TRAVELBOOK NOW!

Thursday, December 24, 2009

Briones Reunion and Christmas Party 2009

Ginanap namin ngayon ang aming first ever Family Christmas Reunion Party sa compound ng aming tiyuhin na si Mr. Rudy Briones.

Malaki ang angkan ng mga Briones na nagmula sa Camarines Sur, Bicol. Siyam na magkakapatid ang nasa side ng aking ama at panglima siya mula sa panganay. Dito sa Antipolo ay nasa isang compound lamang kaming magkakamag-anak nakatira. Subalit kahit ganun kalapit ang bawat isa sa amin ay tila ba napakahirap mag-ipun ipon dahil sa ilang mga kadahilanan tulad ng kawalan ng oras , busy sa kanya kanyang gawain at, pagkakanya- kanya, kawalan ng pera at ilang mga hidwaan na tunay namang nagpapahiwalay sa aming mga kamag-anak.

Ngunit dahil sa initiative ng inyong lingkod at katulong ang ilang mga pinsan at pamangkin ay napagpasyahan naming magdaos ng isang get together reunion cum Christmas party nang sa gayon ay magsama-sama at tuluyang maghilom ang mga sugat na ginawa ng alitan at pagkakanya- kanya bagkus ay maipalaganap ang pagkakaisa at pagmamahalan sa bawat kamag-anak. Ang sabi ko nga , sino pa bang magdadamayan, kundi kami ring mga magkakapamilya.

At ngayon nga ay naganap ang isang napakalaking reunion na dinaluhan ng bawat isa mula sa lumalaking angkan ng mga Briones at naipakita ang solidarity and love among the family.

Lahat ay may galak na nakipag-isa sa salu salo. Bawat pamilya ay may dalang pagkain na aming pinagsalu-saluhan pagdating ng Noche Buena.

Nagsalita at nagpahayag ng kanilang mga saloobin ang bawat isa na naging daan upang magkapatawaran sa anumang mga hidwaang namagitan sa bawat kampo, nagpaliwanagan at nag-usap ng maayos at masinsinan upang mapagkasunduan ang mga bagay na kanilang pinagtatalunan o hindi pinagkakasunduan.

Matapos ang isang maiksing programa na binubuo ng mga palaro , exchange gifts, intermission numbers, raffles ,kantahan at sayawan , tapos ay kainan ,ay sabay sabay naming sinalubong ang Pasko sa pamamagitan ng kapit kamay na pag-aawitan sa saliw ng Star Ng Pasko ng ABS CBN at matapos nito ay sabay sabay na nagyakapan upang maipadama ang pag-ibig at pagmamahalan at tuluyang magkaisa tungo sa pag-unlad at pagbabago ng aming mga buhay.

Tunay na isang makabuluhan at masayang pagsalubong sa Pasko ang nangyaring party sa aming angkan na nagpakita na tanging pagmamahalan ang magbubuklod sa amin upang hindi magkawatak watak sa anumang bagay na aming pinagkakaibahan.

Naipakita dito na , sa kahuli-hulihan, anuman ang mangyari , ay kapamilya mo pa rin ang iyong matatakbuhan sa mga oras ng iyong pangangailangan.

Mahalaga ang pagkakaisa at pagmamahalan sa isang pamilya. Ito ang magiging giya ng bawat isa para magpa-alala na tayo ay may isang pamilyang maasahan na magtatanggol, dadamay at tutulong sa atin sa oras ng mga pangangailangan at kagipitan.

Mahal ko ang aking pamilya at mga kamag-anak. Sila ang nagbibigay inspirasyon upang patuloy na lumaban sa mga pagsubok ng buhay. At alam ko na nandiyan lamang sila sa oras na tawagin ko sila sa oras ng pangangailangan.

Sa bawat isa, isang mapagpala, mapagmahal at punong puno ng pag-asang bagong taon ang sumalubong sa ating lahat.

No comments:

Post a Comment