TRAVELBOOK NOW!

Sunday, January 17, 2010

Fiesta ng Santo Nino sa Tondo

Tuwing ikatlong Linggo ng Enero ay ginaganap ang Fiesta ng Sto. Nino sa Tondo, Manila.
Halos kasunod lamang ito ng Fiesta ng Quiapo na ginaganap tuwing a nuwebe ng Enero.
At katulad din ng Fiesta ng Itim na Nazareno sa Quiapo, taun taon ay may nagbubuwis ng buhay sa Fiesta sa Tondo.

Sa imbitasyon ng isang kaibigan ay dinayo ko ang Fiesta ng Tondo.


Maingay, magulo , masaya, makulay,magarbo at masarap ang Fiesta ng Tondo. Ito ang araw kung saan ay inaalala ng mga Tondenos ang pista ni Nino Hesus.

Kabi kabila ang parada ng ibat-ibang klase ng poon

ng Santo Nino na nakakaaliw ang mga costume at accessories na ikinabit at isinuot nila sa mga istatwa. Sinasabayan ito ng grupo ng mga musikero at manunugtog at ng mga mananayaw na walang sawang umiindayog sa nakakaaliw na tugtugin ng banda. Tunay na maging ikaw ay hindi mo mapipigilang mapaindak sa saliw ng musika ng mga banda. Sari-sari ang pagkain na ihahain sa iyo. Makulay ang mga banderitas na nakasabit at tila ba sumasabay din sa pag-indayog ng musika. Kabi-kabila rin ang pasayaw, paawit, pakontes , pagandahan , paguwapuhan at kung anu ano pa mula sa mga entabladong itinayo sa mga kalsada . Anupat wala kang makikitang tao na hindi gumagalaw at kumikilos. Lahat iisa ang kumpas sa sayaw ng tugtog, ikanga.


Nakakabilib ang ipinakikita nilang pagkakaisa at pakikiisa sa kanilang fiesta kung kayat dinarayo ito ng napakaraming Pilipino at maging ng mga turista. Bata, matanda, babae , lalake , lahat ay nagkakaisa sa pagselebra sa natatanging araw na ito na ipinagmamalaki ng mga taga - Tondo.


Masayahing tao ang mga taga Tondo. Buhay na buhay. Kung sa ibang panig ng bansa ay tulog na ang mga tao kapag sapit ng alas dose ng hating-gabi, sa Tondo, tila ba bukang liwayway na ito ng kanilang araw. Kahit notoryus ang lugar dahil sa dami ng mga pangit na balita na nanggagaling dito, still , well loved pa rin ang lugar na ito dahil sa pagiging masayahin ng mga tao dito. Kahit marami sa mga taga - Tondo ay maralita at anak-mahirap, hindi mo ito sa kanila madarama at mahahalata dahil sa kanilang pagiging masayahin at palangiti.

Kaya naman sa natatanging araw na ito ng kanilang kapistahan, kaisa ako sa pagiging proud Tondenos sa pagdiriwang ng kanilang kapistahan.


Viva Santo Nino de Tondo!!!

No comments:

Post a Comment