TRAVELBOOK NOW!

Monday, January 18, 2010

Jumbo and Me



Napanood ko sa DVD and pelikulang Marley and Me : kuwento ng isang aso at kung paanong naapektuhan niya ang buhay ng isang mag-asawa hanggang sa pagpanaw nito. Unang inampon ng bagong mag-asawa na John(Owen Wilson) and Jenny( Jennifer Aniston) Grogan ang yellow labrador retriever na pinangalanan nilang Marley( from Bob Marley - Jamaican reggae singer ) nang nag-iisip silang magkaruon na ng anak; at para mapagnilayan nila kung handa na nga ba silang magka-anak ay nag-ampon muna sila ng isang tuta.


Sa loob ng 14 na taon ay naging kasambahay at katulong sa paghabi ng kanilang tela ng buhay ang asong si Marley para sa mag-asawang Grogan - magmula sa pagsilang ng kanilang panganay, pagpapalit ng trabaho, pagpapalaki ng mga anak, pagsilang ng kanilang iba pang mga anak, mga problemang pinagdadaanan ng isang pamilya- kasama nila ang matapat pero " worst dog in the world " na si Marley.


Ipinakikita ng pelikula na kahit na hayop ay pwede nating maging kakampi at kasangga sa ating pakikibaka sa mga hamon ng buhay.


Minsan na rin akong nagkaruon ng kasanggang aso nuong ako ay nagdadalaga, este,nagbibinata pala, na ibinigay sa akin ng aking ama. Si Jumbo.


Kapamilya ang turing ko nuon kay Jumbo, parang isa kong anak. Tinuruan ko siya kung paanong huwag iihi at tatae sa loob ng bahay, pinapaliguan ko, sinisipilyuhan, pinupulbosan, inaalisan ng garapata at kuto, sinusuklayan, pinapakain, katabi kong matulog at lagi kong ipinapasyal sa labas tuwing umaga.


Ngunit isang araw pagdating ko galing sa eskwela; nagulat na lang ako dahil pinupulutan na ang alaga kong si Jumbo ng mga kamag-anak ko bilang asalto para sa tiyuhin kong dumating galing sa abroad!


Ang saklap ng araw na iyon para sa isang batang katulad ko na nawalan ng alaga.


Jumbo and Me - disin sana, isang alamat rin ang aking mahahabi mula sa kanyang buhay kung hindi lang siya maagang kinatay ng mga lasenggong iyon.



Stop killing dogs for pulutan. Hayop man ay may buhay din na puwedeng ibahagi sa atin bilang isang ala-ala.

No comments:

Post a Comment