas ang imahe ng Poong Nazareno na pinaniniwalaan nilang magbibigay sa kanila ng biyaya at kasaganaan o kagalingan sa kanilang mga karamdaman o kaya naman ay katuparan sa kanilang mga kahilingan.

Nang malaman ng mga tao na dumarating na ang karo ng Imahe ay hind na magkandatuto ang mga tao sa paghiyaw, pagtili at pag-awit sa kanilang chant na " Viva, Viva" na parang dumadagundong na kulog sa kalangitan. At nang matanaw na nila ang imahe ng Poon ay lalo pa silang nagkagulo at nagkadarapa sa pag-uunahang makalapit dito na para bang nakita na nila ang Diyos. Sala-salabat ang paghahagis ng lahat ng klase ng pamunas na buong tiyagang ipinapahid sa poon upang ibalik sa nag-itsa nito . Sari sari ang emosyong makikita mo sa paligid: may umiiyak, may nakatawa at nagagalak ,may kinikilabutan at meron din namang tila ba natutulala sa mga kaganapang unti-unting tumatambad sa kanilang paningin. Ang mga deboto ay nanlilimahid at halatang pagod na sa tila ba walang katapusang paglalakad subalit maliwanag at kaaya-aya ang kanilang mga mukha at hindi alintana ang nadaramang kapaguran dahil masayang tinutupad ang kanilang panata para sa Poon. Nasaksihan ko ang daluyong ng mga tao na hindi magkamayaw sa pagsalubong sa karo at nais man lamang na makahawak sa lubid na humihila dito. Nakaaantig ng damdamin ang ganitong eksena lalo na at unang beses mo ito matunghayan.

Hinding hindi ko makakalimutan ang eksenang iyon sa aking buhay. At I'm very proud dahil kahit minsan ay naging parte ako ng isang buhay na tradisyon at kasaysayan ng ating bansa.

Ang Fiesta ng Quiapo ang isa sa mga kapistahan na tunay na dinarayo at maipagmamalaki ng ating bansa para sa buong mundo. Na tayong mga Pilipino ay pinagbubuklod ng iisang damdamin at pananamplataya sa Diyos na sa atin ay lumikha.
Dahil dito ay kaisa ang Daily BITES sa pagsaludo sa ating mga kapwa mananambahan.

Viva Senor Nazareno!

No comments:

Post a Comment